Pagdiriwang sa Malayuan

Paulit-ulit nating gagawin ang seremonya

ng pakikinabang sa handaan ng mga pinakbet

at pinapaitan tuwing matatapos ang isang linggo

ng panghihiram ng lakas at kaligtasan

sa alaala sa nayon o bayang pinag-ugatan.



Tulad ngayon, pinagsamasama tayo

ng tinudok at kinilaw at ng pagbabalik sa gunita

ng paghihikahos at pakikibaka sa mga araw

na ang bigas ay nagkakait sa atin

na ang bukirin ay tuyot at tayong lahat

ay magpuprusisyon, magdarasal sa poon

ng mga tubig at ulan at masaganang ani,

magpapasaring na ang mga pilapil ay aayon

sa mga dikta ng malamyong hanging aaliw

sa nagbubungang pananim.



Namnamin natin ng mainam, banayad,

matagal, ang kabayaran ng ating paglayo

sa inang bayan, tayong mga distiyero

ng mga naisin at pangarap na kaiba

sa isang salop lamang na bigas

na para sa ngayon at di kilala ang bukas.



Magpipila-pila tayong lahot, sasandok

ng kabusugang wala noon sa atin,

wala noon sa nayon na minsan ay atin,

na minsan ay bilang ang pagdighay.

Sa isip ay isasagawa natin ang payapang

paghiga sa papag pakapanangghali

upang doon, sa kubo ng ating mumunting

panaginip, doon mahihinog

ang lumalayong isip.



Sa ibang bayan ang tirada ng lahat

ng utak natin, kaliwa man o kanan,

meron man o kulang-kulang.

Dangan ay ginhawa ang sinasabi

ng mga kahong tila nagbubuntis ng sabon

o losyon o karne norte kung dumating.

At ang dolyar ay panustos sa lahat na

nagsusumikap na makabasa ng Ingles

na lampas sa ating kayang gawin,

lampas sa What is your name? at

Where did you come from,

stranger of this land?



Taon na ang binilang natin

bago tayo nakaisip ng ganito.

Taon na walang humpay na pakikabaka

sa pagod at lamig, sa lungkot at paggiliw.

Taon na walang humpay na pagdarasal

na makatapos ang panganay

na makakarera ang pangalawa

na hahabol ang bunso sa mga kapatid

magpapakitang-gilas tulad ng mga umagang

nag-uudyok sa ating gawing gabi ang araw

gawing araw ang gabi

at araw-araw ay ginagawang gabi ang araw

at gabi-gabi ay ginagawang araw ang gabi.



Susubo tayo ng masaganang pagkain,

haharap sa piging ng ating damdaming

naghahangad bumalik sa atin

subalit pinipigil naman ng mga babayarin

ng mga utang na kailangang harapin

ng mga pangarap na nais pang marating

mga utang na marami sa atin

mga pangarap na wala na sa atin.





Aurelio S. Agcaoili

Kahili, HI

Jan. 22, 2005

No comments: