Lanseta ang Salita

1
Lanseta ang salita
ng makata
ang berdugo ng hiraya
ang kriminal ng simbolo
ng pagbabaka-baka

Kanya ang patalim
at itatarak sa dibdib
ng totoo
ng kahulugan
itatarak
ng malalim na malalim
at tatagos
ang talim
sa langit ng mga pangarap
na mapalaya ang wika
ng ili, ng bansa, ng nayon
ng paglayag pa ng mga daniw
isasalin ang mga ito
sa wika ng araw at gabi
sa wika ng ili
na nagkubli sa mga panahong
itinago ng nagbanyagang isip

2
mandirigma kami lahat ngayon
ilan sa amin ang mga bayarang dorobo
ng semantika ng layon at di maarok na isip
at sa bawat tuldok
ay ang pagtatanod
sa susunod na saknong
sa mga araw ng paninibrong
ng salita sa isa pang salita
ng salita laban sa salita
at kami ay mauutal
magiging duwag
magiging pipi
uurong ang bayag
o ang lakas ng loob ay gagawing
atang sa ngalan ng mga anino
ng mga matatapang
ng mga nagmamay-ari
ng sintaktika ng kawalan
sa dibdib naming manhid
kaming makatang lumayo
upang sana ay magbalik
kaming mga nandarayuhan
upang sana ay pagdating ng hapon
ay sa tahanan ng wika rin uuwi
doon maghahabi ng panibagong pangarap
panibagong daniw ng bayani
panibagong sanaysay ng bannuar
panibagong dula ng pagniniig
isang alimpatok ng hanging-amian
sa pakikipagniig sa aming ulirat
kaming nagbabalik
sa mga hilahil ng alaala
sa mga parisukat ng paglayo
sa mga parihaba ng de-kolor na panaginip
sa kailokuan man o sa mga mumunting ilokos
na aming kakathain sa banyagang lupain

3
sasagad sa kaibuturan
ang talim ng salita
at sa gitna ng puso ng wika
doon mananahan ang lanseta
maghihintay doon
hihintayin ang bangkay ng bituin
hihintayin upang kasisipingin
aariing parang talinghaga ng sinungaling
o alipin kaya
o armas ng panimdim
hanggang sa ang bughaw na langit
ay mag-aagaw buhay
at sasama sa libing ng araw
kasama ang mahika ng salita
doon lulubog sa malalim na tubig
doon itatarak ang bagong
talim ng pasakit

4
may lanseta ang salita
kakambal nito
ang bulaang makata

A Solver Agcaoili
UH Manoa
Dis 16/06

No comments: