Sa himlayang iyon ang tagpuan nating lahat,
ikaw at ang mga nagdadalamhating kamag-anak
at mga araw ng mga pahimakas ng paglisan.
Lugar ito ng paalaman sa mga naglalakbay
sa kabilang ng buhay na angkin namin ngayon
na minsan ay iyung-iyo rin ng buong-buo,
ikaw na mortal na kapanalig ng lahat na nais.
Sabi ng Ilokanong taga-anunsiyo
sa kanyang palabas sa radyo
ay ito ang araw ng aming pagdalaw sa iyo
ay ito ang dapit-hapon
ng iyong pagpaalam sa amin.
Sa taga-anunsiyo ka rin
nakikibalita sa lahat ng mga nagaganap
sa bayang iniwan
sa mga kakilalang naglaho
sa mga pangarap na nangawala.
Bago pumasok sa trabaho
ay inaalam isa-isa kung sino ang pumanaw
tulad ng pag-alam kung anong oras
magbubukang-liwayway
sa araw-araw.
Sa radyo mo rin nasagap
ang patalastas
tungkol sa aking pagdating.
Sa St. Andrews mo inabangan
ang aking pagbati pagkatapos
ng tatlumpong dekadang
paghihiwalay ng ating mga landas,
ikaw sa pakikialam sa bayan,
ako sa paghuhubog
ng mga kabataan.
Inabangan mo ang aking pagbigkas
ng tula sa at ipinagmalaki
ang ating dugong pula,
magpinsan sa pagbibigay-buhay
sa ating nandarayuhang
katawan at isip at panaginip.
Bukas ang simula ng huling yugto
ng iyong pagbabalik sa iyong
pinagmulan, doon sa huling hantungan
ng pagkakakilanlan at kalayaang ganap,
doon sa kabila ng mga bundok
doon sa kabila ng mga dagat
doon sa kabila ng mga tubig
na payapang nagmamasid
sa mga nagaganap ngayon
sa ating walang hanggang paalaman.
Hindi ko alam kung ikaw
ngayon ay nakatanod
sa amin.
Hindi ko alam kung tinitingnan
mo kami habang ikinakabesa namin
ang hiwaga at kapayapaan
ng iyong paghimlay.
Hindi ko alam kung inaalam
mo kung sino sa amin
ang nagtatangis tulad ng pagtatangis
ng iyong apo sa kanyang
pagbibigkas ng alaala sa iyo,
ang apong bunso
ng lahat na pagsuyong wala sa palad
kundi nasa nagmamahal na puso
o
kung inaalam mo
kung sino sa aming nakikipaglamay
sa mga taong iiwan mo sa amin
ang may luha tulad ng mga ti na sumasapo
sa kumpol ng mga bulaklak
sa iyong paanan.
Nakatanod ang mga puting orkidya
at duguang anturium
sa telong nagbabalita ng iyong paglisan.
Marahil ay binibilang ang mahabang pila
ng mga kababaryong nakipagsapalaran din
sa lansangang ito ng mga nandarayuhan
tulad mo at nating lahat.
Naalala ko ngayon ang pagpipila-pila
ng mga detenidong lakas at pangarap
noong panahon ng batas militar.
Naalala ko kung paano mo ikinintal
sa isip ng lahat ang pagmamahal sa bayan.
Alam mo ang palsong palabas sa ganoong
tunggalian ng mapaglaro at mapanlamang
na kapangyarihan at inisip mo
ang kapakanan ng mga mamamayan.
Kapitan de barangay ka
ng mga maraming
pagsubok sa atin.
Kinakapitan ng lahat
tulad ni Berto na di mawari
kung nasaan ang pusod
kung nasaan ang bumbunan
kung nasaan ang pagkatao.
At ginawang halimbawa
ang lugal na pinaglibingan
ng kadkadua,
sapot ng lahat ng alaala
sa pagiging kaanak ng marupok na lupa
sa atin at sa alin mang lugar mula sa lusod
tungo sa paratong at sa mga desdes
tungo sa mga burol at buhanginan.
Ngayon ay tatapusin natin ang kuwento
ng iyong buhay, Manong Celin.
Pauwi ka sa atin pagkatapos
ng mga panahon ng paggiliw
sa paulit-ulit na pagbabalik
sa ating mithiin:
maunlad na pamayanan
maunlad na isip
mayamang metapora
ng sanlibong daniw.
Na siyang gustung-gusto
mong mapakinggan mula sa akin,
ako na iyong inangking pinsan
ng iyong kambal na paggiliw.
Ngayon ay tutulaan kita,
iaalay ang bersong ito at marami pang
kasunod habang minumulto ako
ng iyong dalisay na puso,
ang di nagbibilang na pag-awit
ng himno ng ating naliligaw
na kuwento sa paglayo.
Ayna, Manong Celin, ayna,
kung maririnig mo
ang dung-aw ni Manang Poly.
Kung maisasalin mo sana
ang hikbi sa wika ng mga damdaming
namumulubi ng pagkandili sa mga iniwang
bukid sa atin at dito, mga bulaklak na binantayan
sa kanilang pamumukadkad sa iyong halamanan,
at sa halakhak sa mumunting handaan!
Hahayaan ka namin sa iyong pag-alis.
Pabaon namin ang maraming tula sa isip,
basbas sa iyong paglalayag
sa sinaunang pagbabalik.
Aurelio S. Agcaoili
Mililani, Hon, HI
Ene 16, 2005
No comments:
Post a Comment