Lungkot ang binabayaran
sa manggagawa sa ibang bayan.
Hindi yung kanyang talino.
Hindi yung kanyang utak.
Hindi yung kanyang kakayahang
magpatawa
o magbigay aliw
o umawit ng himit na buong puso at galak
para sa mga kostumer sa aliwan sa Phuket
o sa isang bar sa Phi Phi
o sa isang casa para sa mga marinero sa Long Beach.
Kapalit ng lungkot ang limpak-limpak na salapi,
bayad ng maraming araw at buwan at taon
ng pangungulila ng mga bisig
sa pagbuhat sa bunso
sa pagtabas ng dama de nocheng
umangkin na sa pader ng kapit-bahay.
Tuwing gabi lalo na ngayong taglamig,
pinagpapatong-patong ng mga nandarayuhan
ang mga alaala sa bayan at mga magulang at mga anak,
ginagawang balabal na panlaban sa niebe
ginagawang diaket na pangontra sa talas ng yelong ulan
ginagawang kumot na kung gumapang sa katawan
ay parang isang libo at isang kamatayan.
Kayraming hinagpis sa pangingibang-bayan.
Kayraming luha ang kelangang ilagay sa palad,
bilangin ang pagpatak at hanapin sa mga bilang
ang darang at pagsuyo sa mga pilapil na iniwanan,
sa mga bukid na tumatambad sa panaginip
sa mga bundok na ang tugatog ay kagampan
ng lahat ng nais:
sapat na pagkain sa araw-araw
na di kayang garantiyahan ng pamahalaan
sapat na perang pambayad sa pag-aaral
na di ring kayang garantiyahan ng pamahalaan
sapat na impok na sasandalan
sa pagtanda ng mga hita at kalamnan
at pagliliwaliw ng lakas sa nakaraang
panahon ng kabataan, impok na di ring
kayang garantiyahan ng pamahalaan.
Bagkus, sasabihin pa ng aking kailihan:
siya, siya, umalis, umalis at magpadala
at magpadala ng dolyar.
Lungkot ang binabayaran
sa mga manggawa sa ibang bayan.
Kapalit ng dolyar ang lungkot
na kasa-kasama araw-araw.
Aurelio S. Agcaoili
Torrance, CA
Enero 1, 2005
No comments:
Post a Comment