Pagniniig ng mga Panaginip sa Pag-ibig

(Para sa kabiyak at mga supling--at sa ika-20ng

anibersaryo ng pag-iisang dibdib)



Nagniniig din ang mga panaginip

Natin sa pag-ibig,

Pawang mga sukat at tugma

Ng ating dalawampung taong pag-iisang dibdib.



Di natin akalain na ang malawak na tubig

At ang di maabot na langit ang sasaksi

Sa ating anibersaryo sa diwa at sa isip.



Ngayon at bukas at sa lahat ng panahon

Sa ating puso, tayong dalawang nagmahal

At patuloy na nagmamahal,

Ay dadami at dadami at ang dalawang

Tayo noon ay magiging isang bayan,

Isang malaking bayan na magluluwal

Ng mga bagong bayan tulad

Ng sa atin: mga supling na marunong

Magmahal sa sarili, mga supling na

Marunong magmahal sa iba.



Dadalawa tayo noon.



Pero ngayon ay kasali na

Ang mga anak na nanggaling sa ating

Mga lino at unan at sa pagsabog ng ulan

Sa mga tuyot na tuyot na mga pilapil

Sa mga talata ng ating mga nasa,

Sa sabik ng mga gabing ayaw matulog,

Sa lambing ng mga disoras sa dilim

Na ayaw maantok.



Lumarga tayo sa buhay

At pumalaot sa dagat

Ng pagbabakasakali.



Isang taon,

Nasa tuktok tayo ng mga alon.



Isang taon ay sa ilalim tayo

Ng mga agos.



Isang taon ay kasama

Natin ang bagyo at hunos

At daluyong, kasama ang bahang

Umanod sa ating pangamba at takot.



Sa bawat taon, muli at muli

Nating binigkas ang panunumpa

Sa pagniniig ng mga panaginip

Sa pag-ibig na para sa atin

Sa pag-ibig na para sa iba.



At napagtanto natin

Ang mga kabanata ng panahon,

Ang walang katapusang sukat

Ng ating panahon, tayong dalawa,

Tayong dalawang naging bayan,

Tayong naging bayan na magiging bayan.



Dugtong-dugtong ang mga araw,

Linggo, buwan, taon, dekada,

Tag-ulan, tag-araw, at pagbangon.

At ang ngayon ang tagapagdugtong.

Sapagkat ang ngayon

Ang puso ng paulit-ulit na panunumpa.



Ngayon ay isama na natin

Sa panunumpa ang mga anak na di atin.

Nananahan sila sa tahanan ng lahat

Ng mga alalahanin ngunit di nanggaling

Sa ating mga kumot, gabi, at ligaw na balakin.



Ngayon ay kakabit silang

Lahat sa ating anibersaryo,

Tayong kapwa guro sa silid-aralan

ng mga siphayo at pakikibaka,

Tayong kapwa mag-aaral sa maraming aralin

sa pagdarahop at paghahabol ng mailuluto,

Tayong kapwa magulang ng mga anak ng bayang

Magmamahal sa mga kapwa anak ng bayan.



Malayo man tayo sa isa't isa

Ay kaylapit din natin.

Iisa ang layon,

Isa din lamang ang pakay

Sa paglayo:

Ang pagbabalik sa isa't isa,

Saksi ang mga gabi at araw dito man

Sa tahanang wala ang mga halakhak

Ng mga anak na dumidiskarte sa buhay

Ng mga anak na dumisdiskobre kung ano ang bukas

Ng mga anak na di atin na kasama natin

Sa lungkot at galak

Sa hirap at pananagumpay

Sa pakikibaka at pagpapalakas ng loob

Sa pakikipagtunggali at pagpapatibay ng hanay.



Bukas, sa kaarawan ng ating anibersaryo,

Mamimitas tayo ng sariwang pag-asa

Sa mga punong-kahoy sa ating bakuran,

Sa mga bulaklak sa ating halamanan

Sa mga dingding at pintuang tagapagtala

Ng ating nakikipagdimang kasaysayan.



Isama nating pagdiskursuhin ang mga anak,

Atin man o sa bayan.



Isa-isa silang magtestimonya

Sa ating tagumpay

At kabiguan, sasabihin nila ang ating

Walang katapusang pagpapanibagong-buhay.



Aurelio S. Agcaoili

Torrance, CA

Dis. 26, 2004



2 comments:

abril said...

poetry is really a powerful force to convey your love for your loved ones and your country, di kadi manong? reading your poems makes my day complete. this is where i draw my inspiration to write poems, too,ha-ha-ha, wen, manong, adu pay nga innapuy ti kanek. ala, manong, happy anniversary ken naragsak a paskuayo a sangapamilia.

ariel said...

dear abril,
agyamanak ta makapudpudno dagitoy daniw ken sursuratek.
agyamanak met iti kablaawmo.

happy holidays.
manong A