Kung bakit nagiging makata
Ang bawat migrante
Sa lahat ng sulok
Ng kuwadradong mundo
Ay isang exilong palaisipan.
May tagong tula
Sa lahat ng kababayang
Natutong humakbang papalayo
Sa balay ng mga estrangherong
Pangako ng katiwasayan
Sa pag-idlip sumandali
Kapag nahahapo ang isip
Sa paghahanap ng katubusan
Ng nakasanlang kanin at ulam
Sa bayang iniiwan
At minsan,
Hindi na na babalikan.
Ang rason ay masaklap
Tulad ng pagkapanis
Ng inaasahang tutong
Na hahaluan ng tubig,
Bubudburan ng asin,
Sasamahan sana ng dalangin
Upang makarating
Ang tangang lakas
Ng pagkain sa mga ugat
Sa isip at sa laman
Sa mga kamay natin,
Tayong nakasandig
Sa lamig at lumbay
Ng banyagang hangin
Ng banyagang gabi
Ng banyagang umaga
Ng paggising mula
Sa duguang pangitain
Sa mga protesta ng saknong
Sa kinakanyong nagsisiprotesta
Sa Malakanyang o
Sa Plaza Miranda o
Sa Welcome Rotunda
Ng ating marami-raming paghihimagsik
Sa paghihikahos sa katotohan
Sa atin, tayong nag-aalmusal
Ng hapdi ng sikmura
Ng kakaibang lungkot sa dulang
Ng hiraya ng dighay at isa pa
Galak din sa pagtitinga.
Alam na natin
Na ang pamagat
Ng ating mga tula
Ay may kinalaman
Sa walang maaasahang panaginip
Na merong kagampan
Sa taludtod at bersikulo
Ng ating kaligtasan sa kailihan
Tayo na matagal nang nagsusumamo
At nagdadasal para sa pakiramdam
Ng kabusugan hindi lang ngayon
Kundi sa lahat ng panahon
Hindi para sa ating mga sarili
Kundi para sa mga supling
Na malilikha sa ating
Mga baong panaginip.
Kaya nga ang mga migrante
Ay pawang mga makata
Ng paglayo at lungkot
Ng ulan sa tag-araw
Na dumidilig sa ating
Mga salitang nagliliwaliw
Naglalakbay tulad ng ating
Mga araw na ating iniikisan
Sa kalendaryong kakambal
Ng ating alanganing agam-agam
Na para bang ang tugon
Ng mga siphayo
Ay sansiglo na namang paghihintay
Ng bagong pag-aklas
Ng nagtutulang panibugho
Pagngangalit ng ating wika
Paghahanap ng paglaya
Sa ating nakakakulong
Na alaala sa pulahang pag-asa.
Aurelio Solver Agcaoili
Carson, CA
Okt 15, 2005
No comments:
Post a Comment