Lawayan Ang Bunso, Baket, Pakrus

Nagsisimula na ang taglamig dito sa ibayong dagat.

Sa gabi ay magkukumot ka na ng deliryo, yelo sa utak.

Isama mo ang lahat ng peligro sa oras-oras na dasal,

Pagsusumamo na layuan ka ng mga libong lumbay.

Babalutin mo ng iyong ulirat ng kalambre mula

Sa mga kalbong bundok sa disyerto ng Mojave,

Kabit-kabit at nagyayabang tulad ng mga bansang

Ang lenggwaheng alam ay pananakot sa maliliit,

Ang lenggwaheng alam ay ang koronang niyebe,

Kapangyarihang alay ng kakayahang magnakaw

Ng magnakaw ng buhay na panaginip ng mga buhay

At mga gustong mabuhay na masagana at malaya

Tulad nating lahat sa atin, mga nanatili man o umalis,

Mga nakikibaka man o mga nanahimik tulad ng mga burol,

O mga lambak o mga kahoy ni Joshua na kung timindig

Sa init ng araw ay akala mong hari rin ng mga hangin

At bagyo at lahat ng mga pagsubok ng karimlan

Sa mga siyudad man ng aming pakikipagsapalaran dito

Sa mga parang man ng mga pangarap ng mga exilo o

Sa mga kalsadang lumalamon ng aming lakas,

Kaming mga migranteng nagbibilang at naghahabol

Ng mga oras, ang pagbibilang ay katumbas

Ng paglalako ng utak, karunungan, paggalang

Sa sarili at sa bayan, paggalang din sa pangalan.



Kagabi'y nanaginip ako, baket. Tungkol ito

Kay Nasudi, ang bunso ng ating mga katubusan.

Lawayan mo ang anak, lawayan mong pakrus

Tulad ng paglalaway mo sa dalawa pang supling

Ng ilang ulit. Lawayan mo sa kanyang noo

Upang maintindihan ang sanhi ng paglayo.

Lawayan mo sa kanyang puso, pakrus pa rin,

Upang doon ay ipunla ang pagmamahal sa tao.

Lawayan mo doon sa kanyang tiyan, pakrus pa rin,

Upang maalala ang sagradong tungkulin:

Paghahati-hatiin ang isang kabang bigas, isang salop

Ang sa atin, isang salop ang sa iba pang mga bunso,

Isang salop ang sa mga kuya at ate na nangangako

Na magbuo ng panaginip para sa bayan ng totoo,

Ang natitira ay sa mga lumalaban para sa mga bunso.



Lawayan ang Nasudi natin, baket, ang Nasudi

Na anak ng ating pangako, kabuuan ng pagkasino.

Pakrus ang laway, pakrus sa malapad na noo,

Paalala sa tungkulin sa pananagumpay at paglago,

Pakrus sa tiyan, paalala sa nilampasang kalbaryo,

Pakrus sa puso, paunang basbas sa ating pagsuyo.





Aurelio S. Agcaoili

Torrance, CA

Nob. 23, 2004

No comments: