Wayawaya-Kabanata 18

Wayawaya. Kalayaan. Kuwento ng limang henerasyon ng isang pamilya na testigo sa kasaysayan.



Simula kay Ina Wayawaya noong huling bahagi ng ika-19 na siglo hanggang kay Wayawaya sa kasalukuyan, ang kuwento ng rebolusyon ay nananatiling di tapos na dula ng buhay ng mga Filipino.



Mailap ang katubusang pangako nito. Laging lumalampas sa palad ng mga nangangarap ang kalayaan para sa inangbayan—ang buong-buong wayawaya para sa sambayanan.



Isasadula ng nobelang Wayawaya ang masalimuot na kuwento ng mga kababaihan sa pamilya Agtarap na nag-alay ng sarili para sa higit na malaking sanhi—ang wayawaya na nakabatay sa panlipunang katarungan.



Magsisimula ang kuwento sa kasalukuyan—sa People Power II—at magtatapos din sa kasalukuyan. Subalit pumapaloob ang kuwento sa iba’t ibang pook at panahon ng mga pangyayaring kinakasangkutan ng limang Wayawaya. Ang pagsasaksi ay sa kanilang puntodebista.



Limang Wayawaya ng limang henerasyon ng mga Agtarap—silang mga malay at mulat na tauhan sa di natatapos na kasaysayan ng pakikipagtunggali para sa pagkapantay-pantay, para sa kaunlaran, para sa kapayapaan.



Limang Wayawaya—limang pangarap. Limang Wayawaya—limang kuwento ng pakikibaka. Ng kaligtasan para sa sarili. Ng kaligtasan kasama ang kapwa.












Ako si Bannuar mula sa pagmamahalan nina Ili at Teresa.



Si Bannuar din ang aking kapatid, siya na anak ng gera, ng hamon, ng pakikipagtunggali, ng pakikipagtaguan sa mga military, ng batas militar, ng lahat na yata ng uri ng pakikibaka hanggang sa isang araw, sa araw din na iyon na idineklara ang batas military, hinuli ang aking inang, siya na nagdadalantao sa kanilang panganay ng itang, hinuli at kinaladkad, pinalakad ng pinalakad mula sa liblib na nayon na iyon na kung saan sila ay kinubkob ng mga kaaway na pawang mga bagong gradweyt sa akademya military, mga sundalong magiging pinakatuso ng lahat ng mga tuso, pinakamarahas sa lahat ng mga mararahas, pinakademonyo sa lahat ng mga demonyo, silang mga sundalong magiging instrumento ng karuwagan.





Pagtatagpi-tagpiin natin ang kasaysayan ng mga Agtarap, mula sa nuno hanggang sa kasalukuyang panahon ng muling paghihikahos at pagkaduhagi.



Itatarak din natin sa mga muhon ng kasaysayang ito ang libong punyal, siyang armas ng mga naunang magdadangadang, silang mga nakababatid sa katarungang taglay ng paghihiganti laban sa mga kaaway at mga kaalyado.



Kay Ama Puon nanggaling ang sinaunang puot.



Ipinanganak nang araw mismong paslangin o garotehin o kitlin ang buhay ng tatlong pareng namuno sa pakikipaglaban para sa karapatan ng mga mamamayan, si Ama Puon ang puno’t dulo ng lahat ng mga hinaing, ng lahat ng mga tapang na nabuo sa kalooban ng mga inapi at dinuhagi, mga pinagsamantalahan sa pamamagitan ng pananampalataya at sa pangako ng higit na maiging kabihasnan.



Namulat sa hikahos, namulat din sa kaisipang mapanghimagsik.



Ang ama ay kaalyado ng mga antigong dumadangadang.



Ang ina ay kasama sa mga nag-aaruga sa mga sugatan.



At mga angkan ay kasapi sa kilusang lihim na nagsusumikap sipatin ang kakayahang tapatan ang lakas ng mga abusadong Kastila at mga bayarang ayuda.



Dumating ang punto na ang paghihimagsik ay ang kapwa laban sa kapwa, kaili laban sa kaili.



Marahas ang kaaway.



Walang awa ang kaaway.



At sa panahon na sumuko si Puon sa subukan isang umagang tirik ang araw, tumatarak ang sinag sa naghihintay na malamig na tubig ng ilog at sa mga linang na naghihintay din ng haplos ng malamig na ulan, napagtanto niya ang ibang kahulugan ng pagtutuli.



Sumusuko siya sa lumang tipan ng mga kalalakihan sa ilog na iyon.



Sa pagnguya sa dahon ng bayabas at sa nganga at ikmo, ramdam niya ang kaapihan ng mga kababayan.



Matutuli ang isip, matutuli din ang isip, sabi niya. Hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin ng mga katagang iyon.



Subalit alam din niya.



Ikinulong ang ama ni Wayawaya na kapatid ng kanyang ama.



Pinagkaitan ng pagkain.



Pinagkaitan ng kabutihan.



Pinarusahan na parang hayup.



Hinagupit sa plaza, doon sa lugar na iyon na minsan, noong matagal nang panahon, ay pinag-alayan ng kanyang nasirang ina ng niniugan, inialay sa mga antigong poon ng buhay, mga poon ng mga gubat, mga poon ng mga kagubatan, mga poon ng mga ilog, mga poon ng mga gabi, mga poon ng mga araw, mga poon ng mga pagkain—silang mga poon na giya ng kanilang buhay, sanhi ng kanilang buhay, sanhi ng mga sanhi, kasanhian ng mga kasanhian.



Nakasakit noon si Puon sa isang aggigian doon sa lugar na iyon ng isang malabay na puno ng balita, doon mismo sa kinatitirikan ng rotunda ng plaza.



Naroon noon ang balite bago ito sirain ng mga Kastila at gawing lugal ng pampublikong pagpaparusa sa mga nadadakip na manghihimagsik.



Isang tag-araw ng laro at kasiyahan, isang tag-araw ng kabataan, sumilong doon si Puon, hindi humingi ng pahintulot sa pag-aakalang walang aggigian doon, walang nakatirang ibang nilalang doon.



Sabi nila ay binabahayan ng mga kaibaan ang malabay na balita.



Sabi nila ay meron daw nagpapakita doon na isang pareng walang ulo, pareng pinugutan marahil ng mga dumadangadang.



Sabi nila ay doon din ang lugal ng mga milagro at kababalaghang kayhirap ipaliwanag.



Tulad ng bigla-biglang paglakas ng hangin.



O ng pagliwanag ng buwan.



O ng pagkawala ng sinag ng araw hanggang sa ikaw ay mapapasuong sa mga ugat ng malabay na puno at doon, doon sa mga ugat na nagmimistulang kurtina ng mga entrada sa mga tagong kuweba ng malapad na puno, doon nagtatago ang mga di nakikitang nilalang, silang mga nangawala noong dumating ang agua bendita at pater noster ng mga Kastila, silang mga nangawala sa ulirat at pinalitan sila ng mga anghel na iba-iba ang pangalan, iba-iba ang katangian at kakayahan. Pinalitan di sila ng mga santo at santa na may kanya-kanya rin angking galing at kakayahang magpagaling ng mga sari-saring sakit at alalahanin.



May kung anong hatak ang malabay na balite kay Puon.



Hinihigop siya ng malabay na balite.



Sinasakmal siya ng malabay na balite.



Mabigat ang kanyang mga paa at hindi siya makahakbang papalayo.



May kung anong bigat ang kanyang mga paa at tuwing humahakbang siyang papalayo, may kung anong pagkamanhind ang umaangkin sa kanyang katawan, sa buong katawan.



Nagsisimula ang manhid sa kanyang hinlalaki, kakalat sa mga daliri, aakyat patungo sa kanyang mga hita, magtatagal doon sa mga hita ng ilang sandali hanggang sa aangkinin siya ng lamig, ng pagkamanhid, ng kawalan ng kakayahan na magsabi ng pagtutol, doon sa mga hita, doon sa mga singit, doon sa puson, hanggang sa paakyat ang manhid patungo sa kanyang pusod, banayad na aakyat sa kanyang leeg hanggang sa kanyang sentido.



Mula sa sentido ay wala na siyang mararamdaman pa.



Wala na siyang alam.



Wala na siyang ulirat—at alam niyang wala na siyang ulirat.



Hahayaan ang manhid na angkinin ang buong pagkatao.



Hahayaan ang manhid na angkinin ang kanyang isip.



Hahayaan ang manhid na angkinin ang kanyang puso.



Hahayaan ang manhid na angkihin ang kanyang kaluluwa.



Makakalimutan ang kanyang pangalan.



Makalimutan kung sino siya.



Makakalimutan kung saan siya nagmula.



Hanggang sa iluluwa siya ng balite at mag-iiba ang kanyang anyo.



Magiging pinsan siya ng mga balite, ng lahat ng mga balite, ng lahat ng mga punong malalabay ang mga sanga.



Ako ang buhay, sabi niya.



Anak ko, sabi ng kanyang ina.



Minarkahan ang aking noo, sabi niya.



Nakasalamuha mo sila, sabi ng ina.



Markado raw ako, sabi niya.



Ibalik mo ang anting-anting, sabi ng ina.



Ang anting-anting ay nasa isip, sabi niya.



Ibalik mo ang anting-anting, sabi ng ina.



Nakita ko silang lahat, silang mga humihingi ng tulong, sabi niya.



Ang aking itay ay markado rin noon, sabi ng ina. Nasira ang aming buhay.



Nakita ko ang aking marka, sabi niya.



Wag mong tanggapin ang tungkulin, anak. Magiging ama ka ng mga dumadangadang. Araw-araw nilang kaharap ang panganib.



Ang minarkahan ay minarkahan, sabi niya. Ang namarkahan na ay namarkahan.



Isa na namang alay ito, Apo a Mannakabalin, sabi ng ina. Bukas, bukas, bukas ako gagawa ng niniugan. Bukas ako hihingi ng tulong mga mamamayan. Magpupunta kami rito, isang dosenang mananampalataya at sabay-sabay namin hingin ang buhay ni Bannuar, amanos sa amin, kabayaran ng lahat ng pagtalikod ng ama sa kilusang lihim.







Si Ama Puon ang henesis ng aming pakikibaka, siya na nuno ng aming nuno.

Bannuar akong turing pero hindi ibig sabihin ay isa akong bannuar.



Ang bansag ay isa ring kabalintunan, kung minsan.



Tagapagmana ako ng isang pangalang hindi kayang patinagin ng salapi.

Ako si Bannuar na kasangkot sa mga usapin ngayon tulad ng tungkol sa paglaya.



Panglima ako mula kay Ama Puon. Anong saklap!



Limang salinlahing nakaangkla sa pakikibaka araw-araw.



Mula noon hangga ngayon, ang pakikibaka ay ganoon at ganoon pa rin: isang paulit-ulit na paghingi ng tunay na kalayaan.



Ngayon, sa Mendiola, ngayon namin hihilingin ito sa pinuno ng bansa.



Sababihin namin ang aming hinakit.



Isasawika namin ang aming hinagpis.



Mula dito, hahayaan naming sumigaw ang aming mga isip upang doon ay mahihikayat namin na sumama sa aming pagkilos ang mga kapanalig ng mga kaaway.



Nagbalik na ang mga sundalo at pulis sa Mendiola.



Nagbalik na ang mga pulahang bandila.



Nagbalik na ang taumbayan sa Mendiola.



At nagbalik na rin ang mga rolyo-rolyong barb wire na panangga sa mga nagngangalit na nagsisiprotesta.



Nagbalik na rin ang aming tinig.



Bukas, makalawa, maaangkin na namin muli ang Mendiola.





Published, INQ, V1N18, Oct 2005





No comments: