Nasa malayo man kami, kaylapit naman ang balita
Tungkol sa atin. Mga sunod-sunod na bagyong
Nangungutang ng pagkain sa pagdapa ng mga bukid
Sa pagsuko na naman ng mga palay sa hampas
Ng mga banyagang hangin. Makikita namin ang imaheng
Nagwawaldas ng dasal at nangungurakot ng panalangin:
Mga batang inanod ng baha o nilamon ng mga gabi
Ng mga daluyong na di nagpapaalam kung dumating
Tulad ng mga daluyong sa ating mga lansangang
Naglilibing ng mga pag-asang makaalis sa mahika
Ng karukhaang minamaskarahan ng tabi-tabing
Hintayan mula sa ating mga pawis at pangarap;
Mga pami-pamilyang kuyog-kuyog kung tangayin
Ng agos mula sa mga bundok, mula sa mga buhos
Ng ulan, mula sa mga lupang inutang ng kapalaran
Sa mga nagtotroso sa mga gubat sa ating kabahayan;
Mga kabataan kung bumulagta ay parang ibong
Tinirador, pinag-ensayuhan ng kaliweteng kalamidad,
Traidor kung bumanat, patalikod kung managad
Tulad ng pananagad ng mga pinuno natin sa ating
Pagtitimpi, sa ating pang-unawa, sa ating pagnanais
Na darating din ang araw ng pagsusumamo ng mga bagyo,
Paghingi ng tawad sa atin at sa lahat ng mga nauna
Sa atin na inagawan ng subo, pinagkaitan ng makulay
Na panaginip, yung ang mga kulay ay kasingtingkad
Ng araw bago ang walang wawang ulan, o dili kaya
Ay yaong nagbibinatang araw pagkatapos ng hunos,
Tirik ang mga rayang tumatagos sa mga malinaw
Na ilog, sa mga namamasa-masa pang lupang
Naghihintay ng araro, ng panabas, ng haplos
Ng mga magbubukid na tinangay ng mga ipu-ipo,
Mga mangingisdang nilamon ng dagat ayon
Sa maagang pasabi ng bandos o kometa kaya
Ng mga matatabil na dapit-hapon, yung panahon
Ng huntahan ng mga nangawala sa sunod-sunod
Na bagyo, iniisa-isa ang masaklap na sinapit,
Minamarkahan ang mga muhon ng bangungot
Upang paggising ay maituturo ang mananagot
Madadala sila sa husgado ng lahat na makatarungan
Ipipiit sa selda ng isip ang lahat na nambusabos
Sa mga humahalakhak na bagong silang na liwayway
Sa mga naglalanding hampas ng alon sa mga batong
Saksi sa pagsasamantala ng mga kalahating panginoon
Sa hanging amihang mag-aaruga sa buntis nang palay
At muli, tayo ay haharap sa hapag-kainan, tayong
Lahat, nangawala at nawala, umalis at iniwan,
Nagbalik at binalikan, tayong lahat na nagmamay-ari
Ng mga kuwento ng katubusan, ng basi ng kaligtasan.
At tayo'y magsasaya muli, maggagalak tulad ng dati,
At tayo'y iinum ng alak mula sa mga bungo ng kaaway
Iinum tayo mula sa kopita ng pagpapanibagong-buhay
Tatamasahin natin ang sukli ng pagsasanla sa hukay.
Aurelio S. Agcaoili
Dis. 2, 2004
No comments:
Post a Comment