Ilang ulit ko nang narinig ang salitang 'buraot.'
Noong una ay hindi ko pinapansin.
Para ba kasing may kinalaman sa aking pagiging Ilokano at ang dating sa akin ay isa akong kirmet, kuripot, matipid. Diyaske!
Ano naman ang ipagkukuripot, halimbawa, ng wala ring kakayahan tulad ng kapitbahay namin na umaasa sa basbas ng mga maghuhuweteng?
Ano naman ang ipagkikirmet ng isang taong ang idyomang 'isang kahig-isang tuka' ay di na uubra kundi ang modifikado na versyon nito: 'dalawang kahig, isang tuka'?
Sa dalawampung taon kong pagtuturo sa mga unibersidad at kolehiyo sa Pinas, madalang ang panahon na merong sobra ang kaban ng aming tahanan.
Sapat-sapat, oo, pero ang subra-sobra ay tila kasinglabo ng maulop na umaga dito sa Santa Monica mountains, sa duluhan ng Malibu na pinagkukutahan ng mga walang kuwentang artista ng Hollywood na kung tumanggap ng bayad sa kanilang pakikipaglampungan sa iskrin na siya namang papanoorin natin ay katumbas ng saku-sakong bigas ng milyung-milyong nagugutom sa Kamaynilaan.
I-juxtapose natin dito ang: karukhaan ng marami, sa Amerika man o sa Pinas, ang kawalang ng batayang katarungan sa ganitong panlipunang pagpapahalaga ng pagpapawis at trabaho ng iba, ang pamumuhunan sa 'celebrity status' (sino naman kasing kapitalista ang nag-imbento nito, kailangan bang i-memorize ito, ha?) at ang pagpapasasa ng mga artistang ito.
Ngayon, sino ang dapat patawan ng mortal sin? Ang pari, ang artista, ang naninikluhod sa Poon ng Lahat ng Posibilidad, o ang mga nanggagantso sa ating fantasya sa matiwasay na buhay?
Nitong huling araw ay ang husga ng kabiyak sa aking pamumulot ng kusing.
Sabi niya, Buraot!
Walang kaabug-abog, walang pasintabi, walang excuse me!
Pero kusing ito ng Amerika, ha, itong pinagpupulot ko. Hindi kusing ng Pinas na tila wala nang halaga. Minsan akong sumakay ng dyipni sa Katipunan. Isang matanda ang nagbayad ng puro barya, dinukot sa kanyang pekeng YSL na pitaka, at iniabot sa drayber. Agad ibinalibag ng drayber ang bayad ng ale, naging karpet sa sahig ng maruming sasakyan.
At walang habas na pagmumura: Huwag kang sasakay kung kusing ang ibabayad mo, tanda!
Dito sa Amerika, hindi ka mahihiyang may hawak kang barya.
Penny, sentimo, yung tila kulay lupang pinakamaliit na barya ng bansang ito na kung nagkalat sa kalye ay tila niyebe minsan kung sinusuwerte ka.
Dito, naipambibili ang sentimo.
Ang mga presyo ng mga bilihin ay may mga sentimo sa dulo.
Kaya noong unang araw ko pa lamang dito, sinimulan ko na ang aking panata: Mamumulot ako ng mga sentimo, itatabi ko, pararamihin ko, hanggang sa mapuno ang aking lalagyan.
At minsan ng napuno ito.
Sinulat ko ang tungkol dito at sabi sa akin ng kabiyak, Buraot!
Dahil siguro nagkakasya ako sa maliit, sa maliliit na halaga?
Dahil hindi ko hinahangad ang lampas-lampas sa aking pangangailangan?
Dahil sa kaiipon ko ng mga pinag-aayawan ng ilan?
Wala akong diksyunaryo dito--at wala akong mapagtatanungan.
Ang mga Filipino rito ay lampas na sa kanilang pagbabaka-baka at puro na silang 'spokening dollar' at di na sila marunong mag-Tagalog o mag-Pilipino o mag-Filipino.
Paki-explain na lang kung ang pagiging buraot ay kakambal ng pandarayuhan.
O nandarayuhan na rin kaya ang aking kakayahan?
A. S. Agcaoili
Torrance, CA
Hunyo 4, 2006
3 comments:
Sorry kung nasaktan kita sa salitang BURAOT. Pero teka, paano ka nasaktan kung hindi mo pa pala alam ang meaning?
Ang buraot e naririnig ko lang sa mga estudyante ko na sinasabi nila sa mga kaklase nila na nanghihingi na lang ng pagkain. Yung tipong ayaw bumili/gumastos.
Buraot ka man o hindi e proud na proud ako sa ginagawa mong pamumulot ng penny.
Actually, pagnakarating din ako diyan e mamumulot din ako. Hehehe.
No, sweetie, hindi ako nasaktan, natuwa nga ako kasi narinig ko na yan minsan. Ewan ko kung saan, pero malamang e kay Tita, o mga kapanalig. Nakakatuwa ngang isipin na may kapupuntahan pala ang pamumulot ng kusing, na sa bandang huli ay hindi na lang kusing ito kundi maraming-maraming kusing, di ba?
wala lang. naispatan ko lang nung mag-search ako ng buraot. heheh.
marami nang ibig sabihin ang salitang buraot. parang salitang jologs, kabit kabit na ang ibig sabihin.
Buraot is a street term that means, mainly, war-freak, anti-social, mainitin ang ulo, high-blood, mainipin.
Lately, kahi na ata anong adjective naidagdag na. Heheheh.
Buraot.
Post a Comment