Balita sa Kailihan

Tulad ninyo sa kailihan,

Kami rin dito sa ibayong dagat,

Kaming nandarayuhan sa araw-araw

Na pasakit sa ating bayan,

Kaming lahat ay nakikibalita

Sa lahat ng pangingidnap

Sa mga kababayan at mga pangarap

Sa mga masaganang pananghalian

Sa mga kabilugan ng buwan sa mga bukid

Sa mga kapayapaan sa gabi ng pakikipagsiping

Sa maraming panaginip ng pagbabalik

Sa sinapupunan ng mga tubig, dagat, hangin, bagyo,

Mga balitang lahat na pamilyar sa amin

Sapagkat tulad ninyo, inaabangan din namin ang pagdating

Ng mga Nayan na ipinain ng mga terorista

Ng mga Nayan na lumayo upang lumapit sa kapalaran,

Matagpuan ang di mahanap-hanap na kasiyahan

Sa atin: makita mula ang pagsibol ng mga tanim,

Masaksihan ang paghupa ng hunos sa mga kalsada

Ng lunsod o sa makikipot na pilapil,

Doon, doon sa hahakbangan patungo

Sa layon, sa nais, sa pagtutubos sa hinaing.







Kami ay nakikibalita sa mga nagananap:



1.

Sa TV Patrol, balita sa welga sa gas,

Pagtutol sa mahika ng pag-angkat

O ng salamangka sa pagkuwenta ng tutubuin

Sa bawat litro ng pandurugas

Ng mga negosyante sa gera o baril o relihiyon

O demokrasya, sa atin at sa gitnang silangan

Ng mga kaapihan, sa kasaysayan man

O sa mga kuwento ng mga kanyon

O sa mga kuwento ng mga sundalo

Ng walang oras na mga panahon,

Walang buwan na mga taon,

Walang taon na mga siglo

Ng napakatagal na pagbangon.



2.

Pagtaas ng presyo ng sangkilong galunggong

Mula sandaang pangako sa pag-unlad

Hanggang sa isang libo't isang hamon

Ng rebolusyon sa paglasap sa ulam

O pakikibaka sa tinik o sa ulo kaya ng sugpo,

Ang katawan ay nasa Osaka

Ang itlog ay nasa Paris, London, Boston

Ang esensia ay nasa sa Knorr o sa pinggan

Ng isang pihikang dilag sa rampahan ng mga damit

O sapatos o tukso ng sanlibutan.



Aamuyin lamang ng dilag sa Vogue

Ang ihinaing ipinagdamot sa ating kailihan,

Di alam ang pinanggalingan

Di alam ang bilang ng mga pinagkaitan

Sa mga piskerya sa Bacolod

Sa mga piskerya sa Dagupan

Sa mga piskerya ng mga panibagong pang-aalipin

Sa mga piskerya sa Malolos, sa Lukban

Sa mga bayan-bayanang nagkakasya lamang

Sa mga ulo ng isda, sa mga bituka ng isda,

Sa mga sama-ng-loob ng isda

Sa mga natakot na mga isda

Sa Malabon man o sa Parang

Sa Navotas man o sa mga ilog

Na ngayon ay isinasama

Sa mahabang listahan ng mga patay,

Kasama ang mga rebelde, mga sundalo

Mga terorista, mga kidnaper, mga mamahayag,

Mga sapa, mga pinitak,

Mga gabi at bukang-liwayway.



3.

Pag-it-bulaga ng bigas, dati'y sa sarusar

Ng Angkuang magbubukid, patas kung kumaltas

Ng para sa patubig, ng para sa amilyar

Para sa lahat ng mga nanabik ng bango

Ng sinaing sa bagong ani sa nangingilalang bukid



Ngayon ay nagtatago na ang bigas,

Itinatago ng mga nakikibaka sa ngalan

Ng mga mahihirap, mga pinapahirapan,

Ginagawang mahirap para may matutulungan

Ginagawang mangmang para may matuturuan

Ginagawang tanga para paglapastanganan.

Makikipag-it-bulaga ang bigas, pagdating ng bukas,

Nakarating na sa malayo sa pagkaripas.



4.

Di nagbabago ang balita sa kailihan.

Napapagod ang diwa,

Nahahapo sa di nahahapong lokohan.





Aurelio S. Agcaoili

Torrance & Redondo Beach

Nob. 26, 2004





No comments: