La Tertulla sa Intramuros

(Komisyonadong libretto para sa apat na vignette. Kinatha para sa pagdiriwang ng Sentenaryo ng Pagdating ng mga Sakada sa Hawaii. Unang itinanghal sa Filipino Community Center, Waipahu, HI, noong Pebrero 2006 sa direksyon ni JP Orias).


Vignette 1: Pangangarap sa Nililiyag

N-1
Sa usaping pagmamahalan, alin ang dapat umiral
Sa bagay na ito alin nga ang hayaang daratal
Ang puso bang masusunod, ang tibok ang pakinggan
O ang isip na nakakaalam kung ano ang mainam?

N2
Sa paksang itong hain sa hapong ito ng palatuntunan
Alin nga ba ang mahalaga sa pagsuyo yaring tingnan
Ang dibdib nga bang ang kalabog ay sa sinta
O ang ulong ang turo ay malayo sa pariwara?

N-1
Tunghayan ang kuwento ng pag-ibig sa hapong ito
Arukin sa mga palabas ang mukha ng pagkalito
Tingnan sa mga halibawa ang laan sa landas
Kilatisin ng maigi ang dulo ng mga pahimakas.

N-2
Pagsintang totoo ay di nangingilala
Hindi nang-aabiso ng pagdurusa
Hahayaan ang dumaloy ang luna
Matuto man sa hirap ng mga hiwaga.

N-1
Ha! Puso kong puso subalit kay baligho
Sapagkat ang dapat ay sa utak ang puno
Ng lahat ng pagpapasiya pati ang pagsuyo
At hindi kailan ang darang ng hita mo!

N-2
Puso o puson, alin man ang tugon
Puson pa rin ang talinghaga ng layon
Sa puson ang buhay, simula ng init
Sa puson ang galak, dulo ng akit.
Mauricio: (Nangangarap, dream scene, hawak ang paniolito)
Caridad, Caridad
Caridad ng aking sinta
Caridad ng aking buhay.

Lucio: (gugulantangin si Mauricio)
Hoy, Mauricio, amigo, ikaw nga ay magising
Ikaw nga ay magtitino nang di pakakamalasin

Perico:
Ha ikaw nang masilo, Lucio, O Lucio
Mapana ng matalas na pana ng Kupido
Ikaw nga ang mangarap sa dambama
Mangarap na magpapakasal ang mutya.

Lucio:
Siya, siya, ako na nga ang binata:
O pag-ibig, pag-ibig na mahika
Sasalamangkahin ang noo, hita
Paduduguin ng paduduguin ang hahahahaha!

Mauricio:
Mga salawahan, kayo nga ay magtigil
Ang mga puso rin ay manggigigil
(Aambahan ang dalawa)


Caridad: (Dream scene, tangan ang panyo ni Mauricio)
O Mauricio aking buhay
O Mauricio aking pakay
Mauricio, Mauricio
Buong-buong pagsuyo.

Dona Caridad:
Esta Caridad, tayo na sa simbahan.
Magdasal ng magdasal sa kaparihan
Magsabi ng niloloob kasama ang kapintasan
Idagdag na ang panunukso ng kalalakihan.

Caridad:
Opo, mama, manalanging tunay
Lumuhod sa Poon, humingi ng pagnubay
(Pabulong)
Kung alam mo lang, mama, kung alam mo lang
Matagal nang nararamdaman ang ganitong kalituhan
Si Maurcio ang aking mahal at di nino man
Siyang sinasabi ng niloloob kahit kailan.


Manong:
Ke init-init nagkakadikit (pansin sa mga kabataan)
Ke sasagwa ang pang-aakit.

Manang:
Mantakin mong walang patawad
Kahit sa simbahan nagdidikit ang palad.


Don:
Que sin verguenza, kaaga-aga e naglalampungan
Ang harutan nga naman iba nang pagmasdan

Dona:
Sssshs! Masdan ang salita, ang puna ay pigilan.
Madali at tayo ay manalangan para sa mga lapastangan.
Madali at makapagkuros, humingi ng kapatawaran.

Mga batang naglalaro:

C-1
Pagsuyo, pagsinta, aako.

C-2
Aako ang pagsuyo
Aako ang sinta ko

C-3
Sinusuyo ang sinta ko
Sinisinta ang sinusuyo
Aako ang sinisinta
Aako ang sinusuyo.


(Maglalakad sina Caridad at Dona Aguda papasok sa simbahan)

D-A:
Madali, Caridad, ang misa ay sisimulan.
Huwag nang ang tingin ay kung saan-saan.




Caridad:
(bubulong)
Kung alam mo lang, Mauricio, ikaw ang tibok ng puso
Kung maisisiwalat ko lamang na ikaw ang pagsuyo.

(Kasunod sina Mauricio, Perico at Lucio)

D-A:
Ang utak ang pairalin, Caridad sa buhay
Hindi ang puso na sanhi ng mga lumbay.
Tingnan mo ako, tingnan ng isa pang ulit
Ako na iyong ina na ang kakabal at pait.

Hala, lumarga at pumasok sa simbahan
Magdasal sa santo, sa santa gumalang
Humingi ng basbas, bendision na tapat
Puhunan sa buhay, karugtong ng ulirat.

Caridad:
(Pabulong)
Ako na ay nagmamahal
Ako na ay may kasuyo
Di natuturuan yaring itong puso
Ang itinitibok itong si Mauricio.

(Pabulong)
Babasan mo ang aking panyolito
Poon ng mga nagbabagang pagsuyo.

(Ilalaglag ang panyo).

KANTAHAN----


Vignette 2-Hele-hele Bago Quiere

N-1

Kapag hindi tapat sa pagsintang tapat
Mananatili ang pagsisisi kapag dumilat.

N-2
Kapag hinayaang lumampas ang pagtibok ng puso
Mangyayari at mangyayari ang pagpapanibugho

N-1
Damdaming tunay ay sa ilog na ito
Ang agos ay sa karagatan ang tungo
Dadaloy at dadaloy sa kandungan ng lupa
Tutungo at tutungo sa dagat ng payapa.

N-2
Nasasagkaan man ang daloy ng pagsuyo
Hindi sa habang panahon ay nanunuyo.

N-1
Tulad ng agos, maghahanap ng daan

N-2
Aalpas at aalpas tungo sa kagampan
Sa malusog na kandungan ng hirang.


(Sa tahanan ng mga Cervantes)

Conching:
Pasok, pasok.

Ramon:
Seniorita Conching. Magandang hapon sa iyo.

Simon:
Narito ang magandang dilag ng Cabildo. (Magkukurno).
Magandang hapon sa iyo, binibining marikit.

Jose:
Maligayang pagkikita muli, Conching.

Mario:
Ikinagagalak kong makita ka muli, magandang Conching.

Conching:
Hay, kayong apat, magtigil kayo.

Ramon:
Pasensiya ka, ako lamang ang matino sa aming apat.

Simon:
Aa, ang binata sa kanyang pagbubuhat ng sariling bangko.

Jose:
Ang Ramon sa kanyang pagmumurang kamias.

Mario:
Si Ramon ay namumutla, naghahayag, nagmamahal, nangangarap.
Ahem, ahem.

Conching:
Kayo talaga. Parang kayong mga payaso. At apat-apat pa.
Hindi na ako maniniwala sa inyo.

Ramon:
Puwera biro, umaakyat ako ng ligaw kahit sa kalagitnaan ng araw.

Jose:
Aa, ang binata.
Aa, ang binata
Kay aga-aga ay dumidiga.


Simon:
Yan ang aking tandang.

Ramon:
Hindi ako tandang. Tanungin natin si Conching.

Marion:
Aa, ang binatang tandang.
Dumidiga sa aking harapan.


Conching:
Kayo talaga, puro kayo biro.

Ramon:
Conching, Conching.
Conching, ako’y lingunin.

(Parating ang Norma at Servando; palitan ng paggalang)



Shift to:
Tiya Petra and Conching


Tiya Petra:

Ikaw nga Conching ay mag-iingat
Sa mga bibig na masarap mangusap.

Itong si Ramon ay di ako nakakasiguro
Parang ang pag-ibig ay ginagawang laro.

Kapag nagpahaging ay halata mo
Walang seryoso ang salita ng puso.


Conching:
Ay Tiya Petra, ako’y lito
Tuliro sa tibok ng puso
Mahal ko ang Ramon, siya ang gustong-gusto
Subalit di pangunahan nitong damdamin ko.

Maghintay sa takdang oras at araw
Maghintay sa kupidong maligaw
Pakahihintayin ang panahon takda
Aasahan ang ligaw na pag-asa.

Di ako magpapahiwatig ng ano mang nais
Di ko sasabihin ang pagsintang matamis.
Pakahihintayin ko si Ramon sa gabi
Pakahihintayin ko ang dampi ng labi
Kami sa pagsintang langit ang saksi
Si Ramon na sa dibdib siya ang hari.


Vignette 3-Alamat ng Ilog Pasig

N-1

Ang mutya.
Ang dalagang marikit sa diwa.
Ang kagandahan sa isip.
Sa mga gabing ang pag-iisa ay kay lungkot.
Sa mga batang umagang kaytanda na ang panahon
Sa paghihintay ng kabuuan ng pag-ibig.


Nimfa. Mutya.
Ang pagmamahala sa pusod ng ilog.
Nimfa ng hiraya.
Hiraya ng nimfa.
Hiraya ng lahat ng mga pagsuyo
Sa lahat ng panahon, sa lahat ng purok.

Minsan siyang nagmahal.
Minsan siyang nangarap.
Itong si Nimfa, ang mutya ng ilog,
Ang mutya ng Pasig.

Sa isang mortal siya nagmahal.
Sa tulad nating lahat na may darang sa dibdib,
May baga sa laman.
May apoy sa mga palad at labi
At kandungan.
Ang nimfang mutyang mutya ng pag-irog
Na tapat.

N-2
Pagusuyong kay dalisay
Sapagkat walang muwang sa pagbabaka-baka
Ng irog na mortal tulad natin.
Sa lalaking mortal nabihag,
Sa puso nito nasilo tulad
Ng pagkasilo nating lahat.
Parang bihag, isang bihag
At sa pangako ng isang mortal,
Doon siya umasa,
Doon siya nabuhay,
Doon siya nabubuhay.

N-1
Sa pag-ibig na di wagas din siya nagalit,
Nagtampo,
Nagtanim ng ngalit sa puso
Sa kaibuturan
Hanggang sa kaluluwa
Hanggang sa mga talulot ng mga bulaklak
Hanggang sa dulo ng mga dahon
Hanggang sa hagaspas ng hangin sa ilog
Na dumadampi sa mga banayad na alon
Hanggang sa ang alon ay naging marahas,
Naging ipu-ipo, naging daluyong
Upang manira, manlipol
Magbibigay ng paghahatol.

N-2
Hindi mamamatay ang pag-ibig na dalisay
Kahit mamamatay ang mga umiibig.

Mananatili ang puwersa ng pag-ibig sa ulan
Sa pagpatak nito sa bukiring uhaw
Mananatili sa sinag ng araw
At kakambal nito ang darang na alay.

N-1
Mananatili sa mga hanging ligaw na sasamyo
Sa mga puno, sa balikat ng mga bundok
Sa pisngi ng langit hanggang sa muli itong
Mabubuhay.

Vignette 4-- Ang Kasal

Nobyo:
Ang pagsinta ko’y wagas, irog ko.

Nobya:
Pakamamahalin ko ang iyong pagmamahal.


Nobyo:
Pakaiingatan ko ang iyong pangako.

Nobya:
Saksi ko ang langit.
Saksi ko ang buong mundo.
Saksi ko ang Poon pinagkakautangan ng buhay.
Ako’y mamatay irog kapag ako’y iniwan.

Nobyo:
Pangako, pangako.
Pangako, sinta ko.
Yaring buhay ay iniaalay.
Hain ang huling hininga,
Ika’y tanging iibigin.

Nobya:
Magpakailan man?

Nobyo:
Magpakailan man!
Ama ng Nobio:
Basbasan kayo ng makapangyarihang Maykapal. Maging maligaya habambuhay.

Ina ng Nobyo:
Inyo ang aming bendision. Nawa’y magsasama habampanahon.

Koro:

Mabuhay ang bagong kasal.
Mabuhay ang bagong kasal.

Ibang boses-1:
Mabuhay ang bagong sakal. Hahahahaha!

Ibang boses-2:
Mabuhay ang nagpapasakal! Hahahaha!

Ibang boses-3:
Dalawang puso na naman ang nagpasakal! Hahahaha

Ibang bose-4s:
He! Magsitigil kayo mga walang modo.

Koro:
Mabuhay ang bagong kasal!

Ina ng nobya:
Patnubayan kayo ng Poong Maykapal. Biyayaan kayo ng masayang tahanan.

Ina ng nobya:

Biyayaan kayo ng isang dosenang supling. Ako ang mag-aaruga ng isang dosenang supling.

Koro:
Hahahaha!

Ina ng nobya (patatahanin ang asawa):
Magtigil ka!

(Kukurutin ang asawa sa tagiliran).


(Tawanan ang lahat).

Finale

N-1
Sa tanong kung alin ang mainam sa pagmamahalan
Ang puso o puson ang kailangan
Ang tibok ng nararamdaman ba
O ang sipa ng katwiran
Alin, alin nga ba ang panghahawakan?

N-2
Napagmasdan natin ang dula ng buhay
Nasaksihan ang paglalaro ng diwang tunay
Tunay ngang mahirap pakaisipin
Kung alin, kung alin ang tatanggapin.

N-1
Puso man ang mangusap at naggalak
Kung ang hiraya ng diwa nama’y salat
Wala ring silbi ang pagsintang wagas
Kung wala ring darang na kasingsukat.


A Solver Agcaoili
Honolulu at Waipahu, HI
Peb 18/06

No comments: