Paghalik sa Kambal na Sugat ng Bunso

Sa dapit-hapong ito ng bagyo

sa lupaing kinapadparan ng aking isip,

hinalikan ko sa telepono ang kambal na sugat

sa tuhod ng aking bunso.



Habang nagngangalit ang panahon,

pinatahan ko

ang anak na di naipaghele,

di man lamang nakantahan

ng "Tong, tong, tong, pakitong-kitong."



Parang isang eksena sa pelikula

ang kaganapan

ngayon at madalas:

ang paulit-ulit na paghalik

sa sugat sa pagkakadapa

ng bunsong nag-aaral na mag-isang

tumutuklas sa hapdi ng mga nawawalang

oras sa aming pagitan,

nananabas ng mga pabuka pa lamang

na rosas sa munting halamanan,

nangungulimbat ng mga dahon ng herba maria

at ginagawang dinengdeng

sa mga mumunting lutuang putik.

O dili kaya ay pinapakuluan

ang mga tangkay,

ginagawang tsa,

sinasangkapan ng lupang

nakakapagbigay-kulay sa tubig

sa kanyang banga at sasambitin:

"Para ito kay tatay. Pantanggal ng

lahat ng kanyang pagkasabik at pangungulila.

Pang-alis sa lahat ng mga alalahanin

sa umagang darating."



Pero tatlong taon pa lang ang bunso

at ang mga kataga ay sa kanyang isip

na nag-iipon ng mainit na pagsuyo.

Siya ay si Kristala, nanliligtas sa mga sawim-palad.

Siya ay si Cinderella, ang prinsesang mayumi at marikit.

Siya ay si Kristalang Cinderella rin, iisang panaginip.

Pero walang karakter na mga anak

ng mga umalis. Walang mga bayani

sa mga hanay ng mga anak ng mga exilong nagtatangis.

Maliban sa soap opera.

Maliban sa pelikulang patok sa takilya

dahil naroon si Vilma Santos

dahil nawala ang puso ng panganay

dahil nawala ang utak ng pangalawa

dahil ibang ina ang nakilala ng bunso

dahil muling umalis ang ina

dahil kailangang umalis muli ang ina

sapagkat kailangang kumain ang mga anak

sapagkat kailangang mag-aral ang mga anak

sapagkat kailangang makipagsapalaran para sa mga anak

at kalimutan ang sarili

at kalimutan ang hirap

at muling magbangon, muli at muli.



Magpapakawala ako ng isang buntong-hininga.

Isa lamang.

Malalim.

Hinugot mula sa kaibuturan.

Hinugot mula sa mga pusod ng gabi

na nag-iisa akong nanunuod sa pagpatak

ng walang kasimbangis na ulan.

Maalala ko ang dinengdeng ni bunso.

Maalala ko ang kanyang tsa mula sa

dahong ng talinum o milflores.

Maalala ko ang matunog kong paghigop

ng mainit na sabaw ng kanyang sinigang

mula sa alikabok, uhog, halakhak, at pagsinghot.

Maalala ko ang paghalik ko

sa sugat na kambal, sugat sa kanyang tuhod

na patitibayin pa lamang ng maraming pagkatalisod.

At habang pinapanood ang paghampas

ng hangin sa mga sanga ng palmera

sa aking bintanang nakasara,

naaalala ko ang bunso sa kabila ng dagat

naaalala ko ang mga amang umalis

naaalala ko ang mga bunsong naghihintay sa pagbabalik

naaalala ko ang bayang nagpapaalis

sa mga magulang na napipilitang umaalis.





Aurelio S. Agcaoili

Torrance, CA

Enero 7, 2005

No comments: