Wayawaya......Kabanata 4

WAYAWAYA

(Isang Nobela na may 54 na yugto na isineserya sa unang pagkakataon ng
Weekly Inquirer)

Ni Aurelio S. Agcaoili


Kabanata 4


Ako si Ka Laya, ang bagong Wayawaya



Ako si Ka Laya, ang bagong Wayawaya. O yan ang tawag sa akin ni Bannuar, ang aking si Bannuar, ang bago ring Bannuar sa angkan ng mga Agtarap. At ganun din ang bansag sa akin ni Ina Wayawaya, ang unang Wayawaya.

Ngayon ay nagbabalik kami sa mga kalsada, sa mga lansangang saksi ng aming mga protesta—noon at ngayon, simula pa noong pinagkaitan kami ng kalayaan ng mga ninuno ring disin sana’y nag-alay sa amin ng katiwasayan ng buhay.

Isinusulat ko ngayon ang kabanatang ito sa aking isip habang isinisigaw ang aming protesta. Ganito na kami noon—noong nilabanan namin ang dambuhalang halimaw na nagbubuga ng apoy. Taon noon ng ating hikahos—taon ng ating pangamba at pagdadalawang-isip. Mahirap palang paniwalaan ang mga bulaan—lalo na kapag tuloy ang kanilang paghahasik ng kabulaanan.

Ngayon ay nasa harap ako ng dambana ng masa—at kasama ang mga gising, kasama ang mga nagmumuni-muni sa ating abang kalagayan, ngayon ay muli naming hihingin ang ating kalayaan sa lahat ng mga bulaan, propeta man o mga nagpapanggap na mamumuno sa ating paglaya.

Noon ay si Erap, noon ay si Marcos. Ngayon naman ay mga bagong tiwali sa isip at sa ating piling. Nangangako sila ng katubusan. Ipinangako sa atin ang bagong bukas—silang lahat, noon at ngayon, simula noon at magpahangga ngayon.
Nang sumanib ang kaluluwa ni Ina Wayawaya sa aking katauhan, nang mawala ang aking ulirat at sumanib ang bagong kamalayang nakaangkla sa ating kasaysayan ng pagkabusabos at pagkaalipin, aking napagtanto: Na simula sa araw na ito ay ako at mga kasama ay di na muling titigil sa pakikipaglaban sa ngalan ng kalayaan.

Parang isang ligaw na panaginip itong pagsanib sa akin ni Ina Wayawaya. Nasa gitna ako noon ng rali—kasagsagan ng aming pakikibaka. Lahat kami ay inangkin na ng puwersa ng pakikidigma.

Isinayaw namin ang aming lumbay para sa aming sarili at para sa bayan.

Isinayaw namin ang aming lungkot na kasama ang naghihikahos na taumbayan.

Isinigaw namin ang aming hinaing—at sabi naming: “Huling-huling! Huling-huli!”
Ngayon naman ay ang pakikidigma sa pambubusabos sa ating talino bilang mamamayan: “Ilabas ang teyp! Ilabas ang teyp! Garci lumabas! GMA lumabas!”

Sa amin ang kinabukasan kaya ilalagay naming sa aming palad.

Sa gitna ng mga puwersang nagbubuklod-buklod sa amin, sa gitna ng mga darang sa aming nagngangalit na isip, sa gitna ng paghihikahos ng aming espiritu, sa sandaling ito nagpakita sa akin si Ina Wayawaya at ang dalawa pang nangawalang Wayawaya sa aming angkan: isa ang nangawala noong sakupin ng Amerika ang bansa, ng sabihin ng kanilang pinuno na kagustuhan ng kanilang puting poon ang pagsakop sa ating bayan; isa rin ang nangawala noong sinakop tayo ng mga Hapon.
Dalawang Wayawayang nangawala—dalawang habi ng kasaysayang inagaw sa ating kamalayan.

At sabi sa akin ni Ina Wayawaya na puno’t dulo ng ating lumbay, “Magising! Gumising! Mamulat! Makibaka!”

At sabi ko sa kanya sa tinig na hindi naman akin, mababang tinig ng lahat ng mga babaeng inapi ng kasaysayang hinablot sa atin: “Mahirap magising, Ina Wayawaya! Nakakatakot magising!”

“Dumating na ang tamang panahon para sa ating pagkilos.”

“Kailangan namin ang mga bagong signos.”

“Dumating na ang mga signos. Magmatyag.”

“Natatakot ako, Ina Wayawaya!”

“Walang pakikibakang madali. Lahat ng pakikibaka ay nakakatakot. Di natin alam ang kinabukasan pero sapat na na ang kaluluwa ng pakikibaka ay nasa ating puso.”

“Paulit-ulit ang ating kasaysayan. Iyon at iyon ding katiwalian.”

“Nakakapagod. Yan ang dulo ng iyong sinasabi, Ka Laya. Pero ngayon, babasbasan kita. Babasbasan kita sa ngalan ng masa.”

“Ayaw kong magtaksil sa bayan.”

“Binabasbasan kita sa ngalan ng mga masang mulat at gising. Sa iyo—at sa mga katulad mo—sa inyong lahat ang kapangyarihang alay ng masang mulat.”

“May masang tulog. Nakakatakot ang kanilang kapangyarihan tumiwalag.”

“May masang gising. Himuking makilahok, makibahagi sa tunggalian.”

“Ina Wayawaya, nasa gitna kami ng rali.”

“Nasa gitna rin ako ng rali, kasama ko kayo—kayong lahat.”

“Natatakot ako, Ina Wayawaya.”

“Wayawaya ka na ngayon. Binabasbasan na kita.”

Duguan na ang araw noon, at ang mga gusaling saksi sa mga nagaganap ay isa-isa nang nagluwal ng panibagong hamon. May himig ang hanging humalik sa mga burak at sa maputik na Ilog Pasig.

Maya-maya pa ay dumating na ang dambuhalang trak na may tangang-tangang kawangis ng Pangulo ng Republika na tagapagmana ng lahat ng pagtitiwala ng taumbayan. Babae ang kawangis ng Pangulo ng Republika.

Hinanap ko si Ina Wayawaya sa mga pulutong ng mga nagsisiprotesta. Hinanap ko si Bannuar sa mga naghihimagsik.

Pumikit ako at sa aking isip ay nakita ko ang naglalahong si Ina Wayawaya.

Samantala, sinimulan na ni Bannuar ang kanyang diskurso laban sa mga halimaw na nananamantala sa masa. Ang aking si Bannuar.

Sa aking isip, ako na nga ang bagong Wayawaya.

Ngayon ay parating na ang simsim ng gabi. Ngayon ay nagsindi na sila ng mga sulo.
Nagsasayawa ng mga apoy, isinasayaw ang bagong lumbay na dulot ng babaeng kawangis ng Pangulo ng Republika.

No comments: