Pagtula sa Panahon ng Pangangamba

(Para sa makatang napapagod nang magtula)



1.

Seguridad din ito ng puso,

Kalasag sa teatrong itim

Ng binalintunang totoo

O tinutotoong balintuna

Ng mga bayarang payaso

Sa gintong kastilyong

Ang haligi ay sa hangin

Ang bubong ay sa ulan

Ang hagdan ay sa bagyo

Ang pasamano ay sa daluyong

Ang palapag ay sa abrakadabra

Ng mga pinuno ng bayan,

Silang mga siga sa kangkungan

Silang mga tuso sa pusalian

Silang mga hari sa mga estero

Silang mga duke ng mga basurahan,

Silang mga konde ng kawalan.



2.

Ang gintong kastilyo ay pagtula

Sa panahon ng pagdadalawang-isip,

Pangamba, takot, pagbubuo ng kalooban

Para sa pakikiisa sa mga sugatang isip

Ng mga dagat na sinisindak ng mga isda

Ng mga ilog na nilalapastanganan ng mga tubig

Ng mga parang na ginagahasa ng mga damong ligaw

Ng mga gubat na inaangkin ng mga kobra

Isda

Tubig

Damong ligaw

Kobra

Silang lahat ay binyagan ngayon

ng mga pananampalayang

ang poon ay sa dilim

Silang lahat ay residente ngayon

ng mga toreng garing

ang kampana ay sa dagundong

ng mga hatinggabing parating



3.

Napapagod din ang ulirat ng makata,

Tumitigil din ang isip sa pakikidigma

Sa mga salita.





Aurelio S. Agcaoili

Torrance, CA

Nob. 17, 2004

No comments: