Pamamahay Nitong Mga Nagdaang Panahon

Nitong mga nagdaang panahon

Na lampas ng mga de-numerong

Araw at buwan,

Mga siglo ng mga segundo

Sa malikot na kandungan

Ng banyagang lupa, dagat, langit,

Pinupuyat ako

Ng mga gabing ayaw matulog

Ayaw managinip

Ayaw angkinin ng hilik

Ayaw payakap sa higaan.



Dangan kasi'y kaulayaw ko

Ang libo-libong dela Cruz, Nayan,

Tarongay, yung ginang na ginahasa

Ng madaling araw sa Jordan

Ipinagdamot ng liwanag ang patawad

Tinapos ang pangarap sa ginhawa

Kaysa araw-araw na mamamatay.



Minu-minuto kong binibilang

Ang mga nagtataksil na sandali

Habang tinataranta ako ng balita

Sa bayan: mga magbubukid ng hasyenda

Sa Tarlac, binira, binanatan,

Pito, wala, siyam, timbog sa damuhan.

Mga estrelyadong heneral, isinusuko ang dangal,

Tinitira ang kaban ng bayan,

Sinasalamangkang maging dolyar

Minamadyik maging walong sasakyan.



Samantala, sa paulit-ulit at maulit-ulit

Na pagbubukas ng liwayway pagkatapos

Ng di umiidlip na magdamag sa aking papag,

Guguyuhin ako ng ebanghelyo ng Malakanyang:

Ang pasko ng sambayanan ay sansalop

Na kaligayahan, sangkabang kasiyahan.

Sasabihin ko kay Gloria, Come on, come on!



Sa mga malalamlam na araw ngayong

Taglagas, inaanino ko ang mga sugatan

Sa mga labanan sa basurahan, mga duguang

Ulirat sa paggawa ng mga tinatakal-takal

Na batsoy sa tira-tirang pinagsawaan,

Mga pasintabi sa kahirapan, abiso sa katarungan.



Makikita ko sa mga namamaalam na liwanag

Ang sepyang larawan: mag-anak na sinusuyo

Ng itinapong McDonald's o Jollibee,

Minaskipaps, niremedyuhan, pinanggabihan.



Aurelio S. Agcaoili

Tustin, CA

(Kinatha sa I-5 patungong San Diego, CA

habang nakikinig sa kuwento ni Anang Gonzalez

at Grace Martinez, Nob. 14, 2004)

2 comments:

rva said...

makapasidduker a talaga dagiti damag ken pagteng, mang ariel.

nangruna daytoy masaker iti hacienda luisita.

natignayak met itoy, nakapungtotak, ket nakadaniwak met iti sinankuansit a daniw...

rva

ariel said...

dear roy:
ala, ania ngarud ti maaramidantayo a mannaniw no di ket makirinnisiris iti isip, mangipeksa iti ladingit a residente itan iti pusotayo, mangipatigmaan kadagiti adda iti poder a saandakadin yimot ti hustisia para iti sapasap. anian, adi, anian a gasat! ngem saan a gasat daytoy no di ket pasamak a partuat ti makapasidduker a gagem.

ala, daniwanta lattan barbareng no makaibatita iti pannakamurmuray.

Manong A