Ni Aurelio S. Agcaoili
Kabanata 5
Wayawaya. Kalayaan. Freedom. Kuwento ng limang henerasyon ng isang pamilya na testigo sa kasaysayan. Simula kay Ina Wayawaya noong huling bahagi ng ika-19 na siglo hanggang kay Wayawaya sa kasalukuyan, ang kuwento ng rebolusyon ay nananatiling di tapos na dula ng buhay ng mga Filipino. Mailap ang katubusang pangako nito. Laging lumalampas sa palad ng mga nangangarap ang kalayaan para sa inangbayan—ang buong-buong wayawaya para sa sambayanan.
Isasadula ng nobelang Wayawaya ang masalimuot na kuwento ng mga kababaihan sa pamilya Agtarap na nag-alay ng sarili para sa higit na malaking sanhi—ang wayawaya na nakabatay sa panlipunang katarungan.
Magsisimula ang kuwento sa kasalukuyan—sa People Power II—at magtatapos din sa kasalukuyan. Subalit pumapaloob ang kuwento sa iba’t ibang pook at panahon ng mga pangyayaring kinakasangkutan ng limang Wayawaya. Ang pagsasaksi ay sa kanilang puntodebista.
Limang Wayawaya ng limang henerasyon ng mga Agtarap—silang mga malay at mulat na tauhan sa di natatapos na kasaysayan ng pakikipagtunggali para sa pagkapantay-pantay, para sa kaunlaran, para sa kapayapaan.
Limang Wayawaya—limang pangarap. Limang Wayawaya—limang kuwento ng pakikibaka. Ng kaligtasan para sa sarili. Ng kaligtasan kasama ang kapwa.
Sa iyo aking Ili,
Bagama’t alaala na lamang ang nagdudugtong sa atin, minabuti kong sulatan kita.
Ipapadala ko ang aking sulat sa hangin kasama ang lahat ng hinaing ng taumbayan.
Panahon ngayon ng Unang Babeng Pinuno, siya na biyudang tulad ko na ginawang biyuda ng mga puwersang itim na nanggaling pa sa mga sinaunang balaking lihim ng mga pinuno natin.
Alam ko, alam ko, sasabihin mo: “Teresa, Teresa, metapisikal ang balangkas ng iyong isip.”
Alam kong sasabihin mo rin na pagtatawanan ako ng aking si Bannuar sa ganung termino at konseptong aking ginagamit.
Alam kong sasabihin sa akin ng aking panganay, “Nanay tapos na ang panahon ng mga prayleng naghasik ng lagim sa atin, sila at ang kanilang makalumang pagbasa sa mga kahulugan sa mundo at sa lipunan ng mga tao.” May kasamang ngisi ang kanyang pagsasabi, ngisi ng isang nang-aarok ng isip, ngisi ng isang nanunukat ng kaalaman.
Ay, makikita ko roon ang iyong ngisi, aking Ili. Siya—at siya ring ngisi ng mga nag-iisip para sa sarili at para sa bayan.
Sasabihin ko ngayon sa iyo: siya ring ngisi ng kanyang iniwang supling nang binutas ang kanyang dibdib, winarak ng mga kaaway na animo’y ang kanyang dibdib ang pinagkukutahan ng lahat ng mga tapang at takot ng mga katulad niya.
Ili ang pangalan ng ating apo.
Ili tulad mo.
Bansag sa ating bayan, bansag sa lahat ng ating pangarap para sa taumbayan. Ili, salitang ugat ng pagiging sambayanan—ng pagilian.
Madalas, tinititigan ko ang ating apo kapag dumarating sa aking ang ibayong kalungkutan lalo na kapag naalala ko kung papaano ipinarada ang iyong ulo sa nayong iyon na kumupkop sa iyo nang tumiwalag ka nang tuluyan sa simbahang iyong pinaglilingkuran.
Naririnig ko pa sa aking isip ang mga yabag ng mga sundalo na siya ring yabag ngayon ng mga sundalong paulit-ulit na nagpapalabas ng mga murang dula-dulaan ng kudeta laban sa biyudang Pangulo.
Hindi, hindi ko alam kung ano ang tama sa mga sitwasyong kasing-kumplikado ng sa ngayon.
Umuukilkil sa aking isip kung tama ba na ang makikinabang sa ating pagkilos ay siya na ang nuno ay nakinabang na noon sa mga sakripisyo ng ating mga ninuno.
Ay, Ili, ayna. Mahirap mamatay—at lalong mahirap mabuhay kapag ang naiwan ay ang pag-aari na lamang ay katulad ng mga lumbay na residente nang totoo sa aking puso.
Sa mga kudeta, naroon lagi ang pangamba na bukas-kamakalawa ay iba na naman ang pinuno natin o ang hunta militar ay nagbalik na nga sa ating piling. Di mo man aminin ay noong panahon ng batas militar ng ating mapagpagpanggap na dakilang pangulo na mula sa atin, ang rehimen ay katulad ng isang hunta.
Utak militar ang pinunong iyon na ang kontribusyon sa ating pag-unlad sa ating nayon ay ang pagpapalit ng Kawasaking motorsiklo sa bawat bangkay ng mga kabataang lalaking umuuwi sa atin.
Tulad ng lahat ng gera, sinasayang nating ang mga buhay ng ating mga kabataan at ngayon—sa saglit na ito—ibig kong yakapin ang aking si Bannuar, ang bayani dito sa aking puso.
Naalala ko lahat-lahat kung papaano nagsimula ang sa ating pagp-ibig na lampas sa ating mga sarili.
Siya ring pag-ibig, alam ko, na naipamalas nating sa ating mga anak kung kaya’t ngayon ay nag-aalay ng buhay para sa iba.
Kung ako ay isang pangkaraniwang ina—kung ako ay isang inang ang tanging pangarap ko sa aking mga anak ay yumaman at magpakayaman pa, hindi ko maaatim na makikita ang aking mga anak sa ganung kalagayan.
Pero ganito ang ating tungkulin sa kasaysayan. Ilang ulit mong sinasabi sa aking noon ang ganun. Lagi mong dinadakila ang kasaysayan ng mga mamamayang nagbubuwis ng buhay para lamang mabuhay ang bayan. Kaydakila!
Subalit ang kapalit ay nandito ako ngayon kasama lahat ng mga lungkot ng isang kabiyak at inang iniwan.
Iniwan ng asawang rebeldeng pinugutan ng ulo at ipinarada sa nayon upang takutin ang mga mamamayan.
Iniwan ng isang anak na nag-iwan ng ganun at ganun ding masaklap na alaala.
A, hindi ko alam kung saang landas patutungo itong si Linglingay. Sumulpot dili, Ili.
At alam kong pumalaot na siya sa higit na malawak at malalim na larangan ng pakikipagtunggali. Ang ating si Linglingay na kakambal ng ating Bannuar.
Ipinarada rin ang ulo ng iyong si Bannuar.
Nahuli sa isang kuta, dinala sa kampo military, tinortyur, pinaamin ang lahat ng mga kasalanang di naming ginawa at isang araw—isang araw na rumaragasa ang bagyo sa lugar natin—dumating ang isang sundalo upang ibalita sa akin ang isang masaklap na pangyayari: Na ang ating si Bannuar ay natiklo pagkatapos makatakas at ngayon ay kinukuha ako para kilalanin ang luray-luray na katawan ng aking anak, ang ulo ay hiwalay sa katawan, ang dibdib ay may tama ng kung anong binaril na tumagos sa kalamnan.
Papaano mo kilalanin ang ganung bangkay, Ili?
Sinong ina ang may ganung lakas ng loob upang harapin ang isang masaklap na pangyayaring katulad nito?
Sinong ina ang makakapagsabi na kakayanin ang lahat-lahat?
Napapagod din ang mandirigmang puso, Ili.
Nahahapo ring ang damdaming umaapoy.
Ngayon ay ganyan ang aking naiisip, ganyan ang aking nararamdaman. Lalo ngayon at patuloy ang ganitong ehersiso sa kapangayarihan ng mga sundalong di natututong gumalang sa ating mga karapatan.
Paulit-ulit ang mga pangyayari sa ating kasaysayan, Ili. Kailangan nang mapatid ito, maputol ang ganitong masaklap na kalagayan.
Pero, papaano kung ang mga nanunungkulan sa ating ay kaduda-duda ang mga layon?
Papaano kung ang mga naglilingkod sa atin ay sila ring mga pangalang naglingkod na sa atin noon, mga pangalan ng mga traidor at magnanakaw, mga pangalan ng mga tumalikod sa ating tungkulin?
Nasa huling yugto na tayo ngayon ng taon. At kung hindi mo alam, 1991 na ngayon sa panahon ng mga mortal na tulad namin. At ngayon ay hinehele ko ang supling ng ating anak na ang pangalan ay halaw sa iyong kabayanihan.
Kinakantahan ko siya ngayon ng kanta ng paglalayag sa dagat ng pakikipagtunggali. Hindi ko alam subalit nginingisihan ako ng ating apo, ngiting nagsasabi na siya raw ang bagong Ili.
Bukas, maggagawa ako ng atang.
Napanigipan ko ang ating si Bannuar at maraming pang Bannuar na tulad niya. Butas ang mga dibdib, walang laman ang mga bungo, may mga butas ng mga baril sa kanilang mga palad na animo’y pinagdaanan ng malaking bala. Di kaya lagusan ito ng mga pako sa krus?
Mag-aatang ako—at iaalay ko ang niniugan sa lahat ng mga nag-alay ng buhay para sa bayan. Samantala, samantala, kakantahin ko sa ating apong si Ili ang awit para sa bayan.
Maya-maya pa’y makakatulog na. Makakatulog ng mahimbing na mahimbing.
At habang tulog ang ating si Ili, babalikan ko ang iyong mga tula para sa bayan. Babasahin ko isa-isa, imememorya sa aking puso upang hindi sila mangawala.
Doon ko huhugutin ang lahat ng mga lakas na aking kailangan para mapalaki ang ating si Ili.
Hindi ko alam kung kailan magbabalik ang kanyang ina, ang si Wayawaya.
Iniwan sa aking pag-aaruga si Ili. Alam ko, alam ko sa kaibuturan ng aking puso, sa wikang walang tunog kundo mga senyas lamang ng kabatirang totoo, bukas, bukas-makalawa, maglalaho rin ang kanyang ina. Maglalaho si Wayawaya.
Tutulo na naman ang aking luha.
Tatapusin ko muna ang pagdidili-dili. Haharapin ko muna ang paggawa ng atang para sa inyong mag-ama at para sa lahat ng mga katulad ninyo.
Nagmamahal,
Teresa
No comments:
Post a Comment