Wayawaya. Kalayaan. Kuwento ng limang henerasyon ng isang pamilya na testigo sa kasaysayan.
Simula kay Ina Wayawaya noong huling bahagi ng ika-19 na siglo hanggang kay Wayawaya sa kasalukuyan, ang kuwento ng rebolusyon ay nananatiling di tapos na dula ng buhay ng mga Filipino.
Mailap ang katubusang pangako nito. Laging lumalampas sa palad ng mga nangangarap ang kalayaan para sa inangbayan—ang buong-buong wayawaya para sa sambayanan.
Isasadula ng nobelang Wayawaya ang masalimuot na kuwento ng mga kababaihan sa pamilya Agtarap na nag-alay ng sarili para sa higit na malaking sanhi—ang wayawaya na nakabatay sa panlipunang katarungan.
Magsisimula ang kuwento sa kasalukuyan—sa People Power II—at magtatapos din sa kasalukuyan. Subalit pumapaloob ang kuwento sa iba’t ibang pook at panahon ng mga pangyayaring kinakasangkutan ng limang Wayawaya. Ang pagsasaksi ay sa kanilang puntodebista.
Limang Wayawaya ng limang henerasyon ng mga Agtarap—silang mga malay at mulat na tauhan sa di natatapos na kasaysayan ng pakikipagtunggali para sa pagkapantay-pantay, para sa kaunlaran, para sa kapayapaan.
Limang Wayawaya—limang pangarap. Limang Wayawaya—limang kuwento ng pakikibaka. Ng kaligtasan para sa sarili. Ng kaligtasan kasama ang kapwa.
Ganito ang paraan ng pagkain ng tupig, sabi ni Ili kay Teresa.
Iniabot ni Ili ang tupig kay Teresa. Galing ang tupig sa mga kasama sa bayan na nagpapasabilis upang makarating ang mensahe tungkol sa kinahihinatnan ng mga kababayan sa Gitnang Luzon.
Pinadapa ng bagyong iyon na kapangalang ng Unang Ginang ang mga nayon. Nilubog ang mga pananim. Inianod ang mga bahay at mga pag-asa na makapag-ani ng sapat para sa pamilya.
Bumisita rin ang napakalakas na bagyo sa pook na iyon na kanilang inoorganisa.
Ang pook ay sa paanan ng mga bundok na kabit-kabit na dumudulo sa dalawang dalampasigang binaybay ng mga ninuno mula sa mga pulo-pulo sa kalakhang Asya upang sa pagparito ay lumikha ng ibayong pag-iisip, ibayong paraan ng pamumuhay, ayon sa mga pantas ng mga sibilisasyon.
Tila mag-asawang tubigan ang mga dalampasigan kapag nasa tuktok ka ng mga bundok.
Minsan nang napagawi sina Ili at Teresa sa bahaging ito ng kabundukan at mula sa tugatog na tinatakpan ng mga matatayog na mga narra at molave na sa bandang huli ay wawarakin ng mga magtotrosong malapit sa mga makapangyarihang tao sa Palasyo.
Galing ang tupig sa mga pawis ng ating mga ninuno, sabi ni Ili.
Ang marahas na tunog ng hangin ang sumagot sa sinabi ni Ili.
Itinatali ni Teresa ang bintana, gamit ang taling ibinigay ng isang dumating na kasama na naghatid ng balita na lumubog na ang Pampanga at Tarlac at bahagi ng Nueva Ecija. May nginig sa mga kamay ni Teresa habang nagtatali at napansin ito ni Ili.
Palibhasa ay burgis, sabi ni Ili.
Tarantado, sagot ni Teresa.
Ngumiti lamang ang bagontao. Isang edad medya na galing sa uri ng mga magbubukid at nagkumit na magiging bahagi ng pambansang pagkilos sa kalayaan. Maitim ang bagontao, sunog ang balat sa pakikipagbuno sa mga pilapil, sa pakikipagsukatan ng kakayahan sa araw, sa pagpapatotoo ng kakayahan sa umaga at hapon na gumagapi sa kanyang lakas, pagkatao, at kabataan.
Darating ang panahon na ang mga burgis ay magtatrabaho sa bukid, sabi ni Ili. Nakatawa, nang-aasar.
Darating ang panahon na ang mga kleriko-pasistang tulad mo ay magbubukangkal ng lupa sa may mga batuhan ng Pampanga. O Ilokos kaya, sagot ni Teresa.
May ingay na nilikha ng pagbagsak ng malaking sanga ng algarrubo sa harap ng kubong iyon na kanilang tinutuluyan. Walang tao sa paligid at tila ang nayon ay natutulog.
Umalis si Ili sa kinaroroonang bangkong yari sa pira-pirasong dos por dos na mga sobra
ng mga magtotroso. Nagtungo sa duag, ang espasyo sa harap ng kalakhang parte ng bahay na tinitigilan ng bisita pagkaakyat. Mga basar ang sahig at may it-it na sumasabay paghakbang ni Ili.
Nakiupo sa kinaroroonan ng kasama na nagdala ng balita tungkol sa sinapit ng Gitnang Luzon.
Isa na namang dagok sa atin ito, sabi ng kasama.
May awa ang Panginoon. Si Ili, ang alagad ng simbahan.
Makakaahon pa kaya ang taumbayan, Padre Ili?
Huwag mo na akong tawaging Padre Ili, kasama. Nasa yugto na tayo ng pagkapantay-pantay.
May takot sa aking dibdib. Tila hindi na natin malalampasan ang mga bagyong dumarating sa atin. Nagpakawala ang kasama ng isang buntong-hininga. Tumingin sa kalangitan. Pinatunog ang kanyang kalyadong mga daliri. Nagpakawala uli ng isa pang buntong-hininga.
Tiningnan ni Ili ang kalangitan.
Magkape na tayo, sabi ni Teresa. Nagsangag ako ng bigas. Nagdala ang kasama ng panutsa. Inilatag ni Teresa ang nakatabing dulang, nakasandal sa isang parte ng banggerahan. Panay ang wes-wes ng hangin at pumapasok ang ulan sa lalagyan ng pinggan, sumusuot sa mga butas ng buhong dingding ng kubo.
Palalim na ang gabing iyon na nagluluksa ang paligid at nagnangalit ang panahon. Nagsasayaw ang mga dahon, at may bangis sa pagkasira ng mga sanga at pagkakahiwalay ng mga ito sa puno.
Ang karahasan ay galing sa kaaway, sabi ni Ili.
Marahas din ang panahon, sabi ng kasama.
May dahas ang buhay. Pero may katarungan. May nakalaan para sa atin, tayong mga inaapi, tayong mga umaasa.
Hinahanap ko ang katarungan. Matagal nang panahon.
Mangyayari ang dapat mangyari, sabi ni Ili.
Sagana pa rin ang buhos ng ulan. Ligaw na sayaw ang palabas ng kalikasan sa batang gabing iyon na dumating ang daluyong. May lamig na dulot ang bagyo at ang lamig ay gumagapang sa kalamnan.
Didigran, sabi ng kasama.
Madi pay, sabi ni Ili. Adda asi ti Apo a Mannakabalin.
Magkape na kayo, sabi ni Teresa. Dala ang tatlong sartin. Umuusok ang kapeng bigas sa halumigmig.
Kinuha ni Ili ang isang sartin at iniabot sa kasama.
Kinuha ng kasama ang kape kay Ili. Salamat, Padre, sabi niya, nakangisi. Salamat sa inumin para sa mga nauuhaw.
Tangina mo, sagot ni Ili sa kasama, tumatawa.
Tangina mo rin, sabi ng kasama, humahagalpak. Teka muna, ngayon lang ako nakamura ng pari a. Ang sarap parang pakiramdam ang dulot ng pagmumura sa uri ng mga manunupil.
Ala di magmurahan kayong dalawa, sabi ni Teresa, tumatawa. Lumabas ang kanyang mga biloy sa magkabilang pisngi. Mga biloy iyon ng tukso na gumising kay Ili sa kanyang pagkatao bilang nagmamahal sa kapwa sa paraang pisikal.
Katawan sa katawan.
Kaluluwa sa kaluluwa.
Puso sa puso.
Hita sa hita.
Sa hirap at ginhawa ay isinumpa ni Ili ang walang kamatayang pagmamahal kay Teresa.
Ilang taon silang pinaghiwalay ng pambansang kilusan upang makita nila kung sila nga ay para sa isa’t isa.
Sa seminaryo nagbalik si Ili. Doon nagpakadalubhasa, nagpakita ng pagsuyo sa abstraktong diyos ng mga birtud at pananampalatayang walang dugo, walang laman, walang nasa.
Sa seminaryo din niya itinago ang kanyang pagkamulat.
Sa seminaryo din niya unti-unting ipinangako ang kumitment sa masa.
Heto ang tupig, sabi ni Teresa. Iniabot ang isa sa kasama.
Si Padre Ili, bigyan mo rin, sabi ng kasama. Nakangisi.
Panahon na ng pagkapantay-pantay, kasama.
Si Padre Ili naman, hindi na mabiro.
Mabangis ang bagyo ngayon, sabi ni Teresa. Ang pangalan ay Unang Ginang. Parang sa residente ng Palasyo.
Angkop na simbolo. Bagyo at daluyong ang ihinahatid sa atin sa kanilang kambal na pang-aabuso sa ating pagkatao, sabi ni Padre Ili. Malayo ang tingin.
Namnamin natin ang tupig ng masa, sabi ng kasama. Bukas, makalawa, wala nang maaaning malagkit. Sinira na ng bagyo. Winasak na ng daluyong.
Walang matutulog, sabi ni Ili. Salubungin natin ang bagyo.
Walang matutulog, sabi ni Teresa. Aabangan natin ang daluyong.
Ako, sabi ng kasaama, nanamnamin ko ang tupig ng masa.
Published, INQ, V1N16 Oct 2005
No comments:
Post a Comment