Pagpapagaling ng Kaluluwa
(Sa mag-asawang Lani at Edison Dumayas)
Humihiling ka paminsan-minsan ng amoy
Ng lahat ng mga amoy na kinasanayan.
Parang sa alaala ng arusip o bagbagutot.
O dili kaya ang sabawil na kati ng isip,
Pangangati rin ng mga kamay na nagpapahid
Ng awa sa kalagayan ng mga nagsilayo
Tulad ko na marunong-runong sana
Pero hindi rin dahil almusal naman natin
Ang hirap at buntong-hininga
Kung hindi man ang palatak ng amo
Sa bayang itong kinasadlakan
Ng estrangherong kahulugan ng kalooban.
Lalo at kailangan mong sa ilong mo
Pararaanin ang pagbigkas,
Katulad ng pananalita
Ng mga dinatnan na animo’y
Nagpapapak ng lungkot
Sa pang-aalipusta sa mga bagong dating
Na pagdadalawang-isip.
Libong ulit mong isipin ang pagbabalik
Sa tabi at kandungan
Ng mga ginhawang kilala.
Pero hindi ka rin makakabalik
Sa maraming bangungot na dahilan
Ng paulit-ulit na paglisan.
Humihiling ka ng mga lasa
Na pinapanaginipan ng mga palad
Siyang lasang ihahalo sa puting kanin
Na pantawid-gutom na di na kilala,
Nakalimutan na ang pangalan.
Subalit maaalala mo uli-uli ang dinengdeng
Na pampagaling sa kaluluwa.
Hihilingin mo iyan sa mga kaibigan,
Susuhulan mo sila ng ibinabahaging galak
Sa maaga-aga pang batang gabi.
Published, INQ V1N16 2005
Aurelio Solver Agcaoili
Carson, CA
Oktubre 2005
No comments:
Post a Comment