Simula nang ako’y mangibang-bayan, kinaligtaan ko na ang kadalasang imahe ng pasko. Tinalikuran—yan ang mas tamang termino. Tinalikuran ang kahungkagan ng paskong naging okasyon ng kababawan at kahungkagan ng komersiyo at ng organisadong pananampalataya sa mapagpalayang Poon ng sansinukob.
Nabibilang pa sa kamay ang taon ng aking pagliban sa seremonya ng notche buena—pagliban na sanhi ng pandarayuhan—subalit parang isang siglo nang lumaya sa aking pandama ang ganitong eksena sa hapag kainan pagdating ng alas dose ng gabi ng Disyembre 24.
Tortyur sa akin ang ganito noong una--pero ayaw kong matortyur na walang kalaban-laban. Kaya nag-isip ako ng paraan upang maibsan ko ang bawat pasko na wala ako sa piling ng aking pamilya. At sa gawain kong ito, sa aking isip, sa aking malay na kalungkutan, alam ko, alam na alam ko: na hindi lamang ako kundi diyes porsiento o mahigit pang Filipino ang may ganitong mga alalahanin tuwing pasko. Sa bilang na tatlong libong Filipino ang umaalis sa bayan araw-araw, meron akong karamay sa kalungkutan na mahigit sampung milyong Filipino ang nangungulila sa kapaskuhan ng Kristianisadong kaisipan at kalendaryo.
Killjoy kung sabihin kong di ko inaasam-asam ang hiraya ng pasko, kung hindi ko ito binababalik-balikan sa pelikula ng aking utak. Subalit alam ko rin ang gamot: itago ang hiraya sa album ng alaala, ilagak doon ang dulang pampamilya at sabihan ang sarili na huwag na huwag bubuklatin ito hanggang sa dumating ang araw ng pagsasama-sama muli.
Ayaw kong mag-unan ng tuwalyang Canon, yung pinakamalambot, yung putimg-puti upang babasahin lamang ito ng luha sa magdamag. Lampas na ako sa pagyuyugyog ng balikat kapag dinadapuan ako ng napakalalim na lungkot--at lampas na rin ako sa mga walang pangalang kalungkutan ng pagiging exilo.
Alam kong ganito ang drama ng lahat ng mga nangibang-bayan mula sa mga may bato ang puso hanggang sa mga nagkukunwaring bato ang dibdib.
Alam ko rin hindi palatandaan ng kahinaan ng loob o ng pagkatao ang pagluha.
Alam ko na ang pagpapadaloy ng luha sa pisngi habang ang buong katawan ay nanginginig sa lamig ng niyebe o nagkukumbulsyon sa lungkot ay isang uri din ng lakas ng kalooban. Matinding tagapagpaalala ang mga himig pamasko sa radyo man o sa telebisyon o sa mga piped-in public service announcement system ng mga dambuhalang mall na mga sentro ng pamilihan ng mga isinusubastang pangsuhol sa mga anak, sa mga kamag-anak, sa mga kapamilya. Alam ko na ang ang "silent Night" ay isang kasinungalingan sapagkat walang katahimikan sa bawat pusong nangibang-bayan. Ang mga await ng pasko ay pawang mga itak at balisong na nanaksak sa dibdib.
Sa kabila ng mga ito, ang pagluha sa pasko ay sagradong simbolo ng tapang sa dibdib, ng kabuuan ng loob, ng kakayahan na pangibabawan ang lahat ng hamon ng pandarayuhan.
Sa apat na taon ko sa dayo, ito na ang naging leksyon sa akin: marahas ang pasko, marahas na marahas. Mapanakit. Nanunugat ng isip. Nag-iiwan ng latay sa alaala. Nanreregalo ng hikbi. Nag-aalay ng libong paninikit ng dibdib. Nanghihiwa sa kaibuturan—at maraming sugat ang iniiwan sa mga nandarayuhan. Isang libong punyal ito sa sentido at hindi tumitigil sa pag-iindak ng saksak hanggang hindi nauubos ang dugo ng mga umalis sa bayan, dugo sa mga ugat na humahantong sa puso, sa dibdib, sa hita, sa mga palad.
Dahil alam ko ang mga pamilyar at estrangherong damdamin na ganito, ipingako ko sa aking sarili, “Ayaw kong magpakulong sa mga sentimyento ng pasko—at ayaw kong maipit sa mga imahe ng ‘white christmas’ at ‘santa claus’ at iiwasan ko lahat ng mga bagay na nagpapaalala sa akin kung ano ang pasko sa kaisipang kapitalista at komersiyal.” Naging parang isang mantra ito, parang isang tipan sa aking sarili, parang isang kontrata.
At isinasaksak ko pa sa aking utak ang ganito, “Na ang pasko ay wala sa panahon kundi nasa lahat ng panahon.”
Ganitong pangangatwiran ang sinasabi ko sa aking kabiyak at supling. At sa lahat ng nagtatanong kung uuwi ako sa pasko. At sa lahat ng naaawa sa akin, mga nagsasabi na, "Ang hirap din ng iyong kalagayan."
Ngumingiti lamang ako. Noong una ay naroon ang lumbay ng pag-iisa na ang distansiya ang nakakaalam kung ano ang hugis nito, kung ano ang lawak nito, kung ano ang lalim nito.
Minsan kinakapa-kapa ko sa dibdib ang tugon sa mga sarili kong tanong tungkol sa kahalagahan ng paglayo, ng pagpili na magiging exilo at harapin ang realidad na walang notche buena, na ang nakagawian nang 'kodakan' bago pagsaluhan ang handaan ay nagaganap lamang ito sa isip.
Ang pangalawang anak ang may tangan ng susi ng pagluwag ng dibdib, na sinang-ayunan agad ng panganay. “Iisang araw lamang ang pasko. Tutulugan lamang natin iyan. Paggising natin kinabukasan, hindi na pasko iyon.” Perpektong pangangatwiran--na alam ko namang isang anyo ng mekanismo ng pagdedepensa at pagtanggap sa mapaklang pampamilyang kalagayan. Merong katotohanan doon. Subalit kung papalamanan ng sentimyentong di nakakaintindi kung saan kukunin ang pambili ng almusal kinaumagahan ng pasko, merong klarong lugar ang ganoong pangangatwiran.
“Oo nga.” Ang panganay iyon, na, pagkatapos magbabad sa kaisipang kanluran sa kanyang pag-aaral ng pilosopiya sa pang-estadong unibersidad ay ang tingin sa pasko ay inimbento lamang mga kapitalista at ng simbahan at lahat ng mga kaaway ng paglaya ng sansinukob at ng sangkatauhan. Isama mo pa ang sambayanan sa listahan ng mga dapat mapalaya at magiging tigib ang tuwa noon, maniningkit ang mata sa kanyang mumunting pananagumpay sanhi ng pag-aakalang kaisa mo siya sa aktibismo ng kanyang mga ideya.
“Maghahanda pa rin ako, tulad ng dati,” sabi ng kabiyak. Paraan niya iyon para gumaan ang dibdib, makakayanan ang dalahin. Solong katawan siya sa pag-aaruga sa mga supling, solong katawan sa pag-aayuda sa kanilang makabayang mithiin, merong mang kuwarta o wala, meron mang pangwagwag o wala. Hindi masyado excited ang mga supling at kabiyak na mandarayuhan tulad ko.
“Malapit nang pasko, papa,” tanong ng bunso, isang taon noong aking iwan, at ang pasko lamang na iyon ng kamusmusan ang tanging paskong nakapiling ko siya, na noon naman ay sapagkat bagong silang pa lamang, ay pinadaan niya ang pasko sa pamamagitan ng kanyang himbing na himbing na pagtulog sa kanyang kuna samantalang kaming mga matatanda ay pinasaluhan namin ang nakayanang notche buena, na madalas, ay pinuproblema na ng kabiyak pagdating ng Setyembre, sa unang buwan ng pagdating ng malamig na hangin mula sa mga bundak sa silangang bahagi ng aming pook.
“Oo, malapit na,” sagot ko sa kabilang linya habang tinatanaw ko ang padilim nang kabundukan ng Tantalus na aking natatanaw mula sa bintana ng aking opisina sa unibersidad.
“Malapit ka nang uuwi, di ba?” tanong niya ng buong galak, galak na galak, ang tuwa ay galing sa pag-asang uuwi ako sa kapaskuhan.
Naroon ang pagkasabik ng bunso na makauwi ako subalit nang sabihing malayo ang aking kinaroroonan at mahal ang pamasahe kung kaya ay hindi ako makakauwi, nanahimik siya, wala akong narinig sa kabilang linya. Napipi ang aking bunso, pinipipi ng kalungkutang di niya ako makikita sa pasko.
Inalo ko siya. “Hindi ako makakauwi sa pasko pero malapit na akong umuwi.”
“Basta malapit ka nang umuwi,” sabi niya, ang galak ay nanumbalik.
Ngayon, hanggang sa isip ko na lamang ang pasko.
Apat na taon na na sa imahinasyon ko na lamang ito umiiral—kung ano nga ba ang pasko sa bayang pinagmulan.
Una kong pasko dito sa Hawai`i ngayon at tulad ng nauna pang tatlo sa Los Angeles simula noong 2003, nanamnamin ko na naman ang aking pag-iisa, aaluin din ang sarili tulad ng pag-alo ko sa aking bunso. Isang tulog lang ito. Papagurin lamang ang aking utak sa pagbabasa, sa pagsusulat, sa paghanda ng mga kagamitang panturo para sa Tagsibol at mapapagod na ang katawan hanggang sa pagdating ng gabi ay wala nang lakas pati ang utak na lumaban sa paanyaya ng tulog, ng isang tulog na walang panaginip.
Sa gabi mismo ng pasko, yayayain ko ang aking sarili sa pag-iisa, doon sa dalampasigan, kasama ko ang aking mayamang alaala. Kasama ko ang napakaraming pangarap ng isang maliwanag na umaga.
Sa mga burol at kapatagan at alon ng aking pag-iisa, doon, doon ko kikilatisin ang pangako ng pag-asa na sa darating na panahon—at nangangarap ako na malapit-lapit na ito: makakasama ko ang pamilya sa pasko at muli naming pagkakasyahin ang konting handaan, lalasahan ng husto ang fruit salad na ang niyog nito ay galing sa nag-iisang punong aking itinanim noong unang araw ng aming paglipat sa aming munting tahanan sa Marikina, isang tahanang ang haligi ay ang alaala ng paglaki ng mga supling, ng kanilang tawanan, ng kanilang paraan ng pagsukat sa aming kakayahan sa pagiging magulang sa kanila.
Matagal-tagal na rin ang paglipat namin sa tahanang ito pagkatapos ng isang paskong maliliit pa ang unang dalawang supling, na uhugin pa ang mga ito, na ang panganay ay “Only you” pa ang kaisa-isang alam na awitin at ang pangalawa ay pinanggigilang pang kagatin ang sintas ng aking sapatos na ang buong akala ay spaghetti ito.
Mula sa dayo, sa gabing ito ilang araw ng notche buena, lilikumin ko ang enerhiya ng uniberso at ipapalipad ko ito sa hangin upang iparating sa aking tahanan, sa aking pamilya, sa lahat ng mga pamilyang ang isang kasapi nito ay nasa ibang bayan na nangangarap na kaharap ang pamilya sa hapag-kainan.
Maraming ganito sa Estados Unidos, sa Canada, sa Asya, sa Gitnang Silangan, at sa mahigit pang isang daang bansang kinaroroonan ng mga Filipinong naglagalag upang sa dayo ay doon maghanap ng katuparan ng mga ligaw na pangarap, mga pangarap na kayhirap kamtin sa lupang tinubuan.
Hindi ako nag-iisa sa ganitong kalagayan. Sapat na ang kaisipang ito upang madiskubre ang sariling lakas at kakayahan na pangibabawan ang mapanlupig na mga panahon sa dayo.
Nag-iisa ako subalit kasama ko ang panalangin sa uniberso.
Nag-iisa subalit kasama ang mga buhay na buhay na alaala
Nag-iisa subalit kasama ang darang ng pangarap para sa isang mapag-ugnay na bukas.
A Solver Agcaoili
UH Manoa
Dis 22/06
No comments:
Post a Comment