Epistolario ng Exilo

Parang korning

Sisimulan ang sulat para sa bayan

Ng tulad ng, "Mga Kababayan"

Ng mga diskurso

Ng mga nanunungkulan,

Presidenteng tanan

Sa pagkabig ng kaban ng bayan.



Kami rito

Sa ibayong dagat, kami na nagkukumot

Ng lamig at kawalan ng kasiguruhan,

Inaabangan namin ang susunod na kabanata

Ng samu't saring pangangamkam ng paggalang

Sa kailihan.



Ngayon ay

Ibinubulsa ng mga pinuno

Ang ating hapag-kainan, kinidnap ang ating

Latang bigasan, hinosteyds ang ating ulirat,

Ginawang eksibit sa pag-unlad ang ating malay.



Mula sa aming

Kinaroroonan, kami'y sadyang nagagalit.

Pasasaan ba't tayo'y gagaling din,

Ang ating walang kamatayang sambit

Kahit isa-isang pinapatay ang mga naghahanap-buhay

Sa peligro, kahit isa-isang nagpapatiwakal

Ang mga hinablutan ng pagkatao, kahit

Sumusuko ang marami sa tugatog ng kalbaryo,

Sige pa rin, sige pa rin ang panalangin na sana,

Na sana, ang kinabukasan ay sa bukas darating.



Dolyar nga

Ang kinikita namin,

Doble dolyar din ang bawat oras

Na siphayo namin.

Marami nang sumubok, marami ring sumuko.

Hindi madaling mawalay sa mga gabi

Ng pakikipagsiping ng panaginip sa bahaghari,

Mga de-kulay na anting-anting

Sa solitaryong unan

Sa linong sapin na tatlong ulit binuhulan

Sa linyadong papel na kayhirap sulatan.





Tuwing umaga

Ng paggising, papasinayanan namin

Ang gusali ng mga panalangin,

Ng libo-libong sana darating din

Ang panahong ang baya'y di na lilisanin.





Aurelio S. Agcaoili

Torrance, CA

Nob. 21, 2004









No comments: