Kagabi ang eksenang nanakawin
hahablutin hihiramin at di na isasauli pa.
Sa pelikula ko yun gagamitin
sa "Pukan Cane" sa aking isip
na isalarawan ang daantaong sakripisyo
ng mga kalahi sa hagupit ng araw
at paglayo sa tahanan sa Ilokos
sa Visaya sa Katagalugan.
Mangmang silang nagpunta
humarap nangako na magpakabuti
magpakasipag makipagbanat-ng-buto
sa luna at takot at kahirapan.
Ngunit kagabi ay ang eksena sa salon
ng Kapitan Tiago, sa otel na ito
ng mga bundat ang bulsa
ang pagparada ng sasakyan
ay sa mga bagong alipin
na naghihintay ng ambon
tulad noon, konting awa
na nakukuha sa tingin
pag-arte sa pangangailangan
kaya dudukot ka, kasama ang pagdukot
ng kuarenta dolyar na kabayaran sa mesa
upang sa salon ng Kapitan Tiago,
sa otel na ito na pinaglilingkuran ng kailian
mga bagong adipen tulad noon bago
ang mapagsamantalang kaayusan
papanoorin ang gara sa paglakad
ng mga manang, mga kababaihang
pinuno ng mga imigranteng pangarap,
ang suot ay libong dolyar
para sa isang gabing dangal
bibilhin mula sa pagsuyo ng madla
sa mahinhing pagpaikot-ikot sa entablado
ng sinusukat na paghanga
at sa isang kisapmata, sa salon na iyon
ng Kapitan Tiago, mapupuno ng mga Victorina,
noon ay donya, ngayon ay hindi na.
Sabi ko sa isang makatang propesora:
ito ang eksena ng aking "Pukan Cane"
at dito, dito ko bubuuin ang larawan
ng gabi, ang lalim ng mga lumbay
sa dayo. Talinghaga ito ng mga bangungot
na sa haba ng panahon ay pagsuyo
ng mga pook ng anitong nakalimot.
A Solver Agcaoili
Waikiki. Ala Moana Hotel/Mar 10-07
No comments:
Post a Comment