WAYAWAYA-Kabanata 15

Wayawaya. Kalayaan. Kuwento ng limang henerasyon ng isang pamilya na testigo sa kasaysayan.



Simula kay Ina Wayawaya noong huling bahagi ng ika-19 na siglo hanggang kay Wayawaya sa kasalukuyan, ang kuwento ng rebolusyon ay nananatiling di tapos na dula ng buhay ng mga Filipino.



Mailap ang katubusang pangako nito. Laging lumalampas sa palad ng mga nangangarap ang kalayaan para sa inangbayan—ang buong-buong wayawaya para sa sambayanan.



Isasadula ng nobelang Wayawaya ang masalimuot na kuwento ng mga kababaihan sa pamilya Agtarap na nag-alay ng sarili para sa higit na malaking sanhi—ang wayawaya na nakabatay sa panlipunang katarungan.



Magsisimula ang kuwento sa kasalukuyan—sa People Power II—at magtatapos din sa kasalukuyan. Subalit pumapaloob ang kuwento sa iba’t ibang pook at panahon ng mga pangyayaring kinakasangkutan ng limang Wayawaya. Ang pagsasaksi ay sa kanilang puntodebista.



Limang Wayawaya ng limang henerasyon ng mga Agtarap—silang mga malay at mulat na tauhan sa di natatapos na kasaysayan ng pakikipagtunggali para sa pagkapantay-pantay, para sa kaunlaran, para sa kapayapaan.



Limang Wayawaya—limang pangarap. Limang Wayawaya—limang kuwento ng pakikibaka. Ng kaligtasan para sa sarili. Ng kaligtasan kasama ang kapwa.













Sa rebolusyong iyon ng mga masa laban sa mga abusadong manunungkulan, iwinagayway ni Bannuar ang kanyang bandila habang nagsasalita sa entabladong trak si Ka Laya.



Siya na rin ang bagong Wayawaya, naisip ni Bannuar. Ang liksi ng kasintahan ay sa isang musang na ayaw paawat sa kanyang paghingi ng sariling kalayaan. Ligaw ang musang at ang katangiang pagiging ligaw at malaya ang siyang nakita ni Bannuar kay Ka Laya.



Sapagkat ganoon din siya.



Ligaw din ang kanyang isip. Hindi nakukulong, hindi nagpapakulong. Hinahayaan na ang isip ay lumilipad at nakakarating sa lahat ng teritoryo ng kaalaman alam man niya ang kaalaman o hindi.



Ligaw din ang kanyang kaluluwa. Nagsasamusang ang kanyang paghahanap kung ano ang tama at mali, kung ano ang ipinapalirip sa kanya ng mga pangyayari.



Ligaw din ang kanyang puso. Hinahanap niya ang isang kasintahang marunong sa katwiran, hindi nagkakasya sa paglalaba ng kanyang damit, ng pagluluto ng kanyang isusubo sa bibig, ng paglilinis sa kanyang tahanan, ng pag-aaruga ng mga anak.



Hinahanap niya ang isang kasintahang kanyang makakatuwang sa maraming bagay.



Sa diskurso tungkol sa sitwasyon ng lipunan, halimbawa.



O ng tungkol sa kahingian ng pagiging tibak.



O sa kahingian ng hindi na pagsunod sa mga mapanupil na institusyong sosyal.



O sa kahingian ng relasyon habang ang magkarelasyon ay nananatiling nagsisilbi sa taumbayan.



Naisip niya ngayon: Ligaw din ang kanyang mga nuno. Ligaw sila sa paghahanap ng kalayaan sa kabila ng puwersa ng kalaban, ng kanilang kakayahang itumba ang kanilang kalaban.



Iwinagayway ni Bannuar ang kanyang bandilang nangangako ng pakikiisa ng organisasyon sa taumbayang gising at mulat at nag-iisip. Hindi sa lahat—at hindi para sa lahat ang pangako.



Mayroon tila ligaw na hangin ang dumapo sa kanyang leeg, mukha, at balikat at naramdaman niya ang kakaibang pagluwag ng kanyang dibdbi.



Ngayon ay Malaya na siyang nakakahinga.



Ngayon ay punong-puno na ng lansangan ng mga taumbayan na lahat ay nagpapahiwatig ng mithiin na tapusin na ang kabaluktutan ng kasalukuyang rehimen.



Matagal nang nagsalita ang matalik na kaibigan ng pangulo.



Sinabi ng kaibigan: Tumatanggap ng suhol mula sa huweteng ang inyong pangulo.



Sagot ng pangulo: Sinungaling!



Sabi uli ng kaibigan ng pangulo: Tumatanggap ng suhol mula sa mga maghuhuweteng ang pangulo ng inyong bayan!



Sagot ng pangulo: Tamaan sana ng kidlat ang nagsisinungaling!



Pero hindi tinamaan ang kidlat ang nagsisinuling. Kinakailangan nang paalisin sa puwesto ang sinungaling.



Nakinabang ng husto ang pangulo.



Bayong-bayong na pakinabang. Mga salaping pakinabang na pambili ng lote sa isang lugar ng mga mayayaman.



Natatanging karangalan. Mga papuri sa mga kaibigan at kamag-anakan kahit sabihing wala namang dahilan para purihin.



“Papayagan ba natin na lapastanganan ang ating pagkatao mga kasama?” tanong ni Ka Laya sa mga nandun sa raling iyon sa EDSA..



Singkapal na ng mga ulap sa panahon ng tag-ulan ang kapal ng tao sa kahabaan ng EDSA na tumatanod sa Birhen na nakatanod din sa riles ng tren patungong Monumento. Puno na ng mga taon sa riles sa hapong iyon na ang artista ng masa, si Nora Aunor, ay dumating upang iparating ang kanyang pakikiisa sa bayang nag-aaklas laban sa kapalaluan ng rehimen.



May kung anong samyo ng simoy ng hangin sa mga kabahayan ng mga mayayaman sa may Corinthian Gardens na ngayon ay nagmistulang mga pipi at binging saksi ng nagaganap na kasaysayan ng sambayanang gising na sa mga kalabisan ng mga nanunungkulan.



Galit na ang tao.



Ang kanilang galit ay sukdulan at nakakarating sa mga maiitim na ulap na nangangako ng tag-ulan, ng bagong pag-asa sa mga magbubukid, sa mga tanimang matagal nang nanghihingi ng pagdilig at paglago.



Dumagundong ang sigaw ng mga nagrali.



May kung anong bangis ng galit ang kumawala sa bibig ng mga tao. Alam ni Bannuar iyon.



“Papayagan ba natin na salaulain tayo ng presidente na nangako sa ating ng katubusan?”



Kumanta ang mga tao: “Huling-huli! Huling-huli! Huling-huli!”



Umindak ang mga tao.



Sumigaw: “Erap resign! Erap resign!”





Magpapasalin-salin ang bangungot ng bayan sa mga henerasyon, sabi ni Ina Wayawaya sa ligaw na hanging dumikit sa mga dahon ng algarrubo sa balikat na iyon ng mga kabit-kabit na bundok.



Paparating na noon ang takip-silim at ang Didaya ay halos mababalutan na ng dilim na nanggagaling sa malawak na kapatagan na ang sentro nito ay ang kabisera ng lalawigan.



Simula pa noong itakda ng pamahalaan na ang mga maka-Diyos ay sa malapit sa simbahan at munisipyo titira, hindi na naniwala si Ina Wayawaya sa mga sabi-sabi ng mga prayle o ng gobernadorcillo na paminsan-minsan ay nakakapasyal sa kabisera upang alamin kung ilan na ang binyagang mga pagano na nakatira sa mga gubat at bundok sa parting iyong ng Kailokuhan.



Nakikita ni Ina Wayawaya ang bandilang pula ni Bannuar, ang bagong salinlahi ng mga nakikibaka para sa kapakanan ng bayan.



Nakikita ni Ina Wayawaya si Ka Laya. Sa kanya niya nakikita ang sarili noong nagdaang siglo. Kay laya niya nakikita ang kawalan ng kakayahan ninuman na pigilin ang isip niya upang makarating sa lugar na di nararating ng pang-araw-araw na pag-iisip.



Nakikita ni Ina Wayawaya ang magaganap.



Patatalsikin ng taumbayan ang kasalukuyang pangulo.



Hahamunin ng taumbayan ang kakayahan ng pangulo.



Itutulad ng taumbayan ang pangulo upang ang huli ay mag-aalsa-balutan at doon, doon sa ilog na maburak at mabaho, doon, doon dadaan ang pangulo upang kanyang maiwasan ang simbuyo ng damdamin ng bayan, ang simbuyo ng pagkatantao na ang pangulo ay mapanlamang, nanlalamang,



Makikita ni Ina Wayawaya ang pagdating ng malaking bituin sa pinilakang-tabin upang makiisa sa mga inaapi, upang makatulong sa pakikipaglaban para sa kanilang paglaya.



Nakikita ni Ina Wayawaya ang talas ng isip ni Ka Laya at sasabihin sa mga ligaw na hangin: Yan, yan, ang magiging kabiyak ng aking apo sa pag-irog at pagmamahal sa bayan.



Nakikita ni Ina Wayawaya ang lahat, siya ang kairalan ay sa mga huni ng ibong ibig kumawala, mga awit ng mga ilog at dagat na ibig kumawala, mga tugtog ng kutibeng na ibig kumawala, patutungo sa mga dalampasigan ng katinuan, pag-asap, pag-unlad.







“Erap, salot sa bayan!” sigaw ni Ka Laya. Nakataas ang kanang kamao. Ang boses ay dumadagundong sa kahabaan ng EDSA.



“Arestuhin! Arestuhin!” sigaw ng tao.



“Salot! Salot!”



“Arestuhin! Arestuhin.”



No comments: