Ni Aurelio S. Agcaoili, PhD
(Isinerye ng The Weekly Inquirer Philippines, Hul 22 & Hul 29, 2005)
Sa kaisipang kanluran nagmumula ang konsepto ng “liberal arts” o sa mas simpleng katawagan na “the arts”. Itong huli ay isang kolektibong pagtuturing sa mga gawaing makasining at masining tulad ng sining biswal, musika, literature kasama ang pilosopiya, kasaysayan, wika, sosyolohiya, antropolohiya, sikolohiya, at kahit matematika at ekonomiks. Ang kalikasang ganito ng malayang sining ay nag-uugat sa isang aktitud ng kanlurang mga lipunan at tao tungkol sa kalikasan ng paggawa.
Ang lahat ng may kinalaman sa pagpapawis ay hindi kasama sa liberal arts o malayang sining. Ang mga ito ay sa mga mabababang uri ng tao sa lipunan. Ang mga ito ay sa mga trabahador lamang. Ang mga ito ay sa proletariat na wala naman talagang papel sa buhay at lipunan kundi magsilbi: pagsilbihan ang mga taong malalaki at mayayaman at makangyarihan upang ang mga taong ito ay magkakaroon ng mga panahon at oras at espasyong material at psychic na maisulong ang kanilang hilig sa mga nabanggit na mga gawain at interest at aktibidad.
Ang “klasikong” pagtuturing sa mga malayang sining bilang mga “the arts” ay naglalayon na makalikha ng isang “free man”—isang malayang-malayang tao: malayang-malaya sapagkat hinding-hindi niya pinuproblema ang pag-iis-is ng kaldero, ng pagkukula ng puting uniporme, ng pag-aalmirol, ng pamamalengke, ng pagplaplantsa, ng pagwawalis, ng pagdadampot ng ebak ng alagang hayop. Sa isang “free man,” ang mga gawaing katulad ng mga ito ay “gross”: “Ay, kawawa naman the fish, tsinatsaktsak nito kalahati the belly” at “Look at the pig, it is so baboy, o!”
Ang “free man” dito sa malayang sining ng kanluran ay yaong hinding-hindi narurungisan ang kamay at palad sapagkat ang ibig sabihin ng dungis sa kamay at palad ay simpleng “gross”: pang-alipin, pang-working class, pangtsimoy at tsimay—sa madaling salita, hindi angkop sa uri ng mga malayang-malayang tao.
Ito ang masaklap na kasaysayan ng mga malayang sining na nagmula sa kanluran: isang malayang sining na nakapiit sa mga makikitid na mga asampsyon tungkol sa pagiging tao, sa pagiging komunidad, sa pagiging bahagi ng sanlibutan at sansinukob.
Maalala natin na bahagi ng mapanupil na tradisyong ito ang pagbalahura din sa konsepto ng “batas na natural” na inimbento bilang aparato ng kaisipan ng mga bansang Europeo na may mapag-imbot na hangarin sa mga bansang di kabilang sa kanilang itinuturing na sibilisado at kulturado at kristiyano.
Simple lang itong batas na natural kung uusigan at nag-oopereyt sa ganitong sitwasyon ng buhay: May mga batas ng kalikasan na hindi maaaring suwayin at mga batas na ito ay nasa pagpapakahulugan, pag-iingat, at pagkokontrol ng mga bansang kanluran na binasbasan ng diyos na olandes ang buhok, matangos ang ilong, maputi ang balat, matangkad ang sukat. Ibig sabihin, ang batas na natural na ito ay nagiging batas na natural ng lahat ng mga bansang kanluran na naniwala na binasbasan sila ng kanilang diyos upang galugarin ang iba pang bahagi ng sanlibutan at doon, doon sa mga lupain ng mga hindi puti ang balat at hindi olandes ang buhok, doon sa lupain ng paganismo at mga paniniwalang superstisyoso, doon ihahayag ang bagong balita, ang bagong mensahe ng kaligtasan—mga balita at mensahe tungkol sa mapanligtas at mapangtubos na puting diyos, olandes ang buhok, matangkad, balingkinitan ang katawan, matangos ang ilong. Sa ganitong angkla, nakakapagtaka ba na sa bayang ito ng kasawian at pangarap at kamalasan at pag-asa ay mayroong malaganap na sambayanang obsesyon sa paggamit ng mga kemikal na nagpapaputi sa balat (“Ang puti-puti ko na! Ang danda-danda ko na! Di na ako makikilala ng aking asawa!”), sa pagpapahigh-light ng buhok (“Burgundy para sa akin, please!”), sa pagpaparetoke ng hubog ng katawan (“Ibig ko ang katawang Naomi Campbell, gatingting ang hitsura!”), sa pag-inom ng mga growth ball (“Iba na ang matangkad! Maging basketball star tulad ni Alvin Patrimonio na kumikita ng limpak-limpak na salapi!”), at pagpapatangos ng ilong (“Pag yumaman ako, una kong patatangusin ang aking ilong. Pakokorte kong parang tuka ng agila, kasingtangos ng tore ng simbahan ng San Sebastian at ng kapilya ng Iglesia ni Kristo!”).
Sa ganito natin matatanto na bagaman malinis ang hangarin ng liberal arts—ng mga malayang sining—sa pag-iidealista ng taong malaya, mababahiran ang ganitong malinis na hangarin, makukulayan ito ng iba pang mga proyektong pansarili at makasarili ng mga bansang kanluran upang sa kanilang pagpalaganap ng kaalaman, katwiran, teknolohiya, pananampalataya at kultura, ang sa kanila ang naibabando, ang sa kanilang pagbasa at pagpapahalaga sa karanasan, relasyon, at mundo ang magdedetermina at magdidikta kung ano ang dapat, kung ano ang tama, kung ano ang mainam, kung ano ang mabuti, kung ano ang tatanghalin. Muhon ang titig kanluran; muhon ang karanasang kanluran; muhon ang halagang kanluran. Ang kanluran ang iniikutan ng lahat ng mga mabuti at tama at ang kanluran din ang tumbok ng lahat ng mga kaalaman at katwiran.
Sa pagdating ng mga mananakop sa atin , dalawang salansan ng liberalistang pag-iisip, sa aking tingin, ang nagbigay hulma at hugis sa ating mga malayang sining.
Una ang sa Kastila partikular noong ika-19 na dantaon na siyang dantaon ng kolektibong pagkamulat sanhi ng kilusang propaganda. Dito natin mahihinuha ang manibalang na konsepto ng pagkamakabansa.
Ang pangalawa ang pagdating ng mga Amerikano na nagpalawak ng sistema ng edukasyon na ang karakter ay pampubliko—pangkalahatan hindi lang pang-iilan di tulad ng sa mga Kastila—subalit ikinarsel naman ang kamulatan sa piitang taglay ng White Rabbit, bubble gum, Baby Ruth at Ingles. Umasa tayong mahihinog din ang manibalang na konsepto ng pagkamakabansa subalit magpahanggang ngayon ay tila natuyot na ang konsepto at hindi na nagkaroon ng pagkakataon na mahinog. Papaano natin maipapaliwanag, halimbawa, ang patong-patong na kabuwisitan at kaguluhang nangyayari sa atin? Papaano natin maipapaliwanag na habang ang ibang mga bansa ay puspusan ang kanilang politikal na hakbang tungo sa konsolidasyon ng lahat ng kanilang kayang gawin at kagalingan ay heto naman tayo, tayong mga Filipino na nagyayabang na tagapagmana pa man din ng dalawang tradisyon ng mga malalayang sining, heto tayong nakanganga at tuloy ang pag-eexport ng mga trabahante sa ibang bansa, tuloy ang implisito nating palisya ukol sa tiyakang pagwarak ng ating mga pamilya at relasyon, tuloy ang ating pagyakap sa glinobalisang pag-iisip hanggang sa mapagtanto natin na ang ating mga dalandan ay nangawala na at napalitan na ito ng tuwiran ng mga ponkan, peras, mansanas, at ubas. Magiging specimen na lamang ang ating mga prutas sa museo ng ating alaala, exibit sa galerya, o dekorasyon sa mga home economics building ng mga eskuwelahan.
Maririnig natin ang titser sa sibika o dili kaya sa nutrisyon: “Eto, kamias. Eto, aratiles. Eto, sapote. Eto, bungang araw! Eto, masamang bunga!” Pagkatapos, sapagkat kinakailangan idispley ang pagiging makabayan, magkakaroon ng mga pambansang araw ng mga nangangawalang prutas upang magugunita natin ang mga ito, maikikintal sa ating kamalayan habang tuloy ang pagngatngat natin ng Fuji apples na pagkalutong-lutong at California grapes na pagkatam-is-tam-is: “Ngayon ay araw ng mga balimbing!” “Ngayon ay araw ng mga pinya at papaya at saging na tubo!”
Kapag hindi natin binantayan ang takbo ng ating malayang pag-iisip at malayang buhay, darating ang panahon na rururok tayo sa maling direksyon at makikita natin na ang kalayaang tinatamasa ay di pala ito totoo, huwad ito simula’t sapul, nagkukunwari simula’t sapul. Ang kalayaan ng mga malalayang sining at mga malalayang tao ay di pinapatotohanan ng pagkakabisa sa mga araw ng mga nangangawalang singkamas at sigarilyas na ipinipinta ng isang walang pakundangan sapagkat walang pakialam na pintor. Ang kalayaan ng mga malalayang sining at mga malalayang tao ay wala sa paglikha ng awit tungkol sa mga nangangawalang baging at ilog at gubat ng isang kompositor na naninilbihan sa isang sugapang lider at mandarambong na kaalyado.
Ang Problema
Tagapagmana tayo ng tradisyon, tagapagmana ng kasayasayan. Isa sa mga minana natin ay ang tradisyon at kasaysayan ng mga malalayang sining na nakaangkla sa banyagang tradisyon at kasaysayan na nakabalangkas sa interes na hindi atin, mga kaalamang di kailan man ay atin, at mga halagahang malayung-malayo na maging atin. Ang lahat ng artikulasyon ng mga malalayang sining ay laging dayakronik: hinuhubog ito ng mga kapangyarihan at puwersa ng espasyo at panahon at kahit kailan ay hindi ito maihihiwalay sa kasaysayan.
Totoo ngang kay gandang pagmasdan ang kabuuan ng Simbahan ng Vatican, na kay kisig nito sa kanyang tayo sa kalayuan, na testigo ito ng eternidad ng pananampalataya ng Kristiyano. Subalit—ito ang malaking subalit—kailangan din alamin na higit sa engkantong taglay ng simbahang ito ng mga diamante at ginto at mga antigong poon ay ang puhunang pawis at buhay at dugo ng mga Negro ng Afrika na nilatigo ng nilatigo upang mabuhat ang mga gatrosong mga marmol na gagawing poste, ang mga bloke-blokeng marmol na gagawing dingding, at mga laksa-laksang gintong gagawing korona ng mga di nagsasalitang poon!
Kay dungis!—at dungis ito mula sa mga kabataang inutang mula sa mga batang aliping agad pinatanda ng walang pakundangang pagtatrabaho sa ngalan ng mga maliliit at malalaking poon, sa ngalan ng mga huwad at totoong poon!
Sa atin, hindi na tayo lalayo pa. Magarang tingnan ang Manila Film Center, sentro ng ating kagalingan sa malayang sining ng pelikula. Subalit hindi ba umaalingawngaw din ang hiyaw at iyak at pagmamakaawa ng mga trabahenteng natabunan nang ang ilang palapag nito ay gumuho at sapagkat kinakailangang matapos agad upang maihabol ito sa festival, ay, ayon sa ibang balita, kinakailangang tabunan na ang mga naguhuan sapagkat higit na importante and pagpapakita sa mga banyagang bisita na mayroon tayong maipagmamalaking sentro ng pelikula. Kung hindi mismo filmic ang kuwentong ito ay hindi ko na alam kung ano ang masining sa pelikula.
Nagmumulto raw ang mga namatay sa guho, sabi ng iba.
Nagmumulto sapagkat sila itong mga walang pangalang taumbayan, walang kapangyarihan, mga kababayang mahalaga lamang kapag bilangan na ng boto tuwing eleksyon.
Nagmumulto sapagkat tila napakalayo ang agwat ng malayang sining sa panahong iyon ng pagkaguho at ng linggwa frangka ng sining na iyon. Ibang wika ang gamit—ibang kaisipan ang pinairal. Ibang wika ang gamit—ibang paraan ng pagkilos ang sinundan, isang pagkilos na malayo sa hinagap ng mga mahihirap, malayo sa hiraya ng mga duhagi.
Ibig sabihin, ang malayang sining na ating itinatanghal sa ngayon ay kailangang suriin, sitahin kung kinakailangan, analisahin ang motibasyon, isiwalat ang kapalsuhan taglay nito na ipinapangalandakang totoo.
Ang krusyal sa konsepto at realidad ng malayang sining ay hindi yung konsepto at realidad ng sining kundi yung konsepto at realidad ng malaya.
Ano ang malaya?
Kailan na ang malaya ay malaya?
Malaya ba ng dulang napakateatrikal dahil kumpleto ang rekado at kasting kasama ang helicopter na naglalanding at Cadillac na umaarya ang kinang kung ang kuwento ay tungkol sa sakripisyo ng isang inang gustong maging Amerikano ang kaisa-isang anak sa sundalong naging pansamantalang mangingibig? Saan ba natin susukatin ang laya at kalayaan sa mga sining na nagsasabing kasama sa malaya?
Lampas sa mga bansag at sa laro ng mga pangalan, saan ang simula ng laya at saan ang bawnderi nito sa hindi malaya? Naidedeklara ba ng laya at kalayaan sa mga malalayang sining?
Edukasyon at Malayang Sining
Hindi totoo kung gayon na ang malayang sining ay tuwirang malaya at mayroong siyang mga lisensiya upang itakda ang kanyang pansariling definisyon at konstruksyon ng realidad.
Ang laya sa malayang sining ay nasusukat sa kanyang kakayahang dumistansiya sa umiiral na makapangyarihang definisyon ng realidad.
Lagi-lagi na ang tunay na sining ay rebolusyonaryo at rebelde, rebolusyonaryo at rebelde dahil hinding-hindi ito kampiyante sa mga nakagawiang paglalarawan kung ano nga ang magandang buhay para sa higit na nakararami sa isang bayan.
Ang malayang sining ay rebelde sapagkat nagpapanukala ito ng ibang-ibang pagbasa sa realidad, mundo, relasyon, karanasan, lipunana, kasaysayan. Ang larawang ipininta ni Delotavo tungkol sa “Itak sa Dibdib ni Mang Juan” na nagpapakita ng aykon ng Coke na tila nagguguhit espada at itinatarak ito sa isang tila wala sa sarili na gusgusing mama ay nananatiling isang makapangyarihan komentaryo tungkol sa malawakang sistematikong pagpatay ng mga kapitalistang multinasyunal sa bansang pinagkakalakalan nila tulad ng Filipinas.
Ang malayang sining ay likas na rebelde sapagkat hindi ito kailan man kumporme sa kung ano ang nandiyan: kakaiba ang kanyang pagtuturing, extraordinaryo ang kanyang pagtitig sa mga bagay-bagay, kontra-agos ang kanyang paglalayag sa dagat ng mga kaalaman, kabatiran, pang-unawa. Higit sa lahat, rebolusyonaryo at rebelde ang malayang sining sapagkat kinikilala nito ang pinipiping tinig ng masa—ng mga nakaraming pinagkakaitan mismo ng kasaysayan, kinikilala nito na sa masa siya nagmumula at sa masa rin magbabalik. Ibig sabihin, ang malayang sining, higit sa lahat, ay pagmamay-ari ng mga nakararami, pagmamay-ari ng taumbayan, naaangkin ng sambayanan, inaangkin nating lahat.
At sapagkat ang nakararami ay hindi nag-iingles, sapagkat ang taumbayan ay sa linggwa frangka ng bayan nakikipag-usap—ang puno’t dulo ng lahat kung gayon ay ang pagtuturing na ang tunay na malayang sining ay pinapamagitan ng wala nang iba pang wika kundi ng wika ng marami, ang linggwa frangka, ang Filipino.
Papaano maangkin ng taumbayan ang pilosopiya bilang malayang sining kung ang pilosopiya ay sa banyagang wika ang limi? Ang malaya sapagkat mapagpalayang malayang sining ng pilosopiya ay dapat laman na sa Filipino ito itinatanghal at wala nang iba.
Papaano mailalarawan ng literature ng opresyon at pakikipagtunggali kung sa banyagang wika ito nasususlat? Hindi kaya mauuwi lang ito sa isa pang dispalinghadong pagbasa ng mga akdang pampanitikan tulad ng dispalihadong pagbasa ng ilan sa Noli at Fili ni Rizal, na, sa kasamaang palad, ay sa wika ng mga mananakop nasulat? Sino nga ba ang kausap ni Rizal? Para kanino nga ba ang panlipunang diskursong taglay ng kanyang mga akda kung ang taumbayan mismo ay hindi nakakabasa sapagkat di naman nakakaintindi ng ganoong mga akda na nasulat sa wikang hindi naman kanila?
Naaalala ko sa isang kumperensiya. May isang batam-batang instructor ang nagtanong ng ganito: “Mayroon nga bang Filosofiyang Filipino?” Sa simula’y di siya pinansin. Deadma. Di ko ma-teyk ang ganoong pag-iisip. Pero nooong mangulit ang mama, winarningan ko siya: “Panahon na upang galangin natin ang sa atin. Panahon na upang kilalanin natin ang ating mga ugat, ang ating pinagmulan. Lahat ng mga lipunang may sining at kultura at wika at kasayasayan ay mayroong Filosopiya. Hindi katulad ng filosopiyang natutunan natin mula sa ating mapanakop na guro sa klasrum. Filosopiyang tunay ito na nanggagaling sa kaibuturan ng ating mga puso, kaluluwa at pagkasino bilang mga tao, bilang bahagi ng isang pamayanan.”
Humihingi, kung gayon, ng malayang sining ng sariling wika upang tuwirang maging malaya at mapagpalaya. Ang historikal na sirkumstansiya ng malayang sining ang siya mismong nagtatakda na wala nang higit na angkop na wika ang malayang sining ng at para sa taumbayan kundi sa linggwa frangka ng taumbayan.
Sapagkat sa linggwa frangka lamang nagaganap ang talastasan—at ang malayang sining, sapagkat ito ay mapagpalaya, ay likas itong bahagi at daluyan ng talastasan.
Sapagkat sa linggwa frangka lamang nagkakaroon ng katuparan ang kabatiran na lampas sa mundong nililikha ng sining, higit lalo na ang mundo ng hiraya na kakakakitaan ng pag-asa ay nagiging klaro, konkreto at totoo kung naiintindihan ito sa wika ng bayang may karapatan, higit sa lahat, sa hiraya ng laya at bansa.
No comments:
Post a Comment