Siklot-Siklot Na Mga Sayang

(Para sa mga magigiting na makatang Ilokano: Roy, Joel,

Dan, Pete, Rene)








Bilangin natin ang mga sayang

Simula sa sumuko nang siglo

Ng pagsasamantala ng mga kauri

At kalaban, sa diwa man o sa isip.



Ihinahain sa atin ang kamandag

Ng mga kobra mula sa mga salitang

Laban sa atin na ginagawang mangmang.

Ganun din na ipinapainom sa atin

Ang lason ng paglimot at tayong

Lahat ay maging manhid

Mula puso hanggang puson.



At tayo ang mga ito.



Tayong mga nilalang pa man din

Ng mga panaginip

Sa mga nagbabagang dibdib

Ng mga nangangarap na magdamag.



Gabi at araw

Ay ipinaglilihi natin ang panaginip.

Ipinapanganak natin ang sinag ng araw

Na pumapaso sa mga parang

Na bumubuhay sa mga kaingin

Na gumigising sa mga inaantok na tubig.



Tayong lahat ang mga ito,

Tayong mga ginagawang walang muwang

Ng mga pagkakataong kinamkam

Sa atin ng mga nakabaro't sayang

Mga panginoon, silang may titulo

Sa mga dapit-hapon at hatinggabi

Silang may prangkisa sa mga diskurso

Ng ingay at paghahambog

Ng mga mapanirang kulisap

Sa mga palayan at maisan

Ng ating mga tula

Ng ating mga damdamin.



Siklot-siklot na mga sayang

Ang sa atin, kapalaran pa man din

Na itinadhana ng mga baha at daluyong

Banyaga sa kanila ang karahasan

Tulad ng kanilang mga pangalan.



Siklot-siklot na mga sayang

Ang sa atin, di matatapos

Na pighati at pang-aapi

Kapag di simulang pigtalin.





Aurelio S. Agcaoili

Torrance, CA

Dis. 10, 2004

2 comments:

rva said...

maraming-maraming salamat, manong ariel, sa lagi't palagiang banggit, sa alaala't alala sa amin, sa akin, sa ating mga sinimula't simulain, sa atin muling mga gawi't gawain...

sana ay makabawi pa ako. sana ay makatula pa rin ako nang makatula, di na lang palaging natutulala't walang maitula. napakainam na inspirasyon itong iyong mga tula't pagtula sa blog, sisikapin ko rin ngarud na makatula at muling tumula.

ariel said...

dear roy:
di ako nakakalimot sa simulain. ito ang sanhin ng mga sanhi. ituloy natin ang ating pakikialam--kahit man lamang sa pagtula.
Manong A