May dugo sa gatas
Na iniinom ng mga bunso
Ng bayan natin.
Pinaslang si Ka Fort,
Pinuno ng ating galing,
Kabesa rin ng sanlibong
Nagpapalayang adhikain
Siya na nagsilbing giya
Ng ating mga alalahanin.
Kanyang dugo ang ihinalo
Ngayon ng mga pasista
Sa gatas na iyon na iniinom
Ng mga bunso natin.
Dalawang putok lamang ng punglo
Sa araw na iyon ng paglalakbay
Patungo sa isang bunso,
Bibisita sana, aaluin
Ang panibugho ng apo.
Ganito na ngayon sa atin,
Itinutumba ang hangarin,
Inietsapuwera ng namasmaslang
Na balikong damdamin
Ng mga sugo ng takot at huwad,
Silang mga alipores ng lahat
Ng paglibog sa sugatang magdamag
Ng pagsuyong ligaw,
Kakambal ng mga palsong
Angkin ng mga mga daan
Sa kung saan tinapos
Ang diwa ng maramot
Na kalayaan.
Bingi ang kalsada sa puwersa
Ng karahasan sa tikip-silim
Na iyon sa piketlayn sa Cabuyao.
Manhid din ang batang gabi
Sa hiyaw ng pananagumpay
Ng bala sa dibdib
Ng pinaslang.
Hinayaan ng gabi
Na gumapang ang dugo
Sa mga gatasan.
Bukas, ipagbibili
Ang gatas sa mga ina
Na naghahele ng sukdulan
Ng karahasan.
Aurelio Solver Agcaoili
Los Angeles, California
Setyembre 23, 2005
1 comment:
GRABE ITAY!!!! nakaka-agit ka!!!! MAHAL NA KITA!!!!
Post a Comment