"Isang Pinay na naman ang nagahasa sa Kuwait noong nakaraang linggo. At sa lahat ng naghasang Pinay sa Kuwait ang pangyayari noong nakaraang linggo ang pinakamalupit sapagkat 17 lalaki ang nagpasasasa sa hiyas ng Pinay."
Pilipino Star Ngayon, Dis. 27, 2007
1.
Hindi maaaring isipin
na ang pangingibang-bayan
ay isang sumpa ng panahon, sabi mo,
habang inuusal ang dasal
kontra sa sampu at pitong demonyo.
Dapat nating di isipin ito, sabi mo rin,
at sa mga buhangin mo ito ipinangako.
Siya, wala na ang mga anting-anting
sa mga puso nating makabayan
wala na sa mga puso ng saging
nasa mga herederong makapangyayari
na heredero ng bayan ang mga mutyang
mga galing din, mutyang
sa mga malalaking tao pa rin
ngayon, noon pa, matagal na.
Tulad ng iyong mga kalalakihang manlulupig
kanila ang lisensiya sa kalupitan,
silang sampu at pitong hampas-lupang
nangapira-piraso ng iyong mumunting pakiusap,
ng huwag po, huwag po, huwag
sa Tagalog ng iyong daan-daang takot
na wika rin ng sampu at sampung pagmamakaawa
o sa Ilokano kaya o sa Binasaya kaya
na sa puntong iyon ng pagtangis
ay ikaw yung birheng walang bahid
ng sinaunang kasalanan
ang takot ay sa bibig nanahan
sa lalamunan sa mga hibla ng buhok
sa malakambing na amoy ng mga hayok na hayok
na karahasan na umaagaw sa iyong hininga
sa pagkubabaw kasama ang mga hiyaw
ang tagumpay ng mga saksi sa pagpapasuko
sa tuhod sa talampakan sa tadyang
sa dibdib sa sinugat ng libong libog
ng disyerto doon sa araw sa gabi
sa putang-inang langit
sa lilim iyon ng kagampan ng lahat
ng isasama sa dung-aw ng kapaitan
doon sa eksenang iyon ng paghingi
ng paulit-ulit na kamatayan
doon doon doon ang banal na altar
ng lahat ng mga nandarayuhan
ng mga kinubabawan ng pagkatao
inagawan ng tapang ng kakayahang
pangalanan ang huling alay
doon ang ultimong sakripisyo
ang paghahain ng pagdurusang
binabalewala ng bayan
2.
Sa balita ka lang mauuwi, babai
pagkatapos ng pasko: manananatili
kang walang pangalan, matatakot sa kaapihan.
Yan, yan ang ibig ng bayan.
A Solver Agcaoili
UH Manoa, Dis 26/06
No comments:
Post a Comment