Wayawaya

(Nobelang may 54ng yugto na isineserye ng The Weekly Inquirer Philippines, California, USA)

Wayawaya. Kalayaan. Freedom. Kuwento ng limang henerasyon ng isang pamilya na testigo sa kasaysayan. Simula kay Ina Wayawaya noong huling bahagi ng ika-19 na siglo hanggang kay Wayawaya sa kasalukuyan, ang kuwento ng rebolusyon ay nananatiling di tapos na dula ng buhay ng mga Filipino. Mailap ang katubusang pangako nito. Laging lumalampas sa palad ng mga nangangarap ang kalayaan para sa inangbayan—ang buong-buong wayawaya para sa sambayanan.

Isasadula ng nobelang Wayawaya ang masalimuot na kuwento ng mga kababaihan sa pamilya Agtarap na nag-alay ng sarili para sa higit na malaking sanhi—ang wayawaya na nakabatay sa panlipunang katarungan.

Magsisimula ang kuwento sa kasalukuyan—sa People Power II—at magtatapos din sa kasalukuyan. Subalit pumapaloob ang kuwento sa iba’t ibang pook at panahon ng mga pangyayaring kinakasangkutan ng limang Wayawaya. Ang pagsasaksi ay sa kanilang puntodebista.

Limang Wayawaya ng limang henerasyon ng mga Agtarap—silang mga malay at mulat na tauhan sa di natatapos na kasaysayan ng pakikipagtunggali para sa pagkapantay-pantay, para sa kaunlaran, para sa kapayapaan.

Limang Wayawaya—limang pangarap. Limang Wayawaya—limang kuwento ng pakikibaka. Ng kaligtasan para sa sarili. Ng kaligtasan kasama ang kapwa.




Kabanata 3

May hangin sa kanyang buhok na kulay hatinggabi, may araw sa kanyang mga matang kakambal ng lungkot, may dagat sa kanyang bilang na pagngiti, di naaarok, di kayang matalos ang mga hiwagang angkin ng mga bukang-liwayway at dapithapon sa kanyang isip.
Ganyan, ganyan ko napagtanto ang pag-iral ng isang gerilyang nag-alay ng buhay para sa akin at para sa bayan, sabi ng bagong Bai Wayawaya, pangatlo sa limang salinlahi ng mga Wayawaya mula noong ipitin ang leeg ni Padre Kuse kasama pa ang dalawa pang alagad ng diyos na dala-dala ng mga mananakop.

Mula sa angkan ng mga Agtarap si Padre Kuse na siya ring pinanggalingang angkan ng mga Agtarap. Nauna pa rito, dati silang Riing na ang ibig sabihin ay gising. Noong itakda ng gobernador Claveria ang orden tungkol sa mga apelyido, ipinasya ng angkang Riing na mananatili silang mulat at makikilala sila sa pagiging mulat. Nagbuwis na ang angkan ng galun-galon na dugo simula’t sapul. Huli na upang takasan ang kapangyarihan at salamangka ng kasaysayan ng pagsasakripisyo.

Dumating sa akin ang gerilya isang gabi, may tangan-tangang pagbabaka-baka sa kanyang puso at dibdib.

Sika ti pakabuklan ti amin ko, Nasudi, sabi niya. Ikaw ang kabuuan ng aking buhay.

Ako si Nasudi na naging si Wayawaya.

Nasudi pa noon ang aking ngalan.

Nasudi ayon sa pagkakabatid ng mga Ilokanong magdadangadang.

Nasudi. Puro. Dalisay.

Sudi ng lahat ng mga balakin, ng lahat ng lahat ng mga pangarap, ng lahat ng pakikipagtunggali.

Hindi pa ako noon sinasapian ng mga anito ng mga ninuno. Hindi pa ako noon dinadalaw sa panaginip ng mga kaluluwa ng lahat ng mga nangamatay at nangawala sa angkan sa ngalan ng dangadang.

Naririnig ko lang noon ang aking inang, si Bai Wayawaya sa kanyang pag-aatang: Umaykayon, umaykayon. Umaykayon aminen, dakayo a nagibuis iti biag para iti pagilian. Umaykayon ta sagrapenyo ti bendision ti taraon. Umaykayon ta mairanutlayo iti pannakapnekmi. Halina kayong lahat, kayong mga nag-alay ng buhay. Halina kayo at makinabang sa pagkaing alay.

Makikita ko si Bai Wayawaya, ang aking inang pangalawa sa salinlahi ng mga Wayawaya: Iaalay niya ang niniugan sa altar ng Sagrada Familia at sa Ina ng Laging Saklolo.
Sisindihan niya ang kingki, iaayos ang pabelo.

Kukunin ang sabot, ilalapag sa harap ng mga nagmamatyag lamang na poon.
Bubuksan ang samprasko ng basi, dahan-dahan itong sasalinan ang sabot at sasabihin: Halina kayo. Halina kayong lahat, lahat-lahat na nagpakasakit at namatay alang-alang sa ating kalayaan, sa ating pagilian.

Darating din ang paghuhukom.

Darating din ang pagtutubos.

Sa araw na iyon, kayong lahat ay mangabubuhay na mag-uli, aalis sa inyong mga libingan ng buong-buo, walang labis,walang kulang, buhay na buhay, puno ng buhay.
Magbabalik kayong lahat sa buhay upang bawiin ang lahat na hinablot sa inyo.

Babawiin ninyo ang inyong hininga, sasabihin ng inyong Bai Wayawaya. Taimtim niyang sasabihin, taimtim na taimtim, ang tinig niya’y sintahimik ng hanging dumadampi-dampi sa aking pisngi habang nililinga-linga ko ang aking gerilya na parating mula sa pusod ng dilim.

Babawiin ninyo ang inyong buhay, sasabihin niya.

Pagkatapos ay magkukrus ng tatlong ulit, maninikluhod ng tatlong ulit.

Gagayahin ko ang iyong Bai Wayawaya: sasambitin ko ang kanyang dasal, magkukrus ng tatlong ulit, maninikluhod ng tatlong ulit habang ang aking mga tainga ay nakaabang sa yabag ng aking gerilyang iluluwa ng dilim.

Kayong lahat, kayong lahat, sasabihin niya.

Kayong mga bulag, pipi, bingi, pilay, tonto. Tulog, niloko—kayong lahat, lahat-lahat, halika kayo sa piging ng mga makatuwiran at makatarungan.

Tayong lahat, pagsasaluhan natin ang alay na ito at makinabanag tayo sa awa ng tunay na poong di napapagod sa pagbibigay sa atin ng bendisyon.

Mananahimik ang Bai Wayawaya, mahabang pananahimik.

Makakarinig ako ng mga yabag.

Dahan-dahan akong mananaog sa hagdan. Hahanapin ko ang gerilya sa dilim.

Magkakakahol ang mga aso ng mga kapitbahay, kaho; ng pagkakilala sa mga anitong parating, mga kaluluwa ng mga ninunong tinawag ni Bai Wayawaya.

Maaaninag ko ang gerilya sa dilim.

Aayusin ko ang aking duanaig.

Sa dilim makikita ko ang aking gerilya, ang kagampan ng aking pangitain.

Maaamoy ko ang mga sampaguita sa bakuran.

Maaamoy ng aking gerilya ang mga dama de noche.

Maaamoy ko ang mga bulaklak ng papaya.

Maaamoy ng aking gerilya ang amoy ng pangako ng karimlan.

Maaamoy ko ang amoy ng pagkahapong umaamot ng kalinga.

Maaamoy ng aking gerilya ang amoy ng pagtatagpo ng mga liwanag at halakhak at pangako.

Maaamoy ko ang amoy ng mga dugong inialay sa taumbayan.

Maaamoy ng aking gerilya ang kamatayan at sasabihin sa akin: Bai, Bai.

Nasudi, Nasudi sabi ko. Hindi ko pa alam noon na ako ang magiging bagong Bai Wayawaya.

Ikaw ang magiging bagong Bai Wayawaya, Nasudi, sabi sa akin sa dilim, buong pagmamahal, buong pagsuyo sa dilim.

Bannuar, sabi ko. Bayani ng lipi. Pero hindi Bannuar ang pangalan ng aking gerilya.

Maaamoy ko ang kanyang isang linggong pawis, ang amoy ng alikabok sa kanyang dibdib, ang nakakaluwag sa dibdib na amoy ng tabako sa kanyang bibig.

Ngayon ay binabantayan kami ng puyat na langit. Kaisa namin ang dilim, kakuntsaba ang buwan at mga bituin.

May basbas na ang pag-ibig natin, sabi ko sa aking gerilya. Ang pangalan niya ngayon ay Bannuar. Sa isip ko lang. O sa aking guni-guni.

Kukunin ko ang kanyang magagaspang na palad na sinlalawak ng mga linang na inaangkin ng mga taga-bayan, mga mayayamang hinding-hindi naman nagtatrabaho subalit kumakain ng sobra pa sa sapat.

Ipapatong ko ang kanyang kaliwang palad sa aking sinapupunan. Ipahahaplos ko ang kagampan ng aking pagiging mangingibig.

Dagdag na bilang ng api, sabi ng aking gerilya.

Ramdam ko ang lungkot sa kanyang tinig.

Sinundan ko ang alingawngaw ng kanyang pangungusap. Natutungo ang kanyang tinig sa pusod ng karimlan, doon sa lampas ng mga bundok sa silangan, doon sa bahagi ng Sinamar na pook ng ma ilililok na pangarap at pangamba, pagsamo at paghihiganti, pagkabuhay at pagkawala.

May pangako ang bukas, sabi ko. Pinigil ko ang aking luha. Ipapanganak ko ang bunga ng aming pagmamahalan sa panahon ng isang libo’t isang pagbabakasakali.

Nauubos na ang mga gerilya, sabi ng aking gerilya.

Alam ko yon, sabi ko.

Nasa kubo na kami ngayon, ang pahingahang iniwan ng aking Tatang. Nangawala si Tatang, basta na lang hindi bumalik.

Kinuha ng mga Hapon, sabi ng mga saksi.

Itinuro ng mga taksil, sabi ng iba.

Pinaghukay ng mga Hapon ng libingan, sabi pa. Nang matapos makapaghukay, pinaluhod sa gilid ng hukay. Pinugutan ng ulo. Unang nahulog ang katawan sa hukay. Tumalon-talon muna ang ulo palayo sa hukay. Hinabol ng Hapon. Tinusok ang ulo ng kanyang espada. Iwinasiwas ito sa hukay. Marami pang kalalakihan ang ginawan ng ganoon, pawang pinaghihinalaang espiya.

Pabawas na ang aming hanay, sabi ng aking gerilya.

Siya ding sabi ng iyong magdadangadang, Wayawaya. Ang iyong si Bannuar. Siya ding reklamo ng mga nasa hanay ng nakikipagtunggali. Hindi sa bilang nasusukat ang tagumpay, Bai Wayawaya, sabi ko.

Nasa pagpapasya. Sabay naming sinabi.

Nasa ilalim ako ng isang panaginip, ako si Wayawaya ng ikalimang salinlahi ng mga Wayawaya.

Itinulak ako ni Bannuar Agtarap sa isang bangin tulad ng pagtutulak sa akin noon sa ilog nang nagpapaturo ako sa kanya na lumangoy.

Sa ibaba ng bangin ay mga bandilang iwinawagayway namin sa mga rali, mga karatulang humihingi ng katarungan, mga taong pinaslang sa ngalan ng matiwasay na pamumuno ng sugapang pinuno na kawangis ng halimaw.

Sa gitna ng ibaba ng bangin ay isang apoy mula sa isang sulong nagbabagu-bago ng anyo depende sa ihip ng hangin.

Nagsasalita ang apoy, ginagaya-gaya ang tining ng pangulong mandarambong, inuusal-usal ang mga pangako nito, inuulit-ulit ang kanyang pagtubos sa mga mahihirap.
Bannuar ka, sasabihin ko. Maggagalit-galitan ako.

Huli ka, amba ni Bannuar sa akin.

Subukan mo akong itulak, sabi ko. Itataas ko ang aking nakatikom na kaliwang kamao.

Huli ka, sabi sa akin. Palapit sa akin, papakang-pakang na lalapit sa akin.

Binatilyo na siya noon, nasa ikalawang taon sa hayskul. Tinutubuan na ng bigote, pinuputakte na siya ng tagihawat na kanyang tinitiris-tiris kapag nabuburyong.

Isang umaga sa panahon ding iyon, dinatnan ako ng dalaw sa unang pagkakataon.

Ay, dalaginding ka na, bati sa akin ni Bannuar.

Dedma lang ako noon. Anong pakialam niya sa pagkilos ng mga buwan at bituin at sa pakikipagtunggali ng araw at gabi sa aking murang pagkatao?

Siya, siya, sabi sa akin ni Bai Wayawaya, sinasamyo-samyo ang kanyang kuluting buhok na kanina’y tinanggal ang pusod. May araw sa kanyang malulungkot na mga mata, kalungkutan ng lahat ng mga pumanaw at nabubuhayna mga Riing na ngayo’y Agtarap na.

May dagat sa kanyang ngiti, dagat ng paggunita at pangungulila.

Magluluwal ka ng mga bagong pangarap, Wayawaya, sabi sa akin ni Bai Wayawaya. Sa pamamagitan ng kanyang mga daliri sa kaliwang kamay ay sinuklay ang aking mahabang buhok, kuluting buhok ng mga Riing na ngayo’y Agtarap na.

May hangin ang iyong buhok, Wayawaya.

May araw ang iyong mga mata.

May dagat sa iyong mga ngiti.

Maya-maya pa’y maglalaho si Bai Wayawaya, babalik sa mundo ng mga pangitain at gunita.

Magigising ako sa tulak ni Bannuar Agtarap, salinlahi ng mga Agtarap.

May hangin sa iyong buhok, Bannuar, sasabihin ko sa kanya.

May araw ang iyong mga mata.

May dagat sa iyong mga ngiti.

Tititigan ako, matagal, titig ng pagmamahal na lampas ng mga diskurso at pangako at sarili.

Plakard mo, sabi niya.

Iwinasiwas ko ang “Erap, huling-huli!” saka ko sinabayan ng indak.

No comments: