Di Pa Huling Huntahan Sa Konggreso Ng Mga Masaklap na Kapalaran Sa Aking Bayan

Di ito ang huling huntahan

sa konggreso ng ating

masaklap na kapalaran.



Mamamayan tayo

sa lipunan

ng ating buhay

na pananabik

sa katarungan

ng mga nakakasapat

na pakinabang

sa hapag-kainan

ng kung ano ang angkop

para sa mga karaingan,

sa katuparan ng pangarap

para sa isang masaganang

kainang di lang iilan

ang dumidighay pagkatapos

kundi tayong lahat,

dating mga pinipi ng wikang makapangyarihan,

dating mga biningi ng tinig na nakakapanlumo,

dating mga pinilay ng mga utos ng mga hari

dating mga binulag ng mga eksena ng karangyaan

na ngayon ay kasama sa mga sabayang paghalakhak,

buo at nambubuhay ng mga kalamnang pagal

nagdiriwang

sa pagdiriwang

ng mga pagdiriwang

na kasali tayo, kasalo, kasama.



Kahit sabihin nating namayapa na

ang mga imahinasyon tungkol

sa pagbabalik ng mga naghahanap

ng hustisya sa padaya ng pagilian,



kahit sabihin natin na ang katuparan

ng mga ligaw na alalahanin

ay nasa ataul na ngayon at pinagmimisahan

ng mga masang ang alam ay ang orasyon

sa panlipunang katarungan,



kahit ngayon ay bubusugin ka

ng mga akto sa sinehan

o sa pelikula ng kamangmangan,



kahit sa pagpipila-pila

ng mga panaginip natin

ay patutungo tayo sa malawak

na altar ng mga bagong kalungkutan

sa bayan

tulad ng mga lungkot

sa mga panaginip na niraransom

o ng mga kabayang binibihag

ng mga masaganang handaan

para sa mga anak at mga anak

ng bayan,



kahit ngayon ay sasamahan natin

ang namayapang panaginip

sa kanyang huling hantungan

sa musoleo ng siglo-siglong

panagimpan,



sasabihin natin sa ating mga sarili:

Huhusgahan natin ang mga mababangis

na hangin at madarang na araw.



Bibigkasin natin itong sentensya

ng lahat ng mga sentensiyang

noon pa sana natin naisip,

isinagawa, pinangalanan,

ginawang pinal na pangungusap upang

maging puso ng ating pansamantalang

pagluluksa:



Hindi pa ito ang huling huntahan

sa konggreso ng ating masaklap

na kapalaran.



Hahanapin natin ang huling huntahan

sa mga bukal ng ating pagtangis.

Dudukalin natin ang katubusan

sa mga parang at mga gabing

nagsisilang ng kapayapaan

sa dulang at sa himlayan.





Aurelio S. Agcaoili

Torrance, CA

Dis. 18, 2004

No comments: