Nag-iipon ang bunso ng sanlaksang ribon,
kawangis ng nakikita sa telebisyon.
Iaanunsiyo sa mga kapatid ang kataga ng galak:
"Meron din ako niyan! Meron din ako niyan!"
pagkakita sa neneng sing-edad
ang dibdib ay lawit ang karangalang banggit.
Ang sa anak na tinig ay sa anghel na walang sala,
walang muwang sa mga bunsong nangangawala
sa mga gera sanhi ng pagwawala ng mga may gulang
ng pangamba, sa bayan mang ito o sa bayang iniwan,
mga musmos na pinagkaitan ng anino ng almusal
kung di mang batayang dangal sa hapag-kainan.
Pagkatapos ng pakikipagtagpo sa ikalawang karangalan
ay ang pakikipagsuyuan sa entablo na mga silya sa tahanan:
isusuot muli ng bunsong iniwan ang ribong kapalit
ng isang taong pakikipaghabulan sa kawalan,
panggagaya, halimbawa, ng tunog ng abakada,
ng hindi sinasabing salita sa dinig na parirala
ng kasinungalingang walang ngalan
sapagkat lihis sa mga kategorya ng kaalaman
sablay sa ritmo ng araw-araw na suyuan,
siya sa awditibo at ako sa dulo ng walang hanggan,
dulo ng mga dulo ng mga baybaying kung tatawirin
ay sa saknong lamang ng tulang ito mangyayari
o dili kaya sa alaala ng aking kanto Gregoriano sa kanya
nang ang mundo ng musmos ay wala pa sa alibata.
A Solver Agcaoili
UH Manoa/Mar 19-07
No comments:
Post a Comment