Puyat ang gabi sa dayo.
Ang alalahanin
ay sa mga oras
na nag-aalangan
sa paghimbing.
Higaan, halimbawa,
na ang hanap
ay sa tahanang
taon kung ikebasa
ang pagbaluktot
ng likod
o ng pagsasabi
ng hapdi sa mga binti
o ng paghingi ng masahe
sa mga habilin kayhirap
itago sa mga kumot
o unang singlamig
ng simoy mula sa mga bundok
dito man sa Waipahu
o sa Marikina Heights
o saan mang lupaing di pinangako
subalit narating dahil nasa nais
o tugon kaya ng paglalakbay
ng isip, paglayo sa usapin sa kailihan
sa sarili o sa bayan.
Nagsisimula ang pagpupuyat
sa disoras ng gabi
kapag kausap ang sarili
kisame dingding o radyong
nauulol sapagkat pagal ang himig
nababalahaw ang lalamunan
tumatagos sa ere
at lumalampas sa mga sahig
sa mga pintuang pinid
saka sa teleponong pinipipi
ng pagkalkula sa bayad na dolyar
sa bawat patak ng sandaling
uulinigin ang mumunting kapilyuhan
ng bunsong kung minsan
ay ayaw makipagpalitan
ng pangungumusta
sapagkat nababagot sa palagiang
tawag at pagsagot sa paulit-ulit
na tanong na minemorya sa magdamag.
Sa akin ang ganun, kapag
ang antok ay nakikipagharutan
sa mabining hangin
at sa mga tugatog ng mga bundok
sa Kapolei nagtutungo
nakikipaglandian sa dalampasigan
ng mga isip na naglalayag
nakakarating sa mga alon sa kabilang
ibayo ng mga tagong nais
nakasilid sa mga kuadernong
nagtatago ng mga lihim
ng exilong pangarap
na akin at milyon pang amang tulad
kaming umaalis upang sa malayo
nag-iisip kung papaano pagtatagpuin
ang umaga sa kinaroroonan
at sa gabi ng iling iniwanan
sa mga pahina nakasulat
ang mga parirala
ng lumbay sanhi ng pagliban
sa mga ritwal ng kaanak
sa araw-araw.
Sa dayo ay ang kakambal
na dalangin sa mga bituin
sa buwan sa napupuiyat na gabi
na kung dumating
ay nahuhuli sa madaling araw.
A Solver Agcaoili
UH Manoa/Mar 9-07
No comments:
Post a Comment