WAYAWAYA-Kabanata 17
Wayawaya. Kalayaan. Kuwento ng limang henerasyon ng isang pamilya na testigo sa kasaysayan.
Simula kay Ina Wayawaya noong huling bahagi ng ika-19 na siglo hanggang kay Wayawaya sa kasalukuyan, ang kuwento ng rebolusyon ay nananatiling di tapos na dula ng buhay ng mga Filipino.
Mailap ang katubusang pangako nito. Laging lumalampas sa palad ng mga nangangarap ang kalayaan para sa inangbayan—ang buong-buong wayawaya para sa sambayanan.
Isasadula ng nobelang Wayawaya ang masalimuot na kuwento ng mga kababaihan sa pamilya Agtarap na nag-alay ng sarili para sa higit na malaking sanhi—ang wayawaya na nakabatay sa panlipunang katarungan.
Magsisimula ang kuwento sa kasalukuyan—sa People Power II—at magtatapos din sa kasalukuyan. Subalit pumapaloob ang kuwento sa iba’t ibang pook at panahon ng mga pangyayaring kinakasangkutan ng limang Wayawaya. Ang pagsasaksi ay sa kanilang puntodebista.
Limang Wayawaya ng limang henerasyon ng mga Agtarap—silang mga malay at mulat na tauhan sa di natatapos na kasaysayan ng pakikipagtunggali para sa pagkapantay-pantay, para sa kaunlaran, para sa kapayapaan.
Limang Wayawaya—limang pangarap. Limang Wayawaya—limang kuwento ng pakikibaka. Ng kaligtasan para sa sarili. Ng kaligtasan kasama ang kapwa.
Ito ang nilalaman ng nobelang inumpisahan ni Padre Ili bago siya pinaslang ng mga kaawaya:
Bago ideklara ng Pangulo ang batas militar, bago pumailalim ang bansa sa rehimen ng takot at pangamba, pinulong niya muna ang labindalawang alagad: maraming heneral na may kanya-kanyang poder na pinuprotektahan, ilang sibilyan, ilang abuyot na kapag sinabing tumalon sa isang tore ay tatalon, magpapakamatay sa ngalan ng Pangulong panginoon. Ibig sabihin, mga tuta ang lahat, ang mga heneral man o ang mga sibilyang oportunista rin sa kapangyarihan at sa kaginhawahan sa pera bilang resulta ng pagmamaang-maangan. Sa araw na iyon na idineklara ng Pangulo ang batas militar, binigyan niya isa-isa ng Rolex ang mga kapanalig sa pagbubuo ng palsong kasaysayan, isang uri ng mamahaling relo na ang katumbas, sa panahong iyon, ay mga dalawampung barung-barong ng mga dinuduhaging mamamayan.
Sa panahon ng hikahos, dito nasusubukan ang pagkatao.
Sa panahong ganito natin nakikilatis ang may katapatan.
Sa panahong ganito natin nakikita ang meron prinsipyong pinanghahawakan at pinaniniwalaan.
Sa panahong ito natin nakikita kung sino ang meron pagpapahalaga sa pagkatao.
Sa panahon din ito natin nakikita ang mga taksil, lumalantad upang maging multo sa ating pang-araw-araw na buhay.
Tulad ng isang mamamahayag na disinsana’y may angking pangako ng katubusan.
Isa siya sa sandosenang Rolex, ang bansag ng mga kakilala sa grupong iyon na pinagpala ng Pangulo sapagkat sila ang nanumpa ng katapatan hindi sa bayan kundi sa kanya, naglaslas ng pulso, nagpatulo ng itim na dugo, at doon, doon sa kopita ng kahunghangan, sa kopita ng mga dispalinghadong pag-iisip tungkol sa sambayanan, doon nila lilikumin lahat ng kanilang mga maiitim na balakin na ihinalo sa kanilang maitim na dugo, at pagkatapos ay isa-isa silang iinom mula sa iisang kopita ng pagsusulong sa pagtatatag ng bagong lipunan para sa kanilang mga sarili at kaibigan at kakilala.
Sa kanya ang mukha sa telebisyon, siya na tagapag-anunsiyo ng kaluwalhatian ng darating na pulahang umaga para sa bagong lipunan. Isa siyang mamamahayag na nagkamali sa pagtugon sa panawagan na maglingkod sa bayang maliit sa palasyo ng Malakanyang.
Sa umagang iyon ng batas military, paulit-ulit ang kanyang kalkuladong pananalita at sa kanyang mga bibig nanggagaling ang inuulit-ulit na kasinungalingan na sa bandang huli, sanhi ng pagkabugbog ng utak ng mga mamamayan, ay hinayaan na lang maniwala ang kanilang mga isip na may bagong bukas nga ang bagong lipunang nililikha ng mga kampon ng batas militar tulad ng mga sundalo na natuto sa sining ng tortyur.
Matututo ang Bannuar sa maraming kapalaluan na magaganap pagkatapos ng deklarasyon na kailangan ng bayan ang isang matinong pinuno, magaling na pinuno, isang pinunong nakakakilala sa kung ano ang kailangan ng bayan, ng tao, ng kaunlaran.
Matututo ang Bannuar na hanapin ang kanyang boses.
Matututo ang Bannuar na hanapin ang mga sagot sa katanungan sa mga masang gising.
Higit sa lahat, matututo ang Bannuar na magtanong, muli at muli, ng mga tanong na mahirap sagutin sapagkat hindi tapat ang Pangulo sa pagharap ng mga usapin sa bayan.
Isa-isa na ngayon kinukulong ang mga artista, mga manunulat, mga propesor.
Sa unibersidad ng estado, merong isang takot na dumikit sa mga pader, sa mga poste, sa mga bulwagan, sa mga pahina ng mga libro, sa mga salitang ginagamit ng mga intelektuwal upang maintindihan ang bagong dagok na ito sa sambayanan.
Naimpiltreyt nang matagal ang unibersidad. Maski sa hanay ng mga guro, meron sa kanilang espiya ng mga kaaway.
Tulad ng mga nagkukuwaring estudyante—mga nakaenrol sa mga kursong kinukuha ng mga lider ng mga mag-aaral upang lalo nilang matiktikan ang kaaway ng batas militar, ang ilang propesor din ay nakikinabang sa ganitong kaayusan.
Sa isang banda ay mga maka-kanan, purong-puro, kakampi ng poder, ng rehimen, ng mga sundalo, ng establisyimento, ng ilang puwersa ng di nag-iisip na simbahan.
Sa isang banda ay mga maka-kaliwa, humihingi ng panlipunang katarungan.
Sa unang sigwa, nagbarikada ang mga nagsisiprotesta.
Nabuo ang kauna-unahang komyun sa unibersidad at doon, doon sa harap ng aklatan, doon sila nagkuta, doon nila dinala ang mga silya at pisara at pakikiisa sa bayan, doon nag-analisa, doon nag-aral, doon hinamon ang kakayahan ng magaling na Pangulo.
At sinugod sila ng mga militar, binatuta, kinanyon ng tubig na may kulay para madaling makita kung sino ang kasama sa protesta.
Ang ilang kabataan ay sumuko sa karahasan, sumailalim sa interogasyon, kumanta, nagsitsit kung sino ang may pakana sa mga pulang sulat sa pader kahit sa katunayan ay wala rin silang alam, hindi alam kung sino ang pinagpipitaganang pinuno ng pakikipaglaban.
Pinaupo sa bloke ng yelo at sinabihang walang silbi.
Kinuryente ang mga bayag at sinabihang walang silbi.
Minura ang pagkatao at sinabihang walang silbi.
Nilapastanganan ang pagkasino at sinabihang walang silbi.
Tangina,. pati si Brother Camillo.
Pati si Brother Isaac.
Pati si Padre Ismael.
Silang lahat sa kilusang humihingi ng totoong kalayaan.
Silang lahat ay dumaan sa karahasan, pinahirapan.
Ngayon ay bangkay na si Brother Camillo, siya na unang namulat sa karahasan ng simbahan sa kanyang mga manggagawa.
Ngayon ay wala na sa ulirat si Brother Isaac, siya na pinakahuling sumali sa mapagpalayang samahan.
Ngayon ay nawawala si Padre Ismael. Dinukot kamakailan ng mga ahente ng rehimen, piniringan, isinakay sa itim na sasakyan at inilayo sa kung saan.
Maraming saksi, maraming nakasaksi.
Kahit sa katanghaliang tapat, marahas na ang karahasan.
Ipinapakita na ng kaaway ang kanyang kakayahan pasukuin ang mga mamamayan.
Wala na silang takot.
Wala na silang agam-agam na masasaksihan ng marami ang kanilang mala-demonyong paraan.
Tangina nilang lahat!
Magunaw sana ang mundo at kasama silang magunaw!
Agbirri koma ti daga ket alun-onenna amin ida!
Poon, tila ito na ang katapusan ng lahat.
Pagod na kami, Poon.
Pagod na kami, Poon na Makapangyarihan sa Lahat.
Iligtas mo kami.
Ilayo kami sa kapahamakan.
Tangina nilang lahat, Poon na Makapangyarihan sa Lahat.
Iligtas mo kamis a karimlang ito, Poon.
Tangina nilang lahat na sanhi ng kadilimang ito.
Wala na kaming makakain, Poon ng Mabuting Buhay.
Tangina nilang lahat na ganid.
Wala na kaming galang sa sarili, Poon ng Pagmamahal.
Tangina nilang lahat na walang pagmamahal sa kapwa.
Wala na kaming pagpapahalaga sa katotohanan, Poon ng Totoo.
Tangina nilang lahat na sinungaling.
Bukas, bukas, bukas ililibing sina Brother Camillo at Brother Isaac.
Winasak nila ang kanilang mga mukha.
Binutasan nila kung nasaan ang kanilang mga puso.
Binutasan nila kung nasaan ang kanilang mga mata.
At ang kanilang mga kaliwang tainga, pinutol.
Sabi ng mga saksi, alaala daw ng kumander ng mga militar na nagsagawa ng pagpaslang.
Nag-iipon daw ng kumander ng mga tainga, nakalagay ang mga ito sa garapon pagkatapos patuyuin sa matapang na darang ng araw.
Magiging dakila ang kumander na ito sa mga kudeta, sa pagpasuko sa rehimen ng Unang Babaeng Pangulo ng Bansa.
Nakikita ko ang mga ito sa aking puso, sa aking isip, sa mata ng aking personal na kasaysayan.
Maggagalak ang taumbayan sa pangyayaring ito.
Pero hindi magtatagal ang kagalakang ito.
Mauuwi ito sa kabulastugan.
Mauuwi sa panibagong kalungkutan.
Mauuwi ang lahat sa wala.
At muling magsisimula ang bansa sa wala.
Bukas, bukas, sasama na ako sa mga mulat na masa
Published, INQ, V1N17 Okt 2005
No comments:
Post a Comment