Pagsapi ng Tula sa Pagkatao Natin

Pagsapi ng tula sa pagkatao natin,

Di na muli tayo dadalawin ng antok.

Umuugong ang mga himig ng bawat

Parilala ng pasabing maging mulat



At gising sa balita ng mga sansaglit

Na kung dumating ay panakaw at saka

Mabalis na aalis, makikipag-ulayaw

Sa mga nagaganap sa ating paligid,



Sa mga pagtangis ng mga bigasan

Na kung agawan ng pagmamahal

Ay kaban-kaban, pinagdadamutan

Ng alaala ng malamig na bahaw.



Ganito ang uukilkil sa ating isip

Kapang nangyari uli ang pagsapi

Ng tula sa ating tulirong dibdib:

Larawang guhit ng musang marikit,



Mga pasintabi sa mga gusgusin

At naglilimahid, silang sanhi

Ng ating pagkakaganito ngayon,

Tayong mga makata ng panahon,



Tayong lahat na di pinapatahimik

Ng budhi, may obligasyong humindi,

Kathain ang tula ng pagtutol,

Bigkasin ang palsong pagmamaktol



Ng lengguwahe ng mga nang-aapi

Ng talinghaga ng mga naghahari

Ng berso-bersuhan ng mga reyna

Ng saknong-saknungang sabi-sabi.



Kapag sumapi sa atin ang tula,

Ang totoong tula ng pagbangon

Mula sa mga pinapaslang na ulan

Mula sa mga kinikitil na bukid



Mula sa mga abo ng mga panaginip

Mula sa mga kalye ng karukhaan

Mula sa mga templo ng ating dasal

Mula sa sakramento ng pakikibaka



Agad tayong lulukso at tayong lahat

Ay haharap sa rekisito ng paklikha,

Haharapin ang lungkot ng blangkong pahina,

At doon, doon tayo magsimulang magtula.



At tulad ng mga nauna sa atin,

Mga manlilikhang di pinatulog

Ng maraming alalahanin sa sining,

Maniniyak tayo sa ating sasabihin.



Sasabihin natin ang tutuong pangalan

Ng ating tula, ang layon sa ngayon,

Ang pagbalangkas ng mga salitang

Nakagagaling, nagpupuno ng mithiin.





Aurelio S. Agcaoili

Torrance, CA

Dec. 15, 2004











No comments: