Silang mga nagugutom sa The Filipino Channel





Sabihin mo sa akin, makata,

Kung papaano ko hahabiin

Ang mga hibla ng mga kalungkutan

Mula sa The Filipino Channel?

Pinanood ko ang ating kinabukasan

Sa ngayon-at-dito ng ating lumbay.

Mag-anak na nag-aabang

Ng itinapong tinapay, tira-tirang laman,

Marupok nang buto at makulay na pangako

Ng chicken joy at sarap-to-the-bone,

Mag-anak na magmimina sa mga supot-supot

Na tapon, balde-baldeng mumo, sobra

Sa mga family meal na tinikman lamang,

Sinuri ng mayaman kong tama ang timpla,

Alat, anghang, amoy, presentation--

Mag-anak na magbabangon mula sa pusali

Mula sa pagkaduhagi,

Ipaghihiganti ang pang-aapi

Ng mga almusal, pananghalian, bigas, asin,

Betsin, silang maghuhugas

Ng lahat ng mga dumi ng bayan,

Ng lahat ng mga kalabisan,

Ng lahat ng mga palsong pangungusap,

Silang magluluto ng menu sa ating tagumpay,

Menung batsoy mula sa binatsoy na kapalaran--

Sila, silang lahat ang tumatao

Sa aking guni-guni, makatang ligaw!



Abe, aber, tingnan ta, kitanta man:

Papaano mo papangalanan, makata ng bayan,

Ang mga nagugutom na mga mamamayan,

Silang gumigising sa magdamag,

Naninikluhod, nakikiamot ng benditadong liwanag?

Abi, ania, sige nga, paano na:

Papaano mo bibinyagan ang mga pinggan

Na isang dekada nang hilo, uhaw,

Ngayon ay nakaidlip sa banggerahan?





Aurelio S. Agcaoili

Nob. 16, 2004

Primm Valley, CA





No comments: