Kailangan kong itakda ang araw na ito sa talaan ng aking marami at masalimuot na gunita.
Sa gunita ang lugar ng aking pagkasino bilang imigrante at exilo. Dito nananahan ang samut-saring damdamin na ang iba'y limot ko na, ang iba nama'y pinipilit limutin, samantalang ang iba ay nagsusumiksik sa mga saknong ng aking tula, sa mga parilala ng aking exilong isip.
Panahon ng pasasalamat ngayon subalit kagabi pa'y dumapo na sa akin ang ibayong lungkot, yung walang pangalan, yung di mo alam kung saan nanggagaling. Papauwi na ako noon at malalim na ang gabi. Tumigil ako sa hagdan, humarap sa balangkas ng bundok na tumatanod sa akin at iniilawan ng malamlam na liwanag ng mga kabahayan sa kanyang paanan.
Kahapon ay ihinatid na namin ang ilan sa aming mga huling bisita sa Nakem Centennial Conference at kasama sa paghahatid ang magkahalong rubriko ng lungkot at ligaya: lungkot sapagkat tinatapos na namin ang sinimulang layon hanggang sa pupulutin namin muli sa dibdib, sa hiraya, sa panaginip; at saya sapagkat alam namin na nagsimula nang tumubo ang pangarap. Sa pag-uwi ng aming mga kapanalig ay dadalhin nila ang ideyang ito na pag-aaral sa nagbabago at pabagu-bagong pagkasino ng mga exilo.
Nandarayuhan ang aking damdamin sa sentenaryo ng mga seremonya ng paghahanap ng kagampan. Alam ko: marami pa ang aalis. Subalit marami din ang magbabalik tulad ng pagdami ng mga bumabalik at nagbabalik. Sa mga umaalis ay ang pagtatangkang mahanap ang hindi makita-kita sa sinilangang bayan. Noon, ganito na ito. Ngayon, ganito pa rin. Mga tanong ito na palaisipan, mga palaisipan na tanong din. Sa Nakem Centennial Conference ay ang napakasakit na pagtatanung-tanong.
Maaga pa kahapon ay ginising ko na ang himbing pang ulirat. Kailangan habulin ang mga sandali, uunahan ang umaga sa daan. Kinakailangan kong lakbayin ang milya-milyang pagitan ng Waipahu at Manoa na lalong pinapahaba ng inip sa freeway, sa trapik, sa nakabubulag na sinag ng araw na kung tumira sa mata ay kinakailangan mong kumurap-kurap.
Dala ko ang balikbayan box ni Manang Lilia, nagtungo ako sa Alawai mula sa Nimitz. Binaybay ko ang tulog pang Waikiki at mamula-mulang bundok sa silangan sa banda ng Diamond Head. Banayad ang mga alon sa dagat at ang dalampasigan ay tila iniwanan ng mga magdamag na nagpasasasa sa kanyang kandungan, inabandonang parang di na babalikan muli. Sa kabila nito, nananatili ang paanyaya sa akin ng Waikiki, paanyaya sa kanyang pangakong gabi, paanyayang di ko pa pinauunlakan.
Binagtas ko ang dulo ng kalsadang nagmamay-ari ng mga hile-hilerang gusaling ng kalakal para sa mga maperang turista ng Estado: mga otel, mga restoran, mga boutique. Nararamdaman ko ang aking sarili--ang isang lungkot na nagsasabi na hindi kailan man ako babagay sa lugar na ito, itong palaruan ng mga mamayayaman, ng mga taong hindi kinakailangang magbanat ng buto para mabuhay. Di katulad ko na pinamumuhunanan ang kalusugan, lakas, at konting talino. Ramdam ko ang pundamental na pakiramdam: hindi patas ang buhay, hindi marunong maglaro ng patas ang buhay.
Kinabig ko ang manibelang pakaliwa, patungo sa mga nagtataasang gusali ng Alawai. Doon ko kakaungin ang Manang Lilia, doon ko dadalhin ang kanyang balikbayan box na pinakisuyuan kong kanyang pagsisidlan din ng dalawang manikang nagsasalita at umaawit para sa aking bunsong iniwan ng matagal.
Nitong huli naming pag-uusap, tinanong ako ng bunso, "Malamig na diyan, papa?"
"Malamig na," sabi ko, ang aking tinig ay nababasag.
"Dito malamig na rin," sabi niya, ang masayang tinig ay sa isang musmos na hindi pa gagap ang damdamin ng iniwan. Nahihiwa ang aking dibdib, ginigripo ang aking puso. Sa aking isip ay galon-galong dugo na bumubulwak sa aking mga tama sanhi ng mahabang panahon ng pag-alis.
Walang gamot ang ganito--matagal ko nang alam ito.
At minsan, minsan, nagsisisi akong sa aking pag-alis. Pero kapag sumagi sa aking isip ang pagkakataong ibinibigay namin sa mga supling, nagigising ako, nagbabalik sa tamang ulirat, nakakapag-isip muli, at nasasabihan ang sarili na, Konting tiis, konting tiis.
"A malamig na! Ibig sabihin, malapit ka nang umuwi, papa?" May ganap na ganap na galak sa kabilang dulo ng linya.
Naramdaman ko ang pamamasa ng aking mga mata. Gabi noon, at sa aking kinatatayuan, laganap na ang dilim sa bundok na aking natatanaw mula sa maliiit na bintana ng aking upisina.
Nilunok ko ang bara sa aking lalamunan. Pumikit ako. Papaano ko sasabihin sa aking bunso na hindi ako makakauwi, na may mga dahilan na kinakailangan isaalang-alang, at may mga prayoridad na kailangang gawin?
Ilang pasko na? tanong ng kabiyak. Alam kong may luha doon sa kanyang mga salita. Nakikita ko doon ang mukha ng kalungkutan sanhi ng layo ng aming mga pagitan, ako sa Honolulu ng mga Araw ng Pasasalamat na araw din pag-iisa, at sila sa Marikina ng Araw ng Paghihintay na araw din ng pagbibilang sa mga darating na umaga ng pagkikita-kita muli.
Wala nang pinakamasaklap na naganap sa bayang pinagmulan kaysa sa ganitong tuloy-tuloy na pagkakahiwa-hiwalay ng mga mag-anak, naisip ko. Pero naisip ko rin, dito rin nasusukat ang kakayahang makibaka sa buhay. At dito tayo natututo sa kung ano nga ba ang ibig sabihin ng matatag.
Ngayon ay pahapon na nitong Araw ng Pasasalamat. Naisagawa ko na ang paglalakad sa paanan ng mga bundok na pumapalibot sa Manoa, ang aking ehersisyo sa araw na ito. Isusulat ko ito upang mananatili sa alaala ang lahat ng mga masasalimuot na nararamdaman, araw man o hindi araw ng pasasalamat.
A Solver Agcaoili
UH Manoa
Nob 23/06
2 comments:
Nakakasikip ng dibdib.
talaga! but all is well, sweetie. have faith, we have faith.
Post a Comment