Kung Bakit Nagiging Makata ang Migrante

Kung bakit nagiging makata

Ang bawat migrante

Sa lahat ng sulok

Ng kuwadradong mundo

Ay isang exilong palaisipan.

May tagong tula

Sa lahat ng kababayang

Natutong humakbang papalayo

Sa balay ng mga estrangherong

Pangako ng katiwasayan

Sa pag-idlip sumandali

Kapag nahahapo ang isip

Sa paghahanap ng katubusan

Ng nakasanlang kanin at ulam

Sa bayang iniiwan

At minsan,

Hindi na na babalikan.

Ang rason ay masaklap

Tulad ng pagkapanis

Ng inaasahang tutong

Na hahaluan ng tubig,

Bubudburan ng asin,

Sasamahan sana ng dalangin

Upang makarating

Ang tangang lakas

Ng pagkain sa mga ugat

Sa isip at sa laman

Sa mga kamay natin,

Tayong nakasandig

Sa lamig at lumbay

Ng banyagang hangin

Ng banyagang gabi

Ng banyagang umaga

Ng paggising mula

Sa duguang pangitain

Sa mga protesta ng saknong

Sa kinakanyong nagsisiprotesta

Sa Malakanyang o

Sa Plaza Miranda o

Sa Welcome Rotunda

Ng ating marami-raming paghihimagsik

Sa paghihikahos sa katotohan

Sa atin, tayong nag-aalmusal

Ng hapdi ng sikmura

Ng kakaibang lungkot sa dulang

Ng hiraya ng dighay at isa pa

Galak din sa pagtitinga.

Alam na natin

Na ang pamagat

Ng ating mga tula

Ay may kinalaman

Sa walang maaasahang panaginip

Na merong kagampan

Sa taludtod at bersikulo

Ng ating kaligtasan sa kailihan

Tayo na matagal nang nagsusumamo

At nagdadasal para sa pakiramdam

Ng kabusugan hindi lang ngayon

Kundi sa lahat ng panahon

Hindi para sa ating mga sarili

Kundi para sa mga supling

Na malilikha sa ating

Mga baong panaginip.

Kaya nga ang mga migrante

Ay pawang mga makata

Ng paglayo at lungkot

Ng ulan sa tag-araw

Na dumidilig sa ating

Mga salitang nagliliwaliw

Naglalakbay tulad ng ating

Mga araw na ating iniikisan

Sa kalendaryong kakambal

Ng ating alanganing agam-agam

Na para bang ang tugon

Ng mga siphayo

Ay sansiglo na namang paghihintay

Ng bagong pag-aklas

Ng nagtutulang panibugho

Pagngangalit ng ating wika

Paghahanap ng paglaya

Sa ating nakakakulong

Na alaala sa pulahang pag-asa.





Aurelio Solver Agcaoili

Carson, CA

Okt 15, 2005

No comments: