(Kay Nasudi Anchin Agcaoili, 3)
Sa email ng ina,
kinakanta mo bunso
ang talinghaga
ng bayang sinumpa
ng lahat ng mga poon.
Bayang gigiliw, sambit mo,
sa tono ng mga burol
sa atin na tutugatog
sa Sierra Madre
ng ating panimdim.
Wala rin sa kumpas
ang awit. Subalit nandoon
ang pagtangis
ng mga ipinagkanulong
alalahaning
kawangis
ng gutom
kawangis
ng kawalan,
noon at ngayon.
Ilan sa inyo ang malayo
ang magulang,
ama halimbawa
na tulad ko
na nangangarap
lamang ng pagkandong
sa iyo tuwing hapong
hahanapin
ang isang libong
darang ng mga halakhak
ng bunsong iniwan,
babalikan
pansamantala
saka muling iiwan
upang mapagdugtong
ang mga subo
sa araw-araw,
upang may maikakambal
sa galunggong na ang bituka'y
luwa, nakanganga sa kanal
ng lahat ng marumi
at mabaho
at inayawan
na ng mga bangaw?
Hala, bunso, kantahin pa
ang bayang gigiliw.
Sabihin mahal pa rin
ang bayang nagtataksil
sa ating magandang
kapalaran.
A.S. Agcaoili
Weekly Inquirer Editorial
Carson, CA
Hul 21/05, 9:30 NG
sa sinaing na
No comments:
Post a Comment