Prinsesang Dalisay

(Para kay Nasudi Anchin, prinsesang tunay, Okt. 21, 2005)

Prinsesang dalisay
Ikaw ngayon,
Sa hapon ng Marikina
Ng ating panaginip.
Sa karetela ng kaharian
Ng naglalayag
Na isip sa San Miguel,
Ikaw ay maglalakbay din
Sa mga matyag at paggiliw
Ng taumbayan, ina, kapatid,
Daniw at awit na
Sasaksi sa koronang angkin,
Ikaw na exilong anak,
Estranghero sa yakap
Ng amang nangangarap
Ng kaharian ng sapat:
Sapat na kanin
Sapat na ulam
Sapat na gatas
Sapat na paggiliw
Paglalambing
Pagsusumbong sanhi ng sugat
Paghingi ng pera na pambili
Ng matamis na itatapat
Sa pait ng alaala
Ng amang umalis
Upang hanapin ang damit
Ng prinsesa
Sa mga taludtod
Ng mala-amerikanong awit.
Dito sa layo,
Sa dayuhan ng ating mga bisig,
Ikaw ay yayapusin
Ng mahigpit na mahigpit
Habang ang karetalang lulan
Ay naglalakbay
Sa mga pamagat
Ng ating mumunting
Pag-ibig.
Pakamamahalin, prinsesang dalisay,
Ang koronang angkin.
Pakamamahalin, prinsesang dalisay,
Ang kaharian
Ng mga kagampan
Ng ating nais
Dito sa dayo
Diyan sa tahanan
Ng ating sintang
Pag-ibig.


Aurelio S. Agcaoili
Carson, CA
Okt 21/05

No comments: