Pasabi sa Panganay

Nagdugo ang utak ko, sabi mo sa sulat.

Panganay ka nga ng mga ligalig.



Sinabi mong tila di naintindihan

ni Ces Drilon ang ibig ipahiwatig

ng amang nalulungkot sa ibayong dagat,

siya na nagkakasya lamang sa paisa-isang

tawag o mensahe sa tex kung abutan

ng magdamag na pangangarap

sa bukas na darating

kasama ang mga supling at saya

kasama ang kabiyak at kahapon

na nangawala sanhi ng paglisan

pansamantala.



Upang maghanap ng kinabukasan para sa

mga bata, sabi ng tatay, sabi mo,

panganay ng mga bersong aking

kakathain ngayon. Inantig mo rin

ang aking damdamin, sinaling

ang sugat sa aking dibdib.

Pinakatatago ko ito, walang nakakaalam

kundi ang mga talata ng aking madalas

na pagsulat sa inyong lahat

sa mga gabing di ako makatulog

sa mga araw na di ko nalalasahan ang kanin

sa mga umagang kelangan pilitin ang sariling

bumangon sapagkat kelangan mauna sa amo

sa pagdating, mauna sa pila

ng mga pang-umagang

mithiin na para rin sa atin.



Ay, itay, sabi mo.



Ngayon ko lang napagtanto kung papaano tayo

nagbabayad sa ganitong paglayo.

Tayo.

Ikaw na umalis.

Kami na naghihintay sa iyong pagbalik.

Kami na iniwan, ikaw na babalik na kung kelan

ay di alam. Hindi pa sa ngayon bagumbago ang taon.

Ngayon ay tatlong taon na ang anghel na iniwan.

Ngayon ay dalawang taon ka nang

di nakasaksi sa mga muhon ng ating pagkandili:

ang paghihip ni bunso ng kandila sa kanyang kaarawan, 2X

ang pagtatapos ng pangalawa, 1X

ang aming kaarawan, 2X

ang anibersaryo ng kasal, 2X

ang pasko, 2X

ang bagong taon, 2X

ang araw ng mga puso, 2X

ang piyesta ng Sto. Nino sa Tondo, 2X,

ang pagpapaligo sa mga tao sa piyesta ni San Juan, 2X

ang pagbabalik ng mga rali sa Mendiola, 7X7

ang welga ng bayan, 7X7

ang kaarawan ng inay, 2X.



& marami pang ekis.



Marami.

Sasakit ang mga daliri sa pagbibilang,

sasama din ang loob. Mabuti nang

hayaang malibang sa pangako

ng ibang bayang pinuntahan at pupuntahan pa:

ang sapat na pagkain na wala sa atin

kung walang perang pantubos sa nakasanlang

ulam at sinaing.

Sa lahat ng ito, sabi mo, panganay,

sa lahat ng ito, walang alam ang bayan ko.

O di lang nais alamin

ang timbang ng mga luha sa isip natin.

Pero lalawak ang aming alam, sabi mo.

Lalalim ang aming sasabihin.



Umuurong ang aking dila, panganay.



Parang makata, may namumuong luha

sa aking mga mata. Sasabihin ko bang

napuwing ako sa iyong mga salita?



Aurelio S. Agcaoili

Torrance/Artesia/Palos Verdes

Dis. 4. 2005

2 comments:

ie said...

hindi ko alam itay kung salamat o pasensya ang dapat kong banggitin. pero kung alin man sa dalawa ang mas nararapat, may kataga pa ring hihigit sa kanila:

mahal kita.

ariel said...

dear ayi:
ty. and let us keep on with this journey to life, LIFE.
itay