Kasumpa-sumpang Mga Anak ng Bayan

Kasumpa-sumpa
ang maging anak
ng bayan ngayon.

Tulad noon, di mo mawari
kung sino ang mga magulang
ng bayan,

kung ang hiraya
ay sa ating mga palad
nananahan

o sa mga sinungaling
na talinghaga
ng kawalan.

Matagal na nating
problema ito,
noon at ngayon

ay pareho lang
na naratibo
ng pagbabantulot.

Tulad ito ng sinag
ng araw
na ayaw lumantad

sapagkat sa ningning
ng liwanag malulusaw at malulusaw
ang pagbabalatkayo ng dilim.

Ganyan din ang sa mga anak
ng bayang kasumpa-sumpa
ang pangako sa ating lahat:

lupa sa mga magbubukid
trabaho sa mga masisipag
pagkain sa mga nagugutom

hustisya sa mga pinagkakaitan.
Inilalako ang mga ito
tulad ng paglalako sa ating

hiningi araw-araw.
Ipinapaangkat natin ang lakas
sa halaga ng ating panaginip:

traysikel na panghanapbuhay
balikbayan na naglalaman
ng pagmamahal

padalang dolyar na katumbas
ng libo't isang gabi ng hinagpis
o ng bilang na magdamag

na ang tulog ay isang pangarap.
Kasumpa-sumpa ang maging
anak ng bayan ngayon.

Binura na
ng mga makapangyarihan
ang daan pabalik sa ating puso.

Wala nang kalinga sa hangin,
wala nang kalinga sa hininga.

A Solver Agcaoili
UH Manoa
Dec 5/06

No comments: