Utob sa Loob

(Pasasalamat sa kuwento ng mga kaibigan sa California na kinaringgan ng parilalang humihingi ng pagtatakda)


1.
Dayong ngalan ang sa iyo
at kayhirap pakaisipin
kung ano nga ba ang simula ng panimdim
at wakas ng mga alalahanin.

Utob sa loob ang tubos
sa pagkakasanla ng panahon
oras o distansiya kaya ng mga nais
simula noon at magpakailan man.

Para sa bunsong irog
ay ang pagkamangha sa liwanag
sa sinapupunan ng dilim
at ganun at ganun din
sa dilim sa matris ng liwanag
na kung wala man sa palad
ay naroon sa nangangakong liwayway
sa mga siglo ng magdamag.

Dito sa dayo ay ang kabit-kabit
na panalangin sa lahat ng anito:
sa puno, halimbawa, na henesis
ng panata sa paglaya ng mga dahon
sa mga sanga at bulaklak
pagdating ng taglagas
upang sa tagsibol ng mga darang
mula sa mata ng araw
at labi ng mga bituin
ay makakalikha ng apoy
sa mga talulot sa kumpol-kumpol
na bunga ng mga nahihinog na pangarap.

2.
Sa ibayong dagat ko naulinigan
ang gramatika ng utob sa loob
na utob din sa puso ng mga mapapalad
mga buhay na pananalig, mainit-init
matikas pa sa hambog na tandang kapag
magyabang sa inahing naniningalang-pugad
ay sa liksi ng di mahuli-huling lintik
sa tag-araw ng mga unang ulan.

Utob sa loob, kung gayon,
ang wika ng pagbuo
sa mabuting balita ng nagbabalik-gunitang
panahon para sa naghihintay na sansinukob
umaasa sa daratal na angking araw
mangagsisiliyab sa madilim na pakay
ng mga di kakampi sa panganay na dalangin
mga tusong miron ng alalahanin
pagdadalawang-isip, halimbawa,
na ngayon ay sa bato sa dibdib,
marmol doon na uukitan ng masuyong awit.


A Solver Agcaoili
UH Manoa/Mar 19-07

No comments: