WAYAWAYA
(ISANG NOBELANG MAY 54 NA YUGTO)
Ni Nasudi Bagumbayan
Wayawaya. Kalayaan. Freedom. Kuwento ng limang henerasyon ng isang pamilya na testigo sa kasaysayan. Simula kay Ina Wayawaya noong huling bahagi ng ika-19 na siglo hanggang kay Wayawaya sa kasalukuyan, ang kuwento ng rebolusyon ay nananatiling di tapos na dula ng buhay ng mga Filipino. Mailap ang katubusang pangako nito. Laging lumalampas sa palad ng mga nangangarap ang kalayaan para sa inangbayan—ang buong-buong wayawaya para sa sambayanan.
Isasadula ng nobelang Wayawaya ang masalimuot na kuwento ng mga kababaihan sa pamilya Agtarap na nag-alay ng sarili para sa higit na malaking sanhi—ang wayawaya na nakabatay sa panlipunang katarungan.
Magsisimula ang kuwento sa kasalukuyan—sa People Power II—at magtatapos din sa kasalukuyan. Subalit pumapaloob ang kuwento sa iba’t ibang pook at panahon ng mga pangyayaring kinakasangkutan ng limang Wayawaya. Ang pagsasaksi ay sa kanilang puntodebista.
Limang Wayawaya ng limang henerasyon ng mga Agtarap—silang mga malay at mulat na tauhan sa di natatapos na kasaysayan ng pakikipagtunggali para sa pagkapantay-pantay, para sa kaunlaran, para sa kapayapaan.
Limang Wayawaya—limang pangarap. Limang Wayawaya—limang kuwento ng pakikibaka. Ng kaligtasan para sa sarili. Ng kaligtasan kasama ang kapwa.
Kabanata 1
Sa bayan ng aming isang libo’t isang walang katuparang panaginip lamang ito nangyari, sabi ni Bannuar Agtarap sa batam-batang gabi habang sinusunog ng mga nagsisiprotesta ang halimaw na kawangis ng Pangulo ng Republika.
Sa tagong pook ng aming di mabilang na bangungot lamang ito nagaganap, sabi niya, kausap ang isip na kanina pa’y nagtatanong kung saan nga ba patutungo ang kanilang protesta. Naalala niya ngayon ang kwento ng kanyang ina: “Sasakmalin ng apoy ang dilim sa pook na iyon ng protesta. Sa pagkakasunog ng dambuhalang halimaw, maghahari ang liwanag. Magbababantay ang lahat ng magdadangadang. Babantayan nila ang pagpupunla ng katarungan at kapayapaan sa puso ng lahat ng mamamayan. Ang Kappia ay magbabalik sa dati: pook ng kagalingan at buhay, lugal ng kagampan ng lahat ng mga panaginip.” Ang binabanggit ng kanyang ina ay isang pook ng hiraya: Kappia-payapa. Anong pagkakatulad! sabi ni Bannuar Agtarap.
Dalawang buwan na nilang inaangkin ang lansangan, dalawang buwan na pagmamartsa mula sa Liwasang Bonifacio hanggang sa Mendiola upang paulit-ulit na isigaw ang niloloob ng maraming mamamayan: “Arestuhin! Arestuhin ang halimaw!”
Minsan nang napanaginipan ni Bannuar Agtarap ang eksenang ito at alam niya, sigurado siya ngayon, siguradong-sigurado siya, na niluluganan siya ng mga anito ng mga ninuno at sinasabi sa kanya ang ibig sabihin ng tatlong buhol sa lina na laging laman ng kanyang hiraya: isang buhol para kay Marcos, isang buhol para kay Aquino, isang buhol para kay Ramos.
Naalala niya ang linas sa kuwento ni Hidalgo tungkol sa “Tatlong Lalaki at Isang Pangako.”
Nakikita niya ngayon ang matandang babae na nag-iingat ng linas:
“Sa takdang araw, isa-isa nating tatanggalin ang mga buhol at ikukuwento natin ang ating pakasaritaan. Isasalaysay natin ang kuwento ng ating pakikipagsapalaran.”
Nakikita ngayon ni Bannuar Agtarap ang apoy na nilikha ng matandang babae.
Kinuha ng matandang babae ang maliit na baga ng sinunog na pungdol ng madredekakaw.
Inilagay ng matandang babae ang baga sa kanyang kaliwang palad.
Itiniklop ang palad, marahang-marahan.
Ipinatong ang kanang palad sa kaliwang palad.
Itiniklop ang kanang palad, marahang-marahan.
Pumikit.
Huminga ng malalim.
Lumuhod.
Ibinukas ang kanang palad, marahang-marahan.
Itinaas ang bukas na palad sa kalangitan, marahang-marahan.
Ibinukas ang kaliwang palad, marahang-marahan.
Itinaas ang bukas na palad, marahang-marahan.
Ihinagis ang baga sa pusod ng gabing madilim.
Naging apoy ang baga, gabundok na apoy.
Nagsayaw sa ere ang apoy, nakipag-ulayaw sa ligaw na hangin ng gabing iyon.
Kinain ng apoy ang karimlan.
Nagsalita ang matandang babaeng nag-iingat ng linas ng pagkasaritaan: “Arestuhin ang tatlong buhol!” sabi ng matandang babae. “Arestuhin ang kasaysayan!”
“Arestuhin! Arestuhin!” sigaw ng mga taong nakasaksi sa panununog sa halimaw.
Iwinagayway ni Bannuar Agtarap ang kanyang pulang bandila.
Kumawala sa kanya ang hiraya.
Kumalam ang kanyang sikmura.
Ngayon lang niya naalala na kagabi pa ang kanyang huling pagsubo ng kanin.
Naalala rin niya ang gabi-gabing pagpipiging na idinaraos ng Pangulo ng Republika para sa kanyang mga kamag-anak at kaibigan.
Sa simula ay maliit lamang ang apoy na ibinubuga ng halimaw na kawangis ng Pangulo ng Republika.
Higante ang halimaw, nagsasa-Godzilla ang anyo: malalaki ang mga mata, may dugo sa kanyang mukha at katawan, nakalawit ang dila, akmang mangangain, maninira, maghahasik ng lagim. Lumalampas ang kanyang sukat sa arkiladong trak ng mga kasama.
Nang di maglaon ay nagluluwa ng mga malalaking apoy ang dambuhalang hayop, tila apoy sa impierno ng mga kaluluwang walang katubusan. Tulad ngayon sa impiernong alay ng Pangulo ng Republika para sa mga maliliit na mamamayang pinangakuan ng bukang-liwayway pagkatapos ng mahabang karimlan.
Noon ay minahal siya ng taumbayan, pinalakpakan ang salamangkang taglay ng kanyang mga salita. May tula sa kanyang mga pangako: magandang bukas, maalwang buhay, pagkapantay-pantay. Ilang guro kaya ng Unibersidad ang naniwala sa kanya, tumulong sa paghabi niya ng mga mahika upang maniwala ang masa?
Pulam-pula ang apoy na iniluluwa ng halimaw, pula ng dugo ng lahat ng nagbuwis ng buhay sa ngalan ng bayan, pula ng mga hinagpis ng lahat na naulila: mga asawang nabalo na wala sa oras, mga anak na inagawan ng ama at ina, mga magulang na pinagkaitan ng pagkakataon na ilibing ang mga bangkay ng mga anak na magpahangga ngayon ay kabilang sa libo-libong nawawala.
Pulam-pula ang apoy na ibinubuga ng halimaw, tila nagsasabi ng: “Huwag ninyo akong subukan! Huwag ninyo akong subukan!”
Sa anumang anggulong tingnan ay kawangis na kawangis ng Pangulo ng Republika ang halimaw: ang kanyang tindig, ang kanyang asta, ang kanyang pagbabadya ng panganib.
Sa kanyang kinatatayuan sa gilid ng entabladong trak na nakabalandra sa mga barbed wire ng Mendiola, nakikita ni Bannuar Agtarap ang lahat ng nagaganap. Enero noon, Enero ng simula ng maraming tag-araw. Subalit tila may kung anong hanging ligaw ang dumampi sa pisngi ni Bannuar Agtarap.
May taglay na darang ang hanging ligaw at gumapang ang darang sa kanyang dibdib, gumapang sa kanyang leeg, bumaba sa kanyang hita. Nakikita niya ngayon si Pepe Samson, ang bastardong anak ni Antonio Samson na iskolar ng pakasaritaan ng mga Ilokanong nakidangadang. Sa isang raling kanilang itinanghal laban sa panunupil ni Marcos, ang unang buhol sa linas ng kasaysayan, pinagbabaril sila ng militar. Sa takot, tumakbo si Pepe Samson, sumuksok sa burak ng estero at doon, doon sa kanyang pinagkukublihan, doon niya nasaksihan ang pagbaril ng mga militar sa kanyang kaibigan. Walang kaluluwang itinumba si Toto, binutas ang dibdib, tiniyak na di na mabubuhay.
May tila di maipaliwanag na damdaming umangkin sa kanya sa paglaro ng kanyang gunita. Dama niya pa rin ang hanging ligaw, sa pagsalat nito sa kanyang kalamnan.
Ako si Bannuar Agtarap, sabi niya, ikapito sa kaputotan ng mga Agtarap, ikapitong salinlahing saksi ng lahat ng pagsinta at pasakit, pagmamahal at pagtataksil, pagbubuo at pagwawasak.
Ako si Bannuar Agtarap, sabi niya.
Supling ako ng mga ligaw ding pangarap tulad ng ligaw na pangarap ng ligaw na hangin sa aking hita.
Nilaro ng ligaw na hangin ang kanyang pulang bandila na nag-aanunsiyo ng kanyang kilusang kinabibilangan: Tignay.
Tignay ito ng kanyang di nakilalang Tatang.
Tignay ito ng kanyang di nakilalang Nanang.
Tignay ng mga sumusunod pa sa kanila.
Ang ngayon—ngayon sa araw na ito ng pagtutuos, Tignay na ring kanya.
Dito, dito sila unang nagkatitigan, naghati ng tinapay, naghabi ng pangarap para sa sarili at para sa sambayanan.
Ngayon ay igigiit ni Bannuar Agtarap ang isang tuod na kabatiran: Supling siya ng mga protesta, karugtong ng mga pangungulila, kagampan ng mga panaginip, daniw ng paglaya. Siya, siya rin ang wayawaya ng mga magulang na nangawala, inanod ng rumaragasang tubig-baha. O inilibing ng daluyong, isang libong daluyong na bumisita sa kanilang Tingnay, sinubukan ang tatag ng bawat kasapi, inalam kung sino ang tapat at kung sino ang traidor. Ay, isa-isang nagsilantad noon ang mga karasaen, ang mga ahas na kumakanta, matindi ang kamandag kapag kumakanta.
Ipinarada ang pugot na ulo ng kanyang Tatang sa isang nayon sa Kordilyera.
Itinusok ang ulo sa isang kawayan saka iprinusisyong parang tropeo ng kaaway na mandirigma na di naman mandirigma.
Ililibing mo ang bangkay ng iyong Tatang kapag nakita mo, bilin noon ng kanyang Nanang. Ililibing mo sa Kappia, sa nayon ng kanyang kadkadua. Sa isang matandang nara inilibing ang kanyang bahay-bata. Doon, doon mo rin ililibing ang kanyang bangkay.
Naiisip niya ngayon si Wayawaya.
Pagkatapos magsalita si Wayawaya ay nawala siya sa kanyang paningin.
May mga mata ang mga kaaway kahit dito sa Mendiola ng pagkilos at paglaya. Nag-iingat si Wayawaya. Kailangan niyang mag-ingat.
Matagal nang minamanmanan ng mga kaaway si Wayawaya.
Binansagan na siya ng kaaway na komunista, nanggugulo, amasona, aktibista.
Nang umakyat si Wayawaya sa entabladong trak na ibinalagbag ng mga kasama sa dalawang hanay ng barbed wire ng Mendiola, nakadama si Bannuar ng pagmamayabang. May kung anong damdaming di niya alam ang pangalanang ibig kumawala. Kasabay ng damdaming ‘yon ang takot, ang isa ring walang pangalang takot. Naisip niya: hanggang saan ang dulo ng pakikibaka?
Sa kanyang kinaroroonan sa harap ng entabladong trak, nakita ni Bannuar ang liksi ng pag-akyat ni Wayawaya, liksi ng musang—katawagan sa Ilokos sa pusang ligaw, sa Ilokos ng kanilang ugat at gunita, siya at si Wayawaya. Liksi ng mga nagdapat, ng mga naghahanap ng lupang pangako kahit sa lupang pangakong narating na subalit nadatnan doon ang hikahos at gawat at kawalan ng katarungan. May alerto sa ganoong liksi, malay sa bawat panganib na dulot ng tao at hayop sa kapalaluan.
Pagkasampa ni Wayawaya sa entabladong trak, napangiti si Bannuar sa alaala sa isang eksena ng Orapronobis. Pagkatapos daw maipagtagumpay ang rebolusyon, ang mga babae ay hindi na taumbahay lamang. Nasa paktoria na sila.
Magiging malaya ang mga asawang babae.
Magiging malaya ang mga ina.
Magiging malaya ang mga anak na babae.
Magiging malaya ang mga kapatid na babae.
Magiging kasama ng mga babae ang mga lalaki sa tuloy-tuloy na pagpapalago ng kabuhayan ng pagilian, kasa-kasama sila sa tahanan at kaparangan, sa pagawaan at sa bukid, sa paggiliw at pag-irog.
Magiging iba ang saklaw ng pakikibaka, sesentro ito sa relasyon, sa depinisyon ng bagong buhay, sa pagtitiyak ng hustisya para sa lahat.
Dumagundong ang tinig ni Wayawaya sa lahat ng sulok ng Mendiola. Buo ang tinig na iyon, nagbubukal sa isip at puso at kaluluwa, tumatagos sa kalamnan. “Mga kasama,” sabi niya, “isang maalab at mapanghimagsik na pagbati mula sa hanay ng mga mag-aaral sa buong kapuluan.”
Parang kagabi rin itong hapon na ito, sabi ni Bannuar Agtarap sa sarili. Isang nahihiyang mangingibig ang batang buwan kagabi. Naging saksi ang buwan sa kanilang paghahanda ng kakailanganin sa mahabang martsa ngayon mula Welcome Rotunda hanggang Malakaniang. Ang iba ay sa Ayala Avenue pa manggagaling, sa sentro ng puhunan.
Pasilip-silip ang buwan sa mga malalabay na sanga ng akasya na tumatanod sa sulok na iyon ng Bulwagang Lean Alejandro. Paminsan-minsa ay maglalaro ang mga anino ng mga sanga sa mga puting kartolinang sinusulatan nila ng “Arestuhin ang Pangulo! Arestuhin ang nakikipagkumpare!” at “Pangulong panggulo! Suwitik! Magbitiw!”
“Juice mo,” alok ni Bannuar kay Wayawaya.
Kinuha ni Wayawaya ang inumin.
Nagkantahan ang iba pang kasama sa bulwagan, nanunukso, nang-aasar. “Huling-huli! Huling-huli!” Maya-maya pa’y nagkagulo na sa bulwagan. Nag-indakan ang mga nagpoproduksyon ng mga karatula, kinukumpasan ang kanilang kanta. May sinasadyang harot sa kanilang pag-indak.
Pumagitna ang isang lalaking tibak, patpatin, puno ng tagihawat ang mukha. Ginawa niyang mikropono ang ginagamit na paint brush. “Sa ‘yo umibig ng tapat, sa ‘yo lamang mahal.” Tonong Pangako Sa ‘Yo, ala-Angelo ang pagpapakyut, may pakiusap sa mukha, may landi sa kanyang tinig.
Dinampot ni Bannuar ang nakalapag na Pinoy Times na nag-aanunsiyo ng pagiging lover boy for all seasons ng Pangulo ng Republika. Mabilis nitong nilamukos ang diyaryo, binilog. Ibinato sa patpating tibak. “Tado! Konyo!”
Umilag lamang ang tibak. “I love you, baby, this I promise you!” Ibang kanta ang inimbento.
Muling dumagundong ang tinig ni Wayawaya, umapaw sa Mendiola, lampas sa mga barbed wire at sa pulutong ng mga pulis at sundalong nagmamatyag sa lahat ng pangyayari. “Papayag ba tayo na salaulain tayo ng Pangulo ng mga kroni, mga kababayan?
“Papayagan ba natin ang Pangulo na itulak tayo sa burak ng karalitaan?
“Papayag ba tayo na takutin tayo ng sanggano sa Malakaniang?
“Pupulutin daw tayo sa kangkungan, mga kababayan!”
Tumigil si Wayawaya. Sa pamamagitan ng kanyang kanang palad ay pinahid ang pawis sa kanyang nuo. Tiningnan ang hanay ng mga nagrarali na ngayon ay dagat na ng tubaw, plakard, at bandila ng protesta.
Ipinako ni Wayawaya ang kanyang tingin sa mga pulang bandila ng mga kasama, mga kabataang mulat sa lahat ng nangyayari, inangkin ng mga anito ng mga ninuno, sinasapian ni Ina Wayawaya tuwi-tuwina.
Pinagsayaw ni Bannuar ang kanyang pulang bandila. Sayaw din ‘yon ng kanyang puso. Kagabi, sabi sa kanya ni Wayawaya: “Basbasan ka ng aking pagmamahal na pagmamahal ko rin sa bayan.”
Sinagot niya si Wayawaya: “Basbasan ka rin ng aking pag-ibig. Para sa iyo, para sa bayan.” Nginitian sila ng totorpeng batam-batang buwan, nginisian sila ng mga anino ng mga malalabay na sanga ng akasya na tumatanod sa kanila.
Iwinagayway ni Bannuar ang kanyang bandila, pinasayaw ng maraming ulit sa mga ulo ng mga kasamang pawisan at asar na sa pag-aalipusta sa kanila ng Kalihim ng Prensa.
Mga disidente raw sila, di kumikilala sa awtoridad.
Ningas kogon lang ‘yang parali-rali na ‘yan, dagdag ng kalihim. Umaapoy sa simula, naglalagablab kunwari, naghahatid ng kunwaring pangamba. Ngunit sa kalaunan ay kusang napupuksa ito, nawawalan ng init, namamatay pagkaraan ng pakitang-taong lakas sa kanilang hanay.
“Walang kakayahan daw ang ating hanay, mga kasama,” tudyo ni Wayawaya. Kumakapit na ngayon sa kanyang katawan ang kanyang basa nang pulang t-shirt na nagpapahayag ng sariling layon: “Serve the people.” Nakatali ang kanyang buhok subalit ilang hibla ang tumatakip sa kanyang nuo at kanang mata. May ligaw na liksi ang kanyang pagkilos. Liksi ito ng nakababatid ng maraming kuwento ng kaapihan at pagdarahahop.
“Titigil ba tayo sa ating ipinaglalaban, mga kasama?
“Tatanggapin na lamang ba natin ang husga ng mga panginoong tumitiyak na mananatili tayo sa ating abang kalagayan?”
Palubog na noon ang araw at ang simsim ng gabi’y nagsisimula nang gumapang sa mga sulok-sulok ng Malakaniang at sa mga eskinitang nakapalibot dito. Matatayog ang mga gusaling naging saksi na ng daang-daang protesta sa sentro ng kapangyarihan.
Marami sa mga gusaling ito ang pagmamay-ari ng mga nakinabang sa dating kaayusan: mga madreng nagkamal ng salapi sa kanilang pagtuturo sa mga anak ng mga mayayaman, mga mongheng namuhunan ng bendita at basbas sa mga patay at buhay at naging imbestor ng mga malalaking kompanya sa loob at labas ng bansa, mga pribadong mamamayang nagmamay-ari ng mga frangkisa ng mga pagkaing inaasam-asam ng mga mahihirap.
Sa papakanlong na araw, ang anino ng halimaw ay umaabot sa ulo ni Bannuar.
Kagabi nila pininturahan ang halimaw, tinuhog ng alambre ang dilang nakalaylay, at sinubukan ang pagbuga nito ng apoy mula sa tubo ng gas na panluto na pinadaan sa ilalim ng trak, pinalusot sa katawan nito at pinalawit sa bunganga. May takot na taglay ang dambuhalang hayop. Sa namamaalam na araw ay lalong tumingkad ang kulay dugong mata nito na siya ring kulay ng kanyang lawit na dila, buntot, katawan.
May galit sa kanyang tindig sa inupahang trak: nakaamba ang dibdib at mga paa, tila nakahandang magsabog ng kaguluhan tulad ng mga ginawa ng mga halimaw sa pelikulang galing sa Estados Unidos. Tinangkilik ng marami ang pelikula ng mga halimaw, pinalakpakan habang ang mga militar ay napapraning sa mga komunista at sa mga nag-ooperasyong pinta sa lansangan ng Kamaynilaan, habang ang Simbahan ay panay ang papuri sa mga vigilante na ang pakay ay sumunod sa programa ng kapayapaang inimport noon ng babaeng pangulo sa Timog Amerika, habang ang pamahalaan naman ay panay ang pagpopropaganda tungkol sa tungkulin nito sa demokrasya.
Ilang hakbang mula sa entabladong trak na ihinambalang ng mga kasama ay ang hele-helera ng mga pulis na may tangang mga kalasag at batuta, nagmamatyag sa nagaganap, nakikinig sa bawat katagang binibitiwan ni Wayawaya.
Sa likod ng mga pulis ay mga militar na may dalang armas.
Sa may unahan ng mga pulis patungong Malakaniang, sa entrada ng San Beda ng mga mongheng nagpapahayag na ng pagbawi sa suporta sa pamahalaan ay ang apat na service bus ng militar.
Sa pagitan ng entabaladong trak na kinatatayuan ngayon ni Wayawaya at ng mga pulis at militar ay ang dalawang hanay ng mga nirolyong barbed wire na pagkatapos ng pagdiriwang ng sentenaryo ng paglaya mula sa mga Kastila ay tila mga aliping nagsibalik sa Mendiola, sa bunganga mismo ng maburak na sapa na tutuloy sa Ilog Pasig.
Burak sa burak, burak sa kuwento, pagsuyo sa pakikibaka, pagkamatay sa pakikipagtunggali—lahat ng mga ito ay akin nang nasaksihan at akin pang nasasaksihan.
Lahat ng mga ito ay aking isasalaysay.
Kung bibigyan ninyo ako ng tinig.
Kung bibigyan ninyo ako ng pagkakataon.
Bilang patunay ng aking katapatan, lalagdaan ko ang aking salaysay, ilalagda ko ang dugo ng lahat ng mga ninuno, ilalagda ko ang lahat ng lumbay ng angkang aking pinagmulan.
Ako ang matandang kaluluwa ng matandang babae ng pakasaritaan ng mahabang paglalakbay.
Ako yaong babaeng may tangang-tangang linas na tuwi-tuwina’y binubuhol-buhol.
Nagpasalin-salin ako sa mga babae ng pitong salinlahi mula nang isakrifisyo ang buhay ni Padre Kuse, ang pari ng aming mga ninuno, aming tagabasbas, aming tagapagtanggol.
Hindi nila pinatawad si Padre Kuse.
Nakita ko ang kanyang inang sa kanyang pagtangis.
Narinig ko ang kanyang inang sa kanyang pagsasabi ng sumpa: “Gagapang kayong lahat! Gagapang sa lupa tulad ng mga ahas! Mabibiyak ang lupa, mahahati. At kayong lahat na nagkasala, lalamunin kayo ng lupa!”
Tinugis kaming lahat, kaming magkakamag-anak.
Umalis kami sa ili ng aming ugat at gunita.
Naglakbay kami sa mga kaparangan at kagubatan, sa mga linang na walang nagmamay-ari.
Hinanap namin ang Kappia sa mga dilim at liwanag na dumating at pumanaw, sa mga araw at buwan at bituing bumibisita at tumatanod sa aming paglalakbay.
Wala.
Walang Kappia sa aming pinupuntahan kahit pulit-ulit ko itong napapanaginipan.
Kampay idi akong isang baglan, babaeng manggagamot, babaeng pari ng mga ninuno, tagapamagitan ng mga anito.
Kampay idi akong isang tagabasa ng mga kahulugan ng mga hangin at tubig at dahon.
Nasa hiraya ko ang Kappia: pook ng aming mga mithiin, kabuuan ng mga buhol-buhol ng linas ng aming pakasaritaan.
Sa aking hiraya ay ang lugal na laan sa amin—ang Kappia.
Nasa pagitan ng mga higanteng bundok ang Kappia.
May laot sa kanluran.
Ang mga lambak nito ay binabagtas ng tatlong malalaking ilog na nag-aanod ng lahat ng dumi sa mga gubat na nagiging pataba ng mga linang.
Isang araw, ninakaw sa akin ang hiraya ng Kappia.
Ang unang nagnakaw ay mga puti, matatangos ang ilong, umaasul ang mga mata.
Hindi ko mawari ang kanilang wika. Banyaga sa akin lahat ng kanilang senyas.
Di naglaon, pinalitan ng mga mestiso ang mga magnanakaw.
Ang mga asta’y sa mga puti rin. Pinilit ding nakawin ang aming pangalan.
Hindi namin ibinigay.
Itinago namin ang aming pangalan sa aming daniw, dallot, dallang, burtia.
Itinago namin sa aming mga panaginip at sa mga panaginip ng aming mga supling.
Itinago namin sa aming mga awit.
Di naglaon, nakipagkumplot ang mga mestiso sa ilang kayumanggi at muling ninakaw ang hiraya ng aming Kappia.
Alam ng mga kayumanggi ang aming daniw, dallot, dallang, burtia.
Alam ng mga kayumanggi ang aming panaginip at ang mga panaginip ng aming mga supling.
Alam ng mga kayumaggi ang aming awit.
Walang puknat ang kanilang pagnanakaw sa aming hiraya.
Isang araw, hinablot nila ang tubig.
Isang araw, ipinuslit ang gubat, ang buong gubat. Walang itinira.
Isang araw, inangkin nila ang mga parang at linang.
Sa lahat ng pagnanakaw, ito ang di napapalampas ng mga anito ng mga ninuno: ang pag-aangkin sa lupa.
Lupa ang nag-aangkin sa tao. Sa lupa bumabalik ang lahat.
Makatarungan ang mga anito, mga sanhi sila ng lahat ng buhay.
Nagpasya ang mga anitong gawin akong anito ng lahat ng paggunita ng pakasaritaan. Buhol ako ng linas: pitong buhol ng pitong salinlahing pakikibaka.
Ako si Ina Wayawaya, espiritu at aniwaas at kararua at karkarma ng lahat.
Ako ang laon—sa simula, sa wakas. Wakas ng mga simula. Simula ng mga wakas.
Kuwento ko ang kuwentong ito, dallot at dalidallang ng lahat ng panahon.
Ang kay Bannuar at Wayawaya ang bago kong tinig, bago kong laman.
Hindi namamatay ang baglan—at ako ang baglan ng kasaysayan ng mga lupaing ito na pinapalibutan ng mga tubig at karagatan at pag-asa at pag-asam at pangarap.
Sa aking sinapupunan ipinaglilihi ang lahat ng galit at pagtubos, lahat ng pakikidangadang at paglaya.
Pitong ulit na akong isinilang sa pitong salinlahi ng mga Agtarap.
Pitong buhol ng linas ng pananagumpay pagkatapos ng mahabang gabi ng pakikipagtunggali.
Anito rin ako ng lahat ng may buhay. Ako ang hininga ng lahat ng mga nagrarali ngayon. Ako ang kanilang bawat hininga. Lalagdaan ko ang aking pahayag na ito ng aking dugo bilang patutuo sa aking salaysay.
Masusunog ang halimaw.
Magtatapos ang maliligayang araw ng halimaw.
At mangabubuhay na mag-uli ang lahat ng mga nag-alay ng buhay para sa bayan: si Padre Ili na tatang ni Bannuar, si Padre Kuse na aking nuno, ang limang Wayawaya sa pitong salin ng mga Wayawaya sa linas ng kasaysayan ng bayang ito.
Silang lahat—kasama ang mga nangawala, kasama ang mga walang pangalang martir ng paglaya—silang lahat ay mangabubuhay na mag-uli.
Magkukuwento sila ukol sa kanilang paglalakbay.
(Itutuloy)
No comments:
Post a Comment