1.
Papataas ang numero ng taong darating
pagkatapos ng mga hunos & tsunami
ng mga takot natin. Magbabalik
ang kapangyarihan ng hiwaga sa ating piling,
makikisalo sa ating muling pagpipiging.
Sa pamamagitan ng sugatang
hintuturo at nagnanaknak na isip
ay iguguhit natin,
sabay-sabay
buong-puso
buong tapang
ang buntot
ng papataas na numero
sa dulo ng ating hinagpis.
Pagmamasdan natin ang guhit
sa malabulak na ulap
at sa nagtatangis na langit,
amarilyo
matingkad na amarilyo
nagmumurang pula,
langit na kambas ng ating pighati
sa isang mahabang taon na tinatapos natin.
Labing-tatlong buwan ng mga lungkot at halakhak
ng mga rumaragasang ulan
ng mga nababaliw na buhawi
sa ating araw-araw na pamumuhay sa bayang mahal
subalit hindi marunong magmahal sa atin.
Limang linggo sa bawat buwan na pagkasabik
ng mga gubat sa paglalandi ng mga bituin
sa gabi ng ating panimdim,
sa gabing dasal ang tugon sa silakbo ng tiyan.
Walong araw sa isang linggo
ng pakikibaka ng mga nasang salarin,
nasa sa katapatan ng mga pangako sa atin
ng mga politikong damdamin
para sa pagkakaisa
para sa kaunlaran
para sa katotohanan
para sa kaaya-ayang buhay
para sa kabutihan ng lahat
mamamayan man o hindi na kapiling natin
mamamayan man o hindi na kasa-kasama natin
sa paggising sa iisang umagang tiyakan ang pagdating.
Kuwadrado ang dulo ng taon
ng ating pag-iisa sa kalungkutan at lumbay.
Parisukat ito ng ating selda
o karsel ng ating ibig marating
na napakaordinaryo lang naman
tulad ng kalayaang magmahal
tulad ng kalayaang magsabi ng katotohanan
tulad ng kalayaang masaksihan ang kagandahan
tulad ng kalayaang umiral na may kabuluhan,
umiral sa mga saknong ng katarungang laan sa atin
at dahil laan ay di na kailangan ang pagbubuwis
ng buhay sa mga walang kapararakang baha
at bagyo, daluyong at dilim.
At sapagkat papaakyat ang numero
sa langit ng ating panalangin,
kailangan nating ipagdiwang ito
kasabay ng pagpapasabog sa nakatagong sama ng loob,
sa siphayo sa dibdib na dinamita ng pag-ibig
sa pagmamahal sa isa't isa
sa pagmamalasakit sa mga kapwa naghihikakos
sa pakikiisa sa mga kapwa inaapi
sa pakikipagtunggali na kasama ang mga pinagkakaitan
ng mga ligaw at nanliligaw na tadhana.
Maghahanda tayo ng mga paputok
& tutuluyan na nating takutin ang lahat na kamalasan
sa bayan man o sa sarili, tutuluyan na nating
palayasin ang lahat ng demonyo
sa mga singit ng gunita ng kawalan ng ganang huminga.
Isasama ang mga ito
sa ingay ng kuwitis,
sa singaw ng supot na lusis
sa malutong na halakhak ng bawang
sa bilis na pag-akyat ng raket sa kalawakan
at doon, doon makikiisa ang lahat ng di magandang kuwentong
likha at dulot ng mahabang panahon ng lungkot.
Magsasabit din tayo ng mga papel na pera,
yung luntian o biyoleta, ano mang kulay,
lahat ng kulay, itali sa bintana,
sa pintuan, sa rehas, sa pasamano,
gawing dekorasyon sa mga dingding
at hayaang laruin ng liwanag mula sa mga butuin,
liwanag na sumusulyap-sulyap mula sa dilim.
Magandang kapalaran ang pahiwatig
ng taong darating, ang dulo nito
ay nakaturo sa hanging patas kung humagupit,
nangangako ng katuparan ng nais:
pagkain sa mesang matagal nang gutom
trabaho sa mga isip na matagal nang tambay
bukirin sa mga kamay na nangangarap magbungkal
kalayaan sa bayang sinasakal.
2.
Papataas ang numero ng taong darating,
magbabalik ang hiwaga sa buhay natin.
Makikisalo sa ating pagpipiging,
ang magandang kapalarang dulot
ng numero ng taong darating.
Sapagkat lalo nating pag-iibayuhin
ang pagkamit sa katarungang atin.
Sapagkat lalabanan natin
ang takot & pagluluksang kinikimkim.
Sapagkat tatapusin natin
ang pagtitiwala sa wala,
sa wakas ay lalayuan na tayo ng malas &
sapagkat palalayasin natin ang malas
sa ating matagal nang nakatikom na palad.
Aurelio S. Agcaoili
Torrance, CA
Dis. 27, 2004
No comments:
Post a Comment